Talumpating binigkas sa CM Recto Hall, UP Diliman….
Ano ang mga aral na pwedeng makuha natin sa buhay ni President Cory na may kinalaman sa 2010 elections? Una, boluntaryo siyang bumaba sa puwesto noong 1992. Pwede naman niyang tangkain o planuhin kung paano pahahabain pa ang termino niya bilang pangulo ng bansa. Hindi niya ito ginawa. Mas pinili niyang maglinkod sa bayan bilang isang pribadong indibidwal. Dahil dito, naiwasan natin ang kaguluhan; nagkaroon ng maayos na pagpapalit ng kapangyarihan sa bansa. Sana, sana tularan si President Cory ni President Gloria. Sana magkaroon din ng maayos na pagpapalit ng kapangyarihan sa bansa sa susunod na taon.
Noong panahon ni President Cory, mataas ang kredibilidad ng Commission on Election. Mataas ang tiwala ng publiko kina Hilario Davide, Haydee Yorac at Christian Monsod. Ikumpara ninyo sila kay Ben’s Burjer at Hello Garci; ang laking pagkakaiba!
Aktibo ang mga kabataan noong 1986 snap elections. Maraming estudyantye ang nag volunteer para bantayan ang boto ni Cory. Dahil sa sama-samang pagkilos ng mamamayan, kasama ang kabataan, natiyak natin ang panalo ni Cory. Isang aral ito para sa lahat: Kung gusto natin maging matagumpay ang halalan sa 2010, dapat sama-sama rin tayong kumilos para bantayan ang ating boto.
Mahalagang matuloy ang eleksiyon. Tapusin na natin ang MAREMAR na yugto ng ating kasaysayan. Hindi Marimar na palabas; kundi MAREMAR – Marcos, Aquino, Ramos, Estrada, Macapagal-Arroyo. May pagkakataon tayong pumili ng mga bagong lider sa 2010; mga lider na pwedeng magpatupad ng mga reporma sa pamahalaan. Pwede tayong magsimula ulit. Huwag natin palampasin ang oportunidad na ito. Kung mabigo tayong magkaroon ng pagbabago sa liderato, baka tuluyan nang mawalan ng pag-asa ang ating bansa. Baka lalong humina ang loob ng marami nating kababayan at dumami ang mga aalis ng bansa.
Noong 2001 kayo marahil ay mga elementary student pa lamang. Si President Gloria na ang pangulo noon. Kayo ay naghayskul, nagbinata’t nagdalaga, pumasok sa kolehiyo pero ang lider sa Malakanyang ay si President Gloria pa rin. Ngayong malapit na kayong mag graduate, si Arroyo pa rin ang pangulo. Sana, sana, huwag kayong pumayag na sa inyong pagtanda, sa pagkakaroon ninyo ng trabaho, sa pagbubuo ng sarili ninyong pamilya ay tatawagin ninyo pa ring presidente o prime minister si Arroyo.
Ang una nating tungkulin ay tiyakin na matuloy ang 2010 election. Kaya dapat tutulan natin ang Con-Ass o ChaCha ng Malakanyang. Kausapin ninyo ang inyong mga mambabatas na huwag ituloy ang Con-Ass. Huwag basta-basta maniwala sa Malakanyang na pabor sila sa pagsasantabi ng Con-Ass resolution.
Malaki ang papel ng kabataan sa 2010. Mahigit 40 percent ng botante ay mga kabataan. Mahigit limang milyon ang first time voters. Posibleng idikta ng kabataan ang resulta ng halalan. Pwedeng mangampanya ang mga kabataan para panalunin o talunin ang ilang mga kandidato.
Sabi ng mga PR firm, wala raw youth vote. Hindi raw kasi bumuboto ang mga kabataan. Patunayan nating mali sila. Pero ako ay naniniwala na may youth vote. Sinuportahan ng mga kabataan si Cory noong 1986. Mga kabataan ang bumoto kay Miriam Santiago noong 1992. Naging pangatlo sa halalan si Roco noong 1998 dahil sa mga kabataan. Naging senador sina Chiz Escudero, Alan Cayetano, at Antonio Trillanes dahil tinulungan sila ng mga kabataan. Higit na dadami ang bilang ng mga kabataan sa susunod na taon.
Para mangyari ito, kailangan munang magparehistro ang mga kabataan. Marami pa rin ang hindi rehistrado; akala siguro nila automatic ang pagiging botante. Sa Ilocos Sur, wala pa sa tatlong libo ang mga rehistradong bagong botante samantalang limampung libo ang inaasahan na bagong botante. Sa Misamis Oriental, 40 percent pa lang ng mga bagong botante ang rehistrado. Sana hindi ganito ang sitwasyon sa ibang probinsiya.
Pagkatapos ng registration, kailangang isunod agad ang voters’ education. Bago na ang paraan ng pagboto sa 2010. Kailangang pangunahan ng mga kabataan ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa bagong proseso ng pagboto. Para hindi masorpresa ang marami sa araw ng halalan, ngayon pa lamang ay ipaliwanag na natin ang tamang paraan ng pagboto.
Bahagi ng voters’ education ang pagbabalangkas ng criteria sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa. Dapat mayroon tayong youth agenda na magiging gabay sa ating pagboto. Interesado tayo sa plataporma ng mga kandidato; hindi sa kanilang kayamanan, infomercial, kasintahan, o porma.
Maganda ba ang kanilang track record? Sila ba ay tunay na oposisyon? Ano ang mga programa nila para sa sektor ng edukasyon? Susuportahan ba nila ang public higher education system? Ano ang tindig nila sa tuition rationalization proposal? Mayroon ba silang hinahaing alternatibong programa para sa ekonomiya; o baka naman “lapida” pa rin ang kanilang itatayo? Lapida – liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon.
Dapat kayo rin ay magbalankas ng inyong sariling criteria. Pwedeng idagdag ang ating adyenda sa kalikasan, kalusugan, at mabuting pamumuno.
Huwag kalimutang bumoto sa araw ng halalan. Magvolunteer para bantayan ang boto. Kailangan natin ng mga pollwatcher na may kaalaman sa IT.
Sa pamamagitan ng ating sama-samang aksiyon, mayroon tayong pagkakataong baguhin ang maduming sistema ng halalan. Ayaw na natin ng 5G sa halalan – Guns, Goons, Gold, Garci, at Gloria. Dapat hindi na gamitin ang KBL ng mga lokal na kandidato – Kasal, Binyag, Lamay. Gusto natin ng mga makabuluhang proyekto, hindi lang dapat 3B – Basketball Court, Basurahan, at Beauty Contest.
Sa ibang paaralan, ang payo ko sa mga estudyante ay tumakbo sila sa halalan. Dalhin ang kanilang ideyalismo at talento sa loob ng burukrasya. Pero dahil kayo ay mga taga-UP, tiyak ako na marami sa inyo ang magiging pulitiko. Naalala ko tuloy ang pasaring ni Erap noong Edsa Dos. Ang sabi niya, kung babagsak daw ang kanyang administrasyon, dapat bumagsak din daw ang UP kasi karamihan ng kanyang mga Cabinet Secretary ay galing UP.
Kung kayo ay maging kawani ng pamahalaan sa hinaharap, sana’y maging ahente kayo ng pagbabago. Gawin natin ang lahat para labanan ang tukso. Don’t surrender to the dark force. Huwag ninyong gayahin si M__________ na minsang naging aktibista dito sa ating pamantasan ngunit naging kahiya-hiyang trapo nang mapunta sa gobyerno.
Gamitin ninyo ang teknolohiya para sa ating kampanya para sa isang malinis na halalan. Ang cellphone at internet ay hindi lamang para sa mga sex scandal at pornograpiya. Gamitin ang SMS para iulat ang mga kaso ng dayaan at karahasan, tulad ng ginawa ng mga aktibista sa Mexico noong isang buwan. Ang datos mula sa mga pinadalang text ay nilagay sa isang mashup kung kaya’t nakita natin sa mapa ang lawak ng dayaan at karahasan sa halalan.
Marami pang pwedeng gawin sa internet sa pamamagitan ng inyong mga blog, twitter, plurk, at Facebook. Kaso ayokong i-endorso sa lahat ng panahon ang virtual activism. Minsan kasi kuntento na ang marami na kumilos para sa pagbabago sa harap ng kompyuter. Dumarami ang mga kabataang naniniwala na posible ang pagbabago sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga advocacy o cause sa kanilang Facebook. Hindi na sila lumalahok sa mga pulitikal na aktibidad dahil pinanonood na lang nila ito sa youtube o kaya’y binabasa na lang sa mga blog o mga tweet sa twitter.
Sa YM pwede kang maging invinsible kahit nandun ka naman. Ganito rin ba ang ginagawa natin sa ating tunay na buhay? Gusto nating maging invinsible sa harap ng mga samu-saring problema sa ating paligid? Huwag nating gayahin si lola techie ng Bayan DSL ad: isang matalino’ aktibong lola pero nilalaan ang oras sa harap ng komyuter. Ito ay isang malungkot na buhay. Celebrate life, not virtual life. Social interaction, hindi virtual interaction. Heal the world, not the cyberworld.
Noon nag-uusap pa ang mga tao sa kalye. Ngayon nakatutok ang ating mga mata sa cellphone habang naglalakad. Noon nagyayakapan ang magkakaibigan, naghahawakan ng kamay, naghahalikan ang mga tao, nagkakapit-bisig. Ngayon bawal maghawakan ng kamay sa simbahan, bawal ang beso-beso, kadiri hawakan ang kamay ng ibang tao dahil sa swine flu.
Kaya eto na ang pag-iisip ng mga tao ngayon: Ako na lang ang bahala sa sarili ko; hindi ko na kailangang magtanong sa ibang tao – hahanapin ko ang sagot sa internet; ako mismo ay gagawa ng kabutihan; ako mismo ang magliligtas sa mundo. Ako, ako, ako. Myspace. me na me – sabi nga ng globe.
Ang sabi nila 7C ang pangarap ng mga kabataan ngayon: career, car, cash, credit card, country club, condominium, citizenship. Nakilumutan nila ang ikawalong C – the Filipino youth also clamor for change.
At para magkaroon ng tunay na pagbabago, kailangan ng sama-samang pagkilos. Tayo mismo ang kikilos para sa pagbabago.
Related articles:
[…] © Mong Palatino, Kabataan Partylist Representative […]
Youth agenda and 2010 elections | Seniorita @ Misteryosa.com
August 8th, 2009