Talumpating binigkas sa University of Makati….
Ayon sa mga ulat, umabot sa 300,000 ang mga dumagsa sa lansangan para makiramay sa yumaong Pangulong Cory. Kung ako ang tatanungin, maliit ang bilang na ito. Ang inaasahan ko ay isang milyong katao. Nasaan ang mga tao? Tiyak ako na karamihan ay nanonood ng mga TV,
nakikinig sa radyo. Maraming mga kabataan ang “lumahok” sa funeral march sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa Facebook at Twitter. Marami ang nanood sa livestreaming sa internet. Kung may cell phone at internet noong 1983, sa tingin ninyo isang milyon pa rin ang sasama sa martsa para ihatid si Ninoy sa kanyang libingan?
Dahil sa teknolohiya, gumagaan daw ang ating mga buhay. Napapabilis ang komunikasyon at pagpapalitan ng impormasyon. Nagagamit natin ito sa ating mga aktibidad. Mahalaga sa ating mga organisasyon ang email, skype, blogs, at mga social networking site. Napatunayan natin na hindi lang pang sex scandal at pornograpiya ang internet.
Pero may mga nakakabahala ring epekto ang sobra-sobrang pag-asa sa teknolohiya. Minsan hindi ito nakakatulong para makahikayat ng partisipasyon ng mga kabataan o estudyante sa ating mga aktibidad. Minsan hindi napag-iiba ng mga kabataan ang virtual world sa materyal na mundo. May mga kabataang naniniwala na pwede nilang baguhin ang mundo habang sila ay nasa loob lamang ng bahay, kaharap ang kompyuter.
May gustong lumahok sa pulitika sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga blog o kaya’y pagpirma sa mga online petition. Marami ang aktibo sa Facebook, marami ang miyembro ng kung anu-anong causes sa internet. Ito ba ang sinasabi nilang aktibismo sa makabagong panahon? Handa ba kayong tumanda tulad ni Lola Techie ng Bayan DSL? Matalino, listo, mapagmahal; pero nag-iisa sa loob ng bahay, naghahanap ng atensiyon, nakaharap sa kompyuter buong araw.
Ang teknolohiya ay kasangkapan lamang para sa ating mga pagbabago. Hindi dapat ito ang lunsaran ng ating mga aktibidad sa lahat ng panahon. Hindi ito ang real; hindi rito nakatira ang masa. Dapat ang mga kabataan aktibo sa paaralan, komunidad, simbahan at maging sa lansangan; hindi lang sa Facebook.
Sa gmail at yahoo messenger, pwede mong i-set ang iyong status sa busy, invinsible, don’t disturb me, will be right back. Ganito rin ba ang ginagawa natin sa ating tunay na buhay? Gusto nating maging invinsible sa harap ng mga samu’t-saring problema sa ating paligid? We are too busy to spend time on social issues?
Hindi ko tatanungin sa inyo kung ilang website ang nabisita ninyo ngayong lingo. Bagkus gusto kong malaman kung ilang pahina ng libro ang nabasa ninyo. Kailan kayo huling bumisita sa library para magresearch o baka naman sa Wikipedia lang kayo kumukuha ng sagot para sa inyong mga homework? Ilan ang mga naging kaibigan ninyo ngayong linggo – hindi sa Friendster at Facebook ha.
Noon, nag-uusap pa ang mga tao sa kalye at byahe. Ngayon wala nang nag-uusap dahil nakatutok ang ating atensiyon sa cell phone, iPod o kaya’y naglalaro tayo ng PSP. Noon nagyayakapan ang magkakaibigan, naghahawakan ng kamay, naghahalikan ang mga tao, nagkakapit-bisig. Ngayon bawal maghawakan ng kamay sa simbahan, bawal ang beso-beso, kadiri hawakan ang kamay ng ibang tao dahil sa swine flu.
Dahil marami tayong nagagawa gamit ang teknolohiya, baka isipin ng marami na ito na lang ang mahalaga, ito ang mapagpasya sa ating mga gawain. Dahil hawak natin sa ating mga kamay ang iba’t ibang impormasyon, tayo ay naaaliw at namamangha sa kapangyarihan na taglay natin. Lumalakas ang ating tiwala sa ating sarili. Kaso, sa aking obserbasyon, kasabay nito ay ang paghina ng ating partisipasyon sa mga kolektibong aksiyon. Kumpetisyon, indibidwal na insiyatiba; hindi na bayanihan. Uso ngayon ang Ako mismo. Me na Me. Myspace. Pero kung ako ang inyong tatanungin, dapat tayo mismo. Sama-sama, kasama ang masa.
Ang sabi nila 7C ang pangarap ng mga kabataan ngayon: career, car, cash, credit card, country club, condominium, citizenship. Nakilumutan nila ang ikawalong C – the Filipino youth also clamor for change.
At para magkaroon ng pagbabago, isarado ang computer, ilagay sa bulsa ang cell phone at ipod, iuwi ang PSP, at sumama sa mga pagkilos sa paaralan, komunidad, simbahan, at maging sa kalye. Ayon sa Wonder Girls, nobody nobody but you. Wala nang iba, wala nang iba, kundi ikaw. Wala nang iba, wala nang iba, kundi tayo.
Related articles:
aztig ang taytel. agaw-pansin!
kip it up cong!
Michael Alegre
August 7th, 2009
mabangis at malufet!
ngayon parang gusto ko ng itigil itong pag-ta-type at bumalik sa lansangan!!!
mabuhay ka!
Edmund
December 6th, 2009
wew wala mahanap para sa assignment she
pangit
January 18th, 2012