Eto ang hinanda kong talumpati para sa SONA 2009 sa labas ng Batasan.
Magandang tanghali po mga kababayan at mga kasama sa pakikibaka! Halos isang dekada na si Gloria Arroyo sa Malakanyang. Isang dekada na ring nagtitiis at lalong naghirap ang ating bansa. Para po sa aming henerasyon na naging bahagi ng Edsa Dos, ang nakalipas na siyam na taon ay parang bangungot. Bakit ang People Power president ay naging “halimaw sa banga”? Imbes na pagbabago, imbes na kaunlaran, ang nasaksihan natin ay ang kabaligtaran. Kung mayroon mang pagbabago, eto ay ang pagdami ng mga tagong yaman ng First Family; kung mayroon mang pag-unlad, eto ang pag-unlad ng kabuhayan ng mga kroni ni Arroyo.
Isang insulto sa mamamayang Pilipino ang nilulutong con-ass ng Kongreso. Hindi tayo mangmang; huwag nila tayong lokohin. Ang con-ass ay pinasa para sa kapakinabangan ni Arroyo. Walang ibang layunin ang Kongreso kundi bigyan ng legal na batayan ang hangarin ni Arroyo na manatili sa kapangyarihan habambuhay.
Ginagawa ni Arroyo ang lahat para hindi makaalis ng Malakanyang. Bukod sa Cha-Cha, nariyan ang banta ng Martial Law. May mga pangamba na sasadyaing palpak ang poll automation ng Comelec para gamitin sa dayaan o kaya’y magkaroon ng failure of elections sa susunod na taon.
Desperado na si Gloria at ang kanyang mga kasapakat. Para sa kanila, hindi pa sapat ang siyam na taon ng pandarambong at maduming pamamahala.
Pero para sa mamamayang Pilipino, nasaid na ang ating pasensiya. Ngayon ang oras ng paniningil. Isa-isahin natin ang ilang tampok na kasalanan ng rehimeng ito:
Una, higit na nasadlak sa kumunoy ng kahirapan ang masang Pilipino. Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho. Dahil sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya, bumagsak ang maraming maliliit na kumpanya sa bansa. Kaibigan ni Arroyo ang mga dambuhalang negosyo kaya pinayagan ang pagtaas ng presyo ng langis, tubig, kuryente, at LPG. Mas mataas ngayon ang singil sa VAT.
Nananatiling maliit ang suweldo ng mga manggagawa. Patuloy na tinutulak ni Arroyo ang mga kabataan papalabas ng bansa. Walang dangal ang pamahalaang ito; pati ang kanyang mamamayan ay ginagawang export commodity.
Pangalawang tampok na kasalanan ni Arroyo: pandarambong. Plunder. Nariyan ang Jose Pidal account, fertilizer scam, Diosdado Macapagal Boulevard, Jueteng payola, euro generals, nbn-zte, northrail, mega pacific. Tunay nga siyang Reyna ng mga Corrupt. Kung papayagan nating manatili pa sa puwesto si Arroyo, baka dumami pa ang ating listahan.
Pangatlong kasalanan: Paglabag sa karapatang pantao. Nasaan na ang aming mga kaibigang aktibista, tulad nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan? Bakit nasa Kongreso si Jovito Palparan at wala sa kulungan. Si Arroyo ay kaibigan ng mga berdugo, ng mga nagtotorture, ng mga pumapatay at kumikidnap sa mga aktibista, mamamahayag at iba pang kritiko ng pamahalaan. Walang pigil si Arroyo sa paggamit ng kamay na bakal ng estado para patahimikin ang lahat ng kumakalaban sa kanya.
Pang-apat na kasalanan: si Arroyo ay tuta ng imperyalismo. Pinayagan ni Arroyo na gahasain ng mga sundalong Amerikano ang ating dignidad at soberenya. Sinuportahan niya ang gera kontra terorismo ni Bush. Nilagdaan niya ang ilang kasunduan tulad ng JPEPA na lalong nagbukas sa ating ekonomiya sa dayuhang kontrol. Ngayon, sa pamamagitan ng Cha-Cha, nais ibenta ni Arroyo ang marami pa nating lupa at likas na yaman.
Para sa aming mga kabataan, si Arroyo ang sinisisi namin kung bakit maraming estudyante ang hindi nakakapag-aral; ang ilan ay nagpapakamatay dahil hindi kayang bayaran ang singil sa mga paaralan. Tumindi ang krisis sa edukasyon dulot ng kakarampot na badyet ng pamahalaan sa edukasyon. Kinasusuklaman ng mga kabataan ang siyam na taong pamumuno ni Arroyo.
Nasilaw na sa kapangyarihan si Arroyo. Akala niya habambuhay na siya sa kanyang nabubulok na trono. Dapat siyang matakot. Dahil hindi magiging payapa ang kanyang buhay. Titiyakin natin na habang wala pa siya sa impiyerno, dito sa mundo ng mga tao sa kulungan natin siya ilalagay.
Lahat ng diktador ay paparusahan. Lahat ng kasamaan ay may hangganan. Ang mga tuta, pasista at corrupt ay makakatikim ng galit ng sambayanan. Gloria, tapos ka na!
[…] to tie the President to the graft and corruption scandals that have plagued her stay in power, Rep. Mong Palatino reminds us of human rights violations and the undisputed (missing) body count of militant and […]
Number-crunching, Lying and Arroyo’s SONA | Filipino Voices
July 28th, 2009
[…] Kabataan Partylist representative in the Philippine Congress and GV Southeast Asia editor, contends that it is the president herself who benefits from and is the number one defender of a corrupt and […]
Philippines: Reactions to the 9th State of the Nation Address :: Elites TV
July 28th, 2009
[…] to tie the President to the graft and corruption scandals that have plagued her stay in power, Rep. Mong Palatino reminds us of human rights violations and the undisputed (missing) body count of militant and […]
An analysis on President Gloria Macapagal Arroyo’s State of the Nation Address (SONA) | PINOYWORLD Philippines | Pinoy Blogger's Official Blog
July 29th, 2009
[…] Read: Sona 2009 […]
Mong Palatino » Blog Archive » Sona 2010: Notes from the plenary
July 27th, 2010