Mong Palatino

blogging about the philippine left and southeast asian politics since 2004

About

@mongster is a manila-based activist, former philippine legislator, and blogger/analyst of asia-pacific affairs.

Taong 2013 nang tuluyang nahubaran ang rehimen ni BS Aquino bilang numero unong tuta ng imperyalismo, sagad-sagaring korap, tagapagtanggol ng interes ng malaking negosyo, at inutil sa panahon ng krisis at kalamidad. Nalantad si BS Aquino bilang hasyenderong pangulo na pabaya, arogante, at kasabwat ng mga kurakot. Dahil dito, bumuhos sa lansangan ang daan-daang libong masa upang isigaw ang kanilang galit sa sistemang bulok at korap. Higit na tumindi ang poot ng mamamayan nang masaksihan ng marami ang palpak na pamumuno ni BS Aquino nang hinagupit ang bansa ng malalakas na lindol at bagyo na nagdulot ng malaking pinsala at trahedya sa buhay ng maraming Pilipino.

Nawalan ng bisa ang pagbandila ng pamahalaan ni BS Aquino ng paglago diumano ng ekonomiya nang mas tumingkad ang kahirapang dinaranas ng karaniwang tao. Ang malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay natumbok ng balitang hindi lalagpas sa 40 pamilya ang nagmamay-ari ng 75 bahagdan ng ekonomiya. Naging kakatwa ang pagtukoy sa mataas na GDP habang ang mayorya ay dinudukha ng matataas na bayarin, murang pasahod, maduming kapaligiran, at kawalan ng katiyakan sa pabahay at kabuhayan. Kung tutuusin, ang pawis at dugo ng manggagawang Pilipino ang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa; at marami sa kanila ang pwersadong makipagsapalaran sa ibang bayan at mahiwalay sa pamilya upang may makain lamang. Sa kabila nito, pinagyayabang ni BS Aquino na dumarami diumano ang nakakaramdam ng kaginhawaan dulot ng mga patakarang pinapatupad ng kanyang pamahalaan.

Samantala, sa kabila ng pagkapanalo ng maraming kandidato ng administrasyon noong nakaraang halalan ay hindi nito napigilan ang pagsidhi ng krisis sa pulitika dahil mas tumampok na usapin ang kawalan ng malinis at epektibong pamumuno sa bansa. Kahit may postura itong malinis at bukas (transparent), lumabas ang katotohanan na ang pamahalaan ni BS Aquino ay walang pinag-iba sa mga nagdaang pamahalaan: madumi, magnanakaw, at ganid. Noong una ay pinagtatanggol pa ni BS Aquino ang pork barrel subalit napilitan ding magdeklara na pabor siya sa pagbuwag ng PDAF nang kumilos ang mamamayan sa kalye. Gayunpaman, tulad ng inaasahan, ayaw pakawalan ni BS Aquino ang presidential pork at DAP na aabot sa isang trilyong piso kada taon. Kailangan ni BS Aquino ang pork upang panatilihin ang kanyang dominasyon sa buong burukrasya habang sistematikong kinakamkam ng kanyang pamilya at mga galamay ang salapi ng mamamayan.

Upang humupa ang galit ng tao sa pork, nangako ang pamahalaan na ito ay ididiretso sa serbisyong sosyal at mga proyektong kailangan ng mga komunidad. Subalit nabunyag ang kahungkagan ng pangakong ito nang sadyang tinago, pinabagal, at nilapatan ng maraming kondisyon ng pamahalaan ang pagbibigay tulong sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda. Naging malinaw sa lahat na ang pork, bukod sa kinukurakot, ay ginagamit at patuloy na gagamitin hindi upang paglingkuran ang mamamayan kundi bilang kasangkapang pulitikal ng naghaharing paksyon sa bansa. Bukod dito, hindi nagamit o sadyang hindi ginamit ang trilyong pisong pork ng pangulo upang palakasin ang paghahanda ng bansa sa mga dumarating na sakuna.

At habang abala ang marami kung paano tutulong sa pagbangon ng Samar at Leyte, ginamit itong oportunidad ng tusong rehimeng US-Aquino upang pabilisin at gawing lehitimo ang pagpasok muli at pagtatayo ng base ng mga tropang Amerikano sa bansa.

Dagdag pa, hindi tumutol ang pamahalaan sa pagtaas ng singil sa kuryente at langis sa kabila ng sunud-sunod na kalamidad sa bansa. Tila mas matimbang kay BS Aquino ang pagtatangol ng sobra-sobrang kita ng mga oligarkiyang nag-ambag sa kanyang kandidatura kaysa kapakanan ng mahihirap. Kaugnay nito, sinusulong ang pribatisasyon ng mga ospital, reklamasyon ng mga baybayin, at tax holiday pabor sa mga dambuhalang crony.

Kung mahigpit ang pagtutol ni Aquino sa panukalang dagdag sahod ng manggagawa, kabaligtaran naman ang posisyon nito pagdating sa pagpataw ng mga dagdag na bayarin sa mamamayan. Magtataas ng buwanang singil ang SSS at Philhealth kahit bilyun-bilyon ang kita ng mga institusyong ito at kahit na tumatanggap ng milyon-milyong bonus ang mga opisyal nito. Nakaamba rin ang pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT dahil babawasan ng gobyerno ang subsidyo para dito.

Sa Metro Manila, agresibong pinapatupad ang Public-Private-Partnership bilang pamantayan ng pagtataguyod ng mga malalaking proyekto. Tinuturing na negosyo ang pagbibigay serbisyo sa mamamayan kaya ang tinatarget ng mga ahensiya ay pagkamal ng tubo sa halip na pagbutihin at gawing mura ang mga serbisyong publiko.

Laganap din ang banta at aktuwal na kaso ng demolisyon sa mga komunidad na pagtatayuan ng mga sentrong komersiyal imbes na maglaan ng pondo para sa socialized housing. Winawalis ang mga maliliit na manininda sa kanilang mga pwesto kahit walang alternatibong kabuhayang inihahain ang pamahalaan. Bukod dito, unang binabaling ang sisi sa mga maralita kung may malalang pagbaha sa siyudad, at ginagamit itong dahilan upang gibain ang kanilang tirahan, sa halip na ugatin ang problema at tukuyin ang kawalan ng maayos na urban planning at land zoning sa bansa, kahirapan, at historikal na kapabayaan ng pamahalaan.

Sa pagsidhi ng krisis sa lipunan ay ramdam ang bagsik at pasismo ng pamahalaan laban sa mamamayang Pilipino. Tumindi ang militarisasyon sa kanayunan lalo na sa mga malalaking hasyenda, minahan at plantasyon ng mga multinasyonal na korporasyon. Ginamit ang armadong lakas ng estado upang supilin ang pagtutol ng mamamayan sa mga mapanira at maduming operasyon ng malaking negosyo. Hindi binuwag ang private army ng mga despotikong panginoong maylupa at warlord; at sa halip ay hinayaang maghasik ng lagim sa maraming komunidad, lalo na sa mga lugar na may solidong lakas ang mga progresibong pwersa.

Tinangkang ipakete ang Oplan Bayanihan bilang makatao, mapayapa, at makatarungang programa upang biguin ang rebolusyong komunista sa bansa. Ginamit ang wika ng repormiso at pasipismo upang linlangin ang mamamayan na huwag sumapi sa mga radikal na samahan at itakwil ang rebolusyon.

Subalit tulad ng mga naunang counterinsurgency program ng pamahalaan, ang OpBay ay nagbunsod lamang ng matinding karahasan sa bansa. Nagpatuloy ang harassment, pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista, mamamahayag, at iba pang may kritikal na tindig sa mga usaping bayan. May pananagutan si BS Aquino sa paglobo ng bilang ng mga biktima ng karahasan mula sa sektor ng mga bata, IP, at kababaihan.

Brutal na binubuwag ng militar ang mga kooperatiba, unyon, at mga progresibong alyansa habang nagkakalat ng black propaganda at taktikang red baiting sa mga paaralan, simbahan, at mga barangay laban sa kilusang pambansa demokratiko.

Pinatindi ang atake sa mga masang organisasyon sa kalunsuran. Sinampahan ng gawa-gawang kaso ang mga hayag na lider masa ng kilusan upang pilayin ang pagsulong ng pakikibakang masa at bahiran ang kredibilidad ng mga progresibo. Higit na naging sopistikado ang paniniktik gamit ang makabagong teknolohiya (CCTV) habang lumiliit ang demokatikong espasyo na kung saan malaya at walang takot na pwedeng magpahayag ang mamamayan.

Pinatunayan ni BS Aquino na wala itong tapat na hangaring magtulak ng tunay na kapayapaan sa bansa dahil sa makitid nitong pananaw hinggil sa usapang pangkapayapaan. Ang balakid sa muling paghaharap ng peace panel ay madaling mawala kung tutuparin lamang ng pamahalaan ang obligasyon nitong palayain ang mga bilanggong pulitikal, partikular ang mga NDF consultant. Subalit sa halip na makipag-usap ay aroganteng pinaninindigan ni BS Aquino at ng militar na may kakayahan itong talunin at lansagin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang taong 2016.

Tatlong taon pa lang ang panunungkulan ni BS Aquino subalit kaya na nitong higitan ang mga nagdaang rehimen pagdating sa pagiging sunud-sunuran sa mga dayuhan, kurakot, berdugo, at pabigat sa buhay ng masa. Ang ‘Daang Matuwid’ ay slogang walang silbi na nagdulot lamang ng walang kaparis na kahirapan at karahasan sa mamamayan. Ang gobyerno ni BS Aquino ay nananatiling gobyerno ng mayayaman at mga mapang-api sa lipunan.

Sa kabila ng malakas na impluwensiya ni BS Aquino sa mga konserbatibong institusyon tulad ng mainstream media, mga unibersidad, at simbahan, nabigo itong itago ang kabulukan at baho ng kasalukuyang sistema. Umalingawngaw ang galit ng mamamayan at dumami ang mga tinig na nananawagang patalsikin ang isang pamahalaang inutil at kurakot.

Dapat ipunin ang saloobing ito at itaas ang paglaban ng mamamayan. Ang desperasyon ng masa sa sistemang pumapatay ay dapat hubugin hanggang ito ay maging diwang rebolusyonaryo. Ang tuluy-tuloy na paghamon sa pamahalaan ni BS Aquino hanggang sa ito ay mapabagsak ay bahagi ng pangmatagalang pakikibaka na wakasan ang sistemang mapang-api at itayo ang tunay na demokratikong pamahalaan ng mamamayan.

Leave a Reply