Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Maikling talumpating binigkas sa Pamantasang Lungsod ng Maynila. Nilunsad namin kanina ang kampanyang Isang Milyon, Isang Panata para sa nalalapit na halalang 2010.

Mahiwaga ang isang milyon bilang numero sa ating kultura. May sikolohikal itong epekto sa mga indibidwal. May kapangyarihan itong umantig ng damdamin. Ang isang daan ay marami, ang isang libo ay malaki, ang isang daang libo ay higante, malawakan; pero ang isang milyon ay milagro.

Ang isang daan ay mura, ang isang libo ay mahal, ang isang daang libo ay maluho, ang isang milyon ay kayamanan na.

Ang isang daan sa kalye ay piket, ang isang libo ay malaking rali, ang isang daang libo ay prayer rally, ang isang milyon ay People Power.

Isang milyon ang pa-premyo sa mga noontime show.

Isang milyon ang sukatan ng yaman ng mga tao. Kapag may 500,000 kang pera, mayaman ka. Pero kung isang milyon ang nasa bangko mo, parang Bill Gates na ang tingin sa iyo ng mga tao.

Isang milyon ang target sa mga online petition at halos lahat ng mga signature campaign.

Isang milyon ang halaga ng simple dinner ni Gloria Arroyo at ang kanyang mga kroni sa New York.

Isang milyon ang sumama sa funeral march ni Ninoy noong 1983 at Ka Lando Olalia noong 1987.

Isang milyon “yung dagdag, yung dagdag” na lamang ni Arroyo kay FPJ noong 2004.

Ngayon mayroon tayong bagong isang milyon. Hindi pera, hindi suhol, hindi nakaw. Iipunin pa lang natin ang bilang na ito. Isang milyong bagong botante. Isang milyong kabataan na may isang panata para sa pagbabago.

Isang milyong bagong botante na aktibong lalahok sa halalan.
Isang milyong bagong botante na mangangampanya para sa isang malinis, mapayapa, at maayos na halalan.
Isang milyong bagong botante na hahamon sa mga kandidato; ipaglalaban ang adyenda ng kabataang Pilipino.
Isang milyong bagong botante na lalabanan ang mga corrupt, tiwali, at abuso sa kapangyarihan.
Isang milyong bagong botante na magbabantay ng balota sa araw ng halalan.
Isang milyong bagong botante na tutulong sa bilangan, ipagtatanggol ang boto, ang boses ng kabataan.
Isang milyong bagong botante na kikilos para sa demokrasya at kinabukasan ng bayan.

Kapag sama-sama, hindi imposibleng maipon natin ang isang milyong bagong botante. May hinahabol tayong deadline: October 31. Gawin natin ang lahat para magtagumpay ang ating dakilang panata para sa pagbabago.

Isa ang ating panata: maging pwersa ng pagbabago sa lipunan. Gamitin ang kapangyarihan ng balota upang panalunin ang mga karapat-dapat manalo at talunin ang mga kaaway ng pagbabago.

Maaaring tanungin ng iba, panata na naman? Hindi ba may panata rin ang mga mambabatas na pumirma sa Con-Ass Resolution na hindi nila pahahabain ang termino ng mga nakaupong pulitiko sa bansa? Hindi ba panata ni Marcos na “this nation can be great again.” Hindi ba panata ni Ramos na ang Pilipinas ay magiging Newly Industrialized Country noong 2000?

Hindi ba panata ni Erap noong siya ay kinasal na magiging tapat siya sa kanyang asawa? Hindi ba panata ni Gloria na hindi na siya tatakbo sa 2004?

Totoo, maraming panata. Totoo, may panata tayong hindi sinusunod sa isip, sa salita, at sa gawa. Pero ibahin natin ang ating panata ngayon. Malaki ang tiwala natin sa kabataang Pilipino. Malakas ang ating paninindigan na hindi tayo bibiguin ng mga kabataang titindig para sa katotohanan, katarungan, at kinabukasan. Ang kabataang Pilipino ay hindi lang pag-asa ng bayan; tayo ay maaasahan ng bayan.

Related articles:

Numbers and politics
rallies and crowd estimates

6 Responses to “Isang milyon”

  1. please check also deped’s procurement of arm chairs. ang sama ng kalidad specially those chairs delivered by atnlanta industries and zamboanga del sur cooperative. wala pang one year ang dami ng sira. what waste of governments money.

    gurong takot ngunit gusto ng pagbabago

  2. paki check na rin ang mga equipment na binili ng deped through project sedip. ang mahal at ang sama ng quality. marami ng sira.check mo mga schools dito sa masbate

    gurong takot ngunit gusto ng pagbabago

  3. by doing this, i’m sure 1 million teachers will be joining you in your crusade. mabuhay ka kaibigan

    gurong takot ngunit gusto ng pagbabago

  4. kulang na nga lang sa pundo, pera ng deped ay sinayang pa sa pagbili ng mga aklat na di naman magagamit tulad ng mga aklat sa filipino na hindi tugma sa kurikulum.

    paki-check na rin ang walang pakundangang mga seminar para sa estudyante ng sponsored ng deped-csca…klarong klaro na ito ay fund raising activity lang. kahit hindi na magkasya sa teachers camp, hala’t tanggap ng tanggap pa rin ng mga kalahok.

    gurong takot ngunit gusto ng pagbabago

  5. how about mga early campaign materials ni jesli requiring schools to print the slogan edukasyon ay solusyon with his name on it or tarpaulin with sam and manny paquio plus the latest requiring division to reproduce his letters in full colors to the pta…ano ba ito jesli?

    gurong takot ngunit gusto ng pagbabago

  6. can i copy ths? i just need it fot my requirement in Filipino3..
    \tnx! God Bless!!

    Jassy

Leave a Reply