Talumpating binigkas sa UPIS kaninang hapon.
Maraming change ngayon: Charter Change, Character Change, System Change, Sex Change, Change of Citizenship. Kayo, anong change ang gusto ninyo?
Sa pangkalahatan, hangad natin ang pagbabago. Mga emperador at diktador lang ang may ayaw ng pagbabago. Dapat lang na manawagan tayo ng pagbabago; at inaasahan natin na kabataan ang manguna sa panawagang ito. May karapatan tayong maging ideyalista, mapangahas, matapang. Maging pilyo at suwail paminsan-minsan.
Anong pagbabago ang dapat nating ipaglaban? Pagbabago na kailangan natin. Pagbabago para sa magandang kinabukasan. Hindi ampaw na pagbabago. Hindi atrasadong pagbabago.
Lahat ng bagay nagbabago. Kayo ang magsabi kung mabuti o masama ang sumusunod:
Noon, bigas ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Ngayon, bigas at instant noodles. Kahit sa mga eskuwelahan, instant noodles ang pinapakain sa mga bata.
Noon, ang mga mahihirap ay walang pera pero dalawa ang kanilang kidney.
Ngayon, ang mga mahihirap ay wala pa ring pera pero isa na lang ang kanilang kidney.
Noon, ang mga nurse ay nag-aaral ulit para maging duktor.
Ngayon, ang mga duktor ay nag-aaral ulit para maging nurse.
Noon, bukas ang mga bar, disco, at restaurant sa gabi.
Ngayon, bukas ang mga bar, disco, at restaurant sa umaga dahil ito ang uwian ng mga call center agent.
Noon, kapag ngumiti ang isang tao, may kislap ang kanyang mata, buong giliw ang kanyang ngiti.
Ngayon, kapag ngumiti ang isang tao, walang emosyon ang kanyang mukha dahil sa…botox.
Noong 2001, ang yaman ni President Gloria Arroyo ay P67 milyon.
Ngayon, ito ay P143 milyon. Tumaas ito ng 114 percent.
Noon, ang simple dinner ay pagpunta sa isang mumurahing carenderia o restaurant.
Ngayon, ang simple dinner ay nagkakahalagang $20,000 sa isang restaurant sa New York.
Malaki ang kinalaman ng pamahalaan sa mga pagbabagong naganap, nagaganap, at magaganap sa bansa. Kaya dapat lang na piliin natin nang husto ang mga taong iniluluklok natin sa gobyerno. Dapat sa 2010, pumili tayo ng bago. Let’s vote for change.
Alam kong hindi pa kayo botante pero marami kayong magagawa para maging malinis ang darating na halalan. Noong 1986 maraming NAMFREL volunteers ay mga high school student. Sa 2010 kailangan natin ng pollwatcher na may batayang kaalaman sa information technology. Kailangang turuan ninyo ang mga nakakatanda kung paano ba ang pagboto at pagbilang sa poll automation system. Pwede pakibanggit din kung ano ang partylist system.
Sabihan ninyo ang inyong mga ate, kuya, magulang, kaibigan at mga kamag-anak na hanggang October 31 na lang ang deadline para sa voters’ registration. Aabot sa 40 percent ang youth voters na may edad 18-35. Humigit-kumulang limang milyon ang first-time voters. Ito ay malaking bilang. Isang milyon lang ang lamang ni GMA kay FPJ. Sa 2010 pwedeng idikta ng kabataan ang resulta ng halalan…kung rehistrado at boboto ang mga kabataan.
Kaso sabi ng mga PR firm, wala raw youth vote. Hindi raw kasi bumuboto ang mga kabataan. Patunayan nating mali sila. Pero ako ay naniniwala na may youth vote. Sinuportahan ng mga kabataan si Cory noong 1986. Mga kabataan ang bumoto kay Miriam Santiago noong 1992. Naging pangatlo sa halalan si Roco noong 1998 dahil sa mga kabataan. Naging senador sina Chiz Escudero, Alan Cayetano, at Antonio Trillanes dahil tinulungan sila ng mga kabataan.
Kailangang bumoto sa araw ng halalan. Bakit? Dahil sa araw ng halalan, tayong lahat ay pantay-pantay. Mayaman ka man o mahirap, may pinag-aralan ka man o wala, taga-UP ka man o hindi, ang boto natin ay iisa ang bilang. For 364 days, makapangyarihan ang mga pulitiko, pero sa araw ng halalan (for that one day), makapangyarihan ang mga botante.
Bilang kabataan, bilang estudyante, pwede kayong magbalangkas ng youth agenda. Criteria sa pagpili ng mga kandidato. Hamunin ninyo sila, kami. Interesado tayo sa plataporma ng mga kandidato; hindi sa kanilang infomercial, kasintahan, kayamanan, o magulang. Ano ang kanilang adyenda para sa edukasyon? Ano ang solusyon sa korupsiyon? Ano ang alternatibong programa para iahon ang ekonomiya?
Kailangang labanan rin natin ang maduming sistema ng halalan. Ayaw na natin ng 6G sa halalan – Guns, Goons, Gold, Garci, Generals at Gloria. Dapat hindi na gamitin ang KBL ng mga lokal na kandidato – Kasal, Binyag, Lamay. Gusto natin ng mga makabuluhang proyekto, hindi lang dapat 4B – Basketball Court, Basurahan, Bingo at Beauty Contest. Kailangang ilampaso ang Theory of Relativity ng mga pulitiko. Na kapag ikaw ay aking relative, ikaw ay tama, magaling at pwedeng ilagay sa posisyon. Huwag bumoto ng mga pulitiko na magiging miyembro lang naman ng Committee of Silence.
Sa Senado, may majority bloc, may minority bloc, at may entertainment bloc. Trapo ang tawag sa mga makalumang pulitiko. Ngayon sila ay Transpo o Transactional Politicians. Kung may chacha, may tango. Tinatawag itong politics of ta-ngo. A politican never says no during elections.
Paano lalabanan ang ganitong sistema? Paano magkakaroon ng pagbabago? Magsimula muna tayo sa pinakamadali at pamilyar sa inyo.
Ang sabi nila tayo ay nasa Information Age na raw. Makapangyarihan ang impormasyon, kaalaman. Kung gayon, dapat maging masigasig upang magpalaganap ng bagong kaalaman sa lipunan. Pakikinggan ng publiko ang inyong tinig dahil kayo’y kabataan. Magpadala ng mga letters to the editor sa mga magasin at dyaryo; magsulat sa youngblood ng inquirer. Makinig sa AM radio paminsan-minsan. Sulatan ninyo ang mga pulitiko (huwag naman solicitation letter sa lahat ng panahon) at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Kung hindi kayo magrereklamo, walang aksiyong maaasahan. Kung hundi kayo magsasalita, sino ang magsasalita para sa inyo? Ang mga senior citizen?
Gamitin ninyo ang teknolohiya para sa ating kampanya para sa isang malinis na halalan. Ang cellphone at internet ay hindi lamang para sa mga sex scandal at pornograpiya. Bisitahin ang blog at website ng mga kandidato; suriin ang kanilang programa. Mag-iwan ng komento. Magblog tungkol sa reaksiyon ninyo sa mga nangyayari sa ating lipunan. Alamin kung ano ang saloobin ng ibang kabataan sa ating bansa sa pagbabasa ng kanilang mga personal na blog.
Gumawa ng mga online petition. Basahin ang mga news websites. Pumunta sa google map at google earth; hanapin ang bahay na binili ni Mikey Arroyo sa California. Alamin kung gaano kalaki sa mapa ang hasyenda ng mga Arroyo sa Negros.
Bago ipataw ang tax sa text, bago mawala ang unlimited texting, magtext ng mga political quote. May m-governance tayo: ibig sabihin pwede ang text para magreklamo sa mga ahensiya ng pamahalaan. Nakakatulong ang text jokes para batikusin ang mga tiwali at loko-loko sa gobyerno.
Marami pang pwedeng gawin sa internet sa pamamagitan ng inyong mga blog, twitter, plurk, at Facebook. Kaso ayokong i-endorso sa lahat ng panahon ang virtual activism. Minsan kasi kuntento na ang marami na kumilos para sa pagbabago sa harap ng kompyuter. Dumarami ang mga kabataang naniniwala na posible ang pagbabago sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga advocacy o cause sa kanilang Facebook. Hindi na sila lumalahok sa mga pulitikal na aktibidad dahil pinanonood na lang nila ito sa youtube o kaya’y binabasa na lang sa mga blog o mga tweet sa twitter. Noong 2001, ang sigaw ng tao ay People Power sa EDSA. Ngayon, ang sigaw ng kabataan ay People Power sa…Facebook.
Sa YM at gmail pwede kang maging invinsible kahit nandun ka naman. Pwede kang maging busy kahit hindi ka busy. Ganito rin ba ang ginagawa natin sa ating tunay na buhay? Gusto nating maging invinsible sa harap ng mga samu-saring problema sa ating paligid? Kunwari busy tayo kaya wala tayong panahon para sa mga isyung panlipunan.
Kapag tayo ay nasa cyberspace, expert tayo sa multitasking. Pwedeng bukas ang ating email habang may bukas na window rin para sa facebook, friendster, multiply, youtube, at mayroon tayong tatlong ka-chat – habang bukas ang TV sa bahay; at habang may binabasa tayong libro para sa ating homework. Hindi sa lahat ng panahon uubra ang multitasking. Nakakagulo ito ng utak. Hindi maganda sa kalusugan. Dapat may pokus. Dapat may prayoridad. Sana isama ninyo sa multitasking, sana kasama sa prayoridad ang paglutas ng mga problema sa ating komunidad.
Dahil sa teknolohiya, mabilis at instant ang access natin sa impormasyon. Kapag may tanong, i-google. Kapag may kailangang dokumento, i-download. Kapag may ipapakitang dokumento sa iba, i-upload. Google. Download. Copy. Paste. Save. Print. Click. Left click. Right click. Double click. Ganyan kadali ang buhay sa internet.
Pero wag ninyo sana isiping ganyan din kadali ang totoong buhay, lalo na sa pulitika, lalo na kung nais nating baguhin ang mundo. Sa totoong buhay, hindi instant ang sagot sa mga tanong. Hindi pwedeng i-download ang solusyon sa ating mga problema. Hindi pwedeng nakaharap ka lang sa kompyuter. Kung gusto natin ng pagbabago, may katumbas itong sakripisyo. Laging matagal ang paghihintay ng resulta. Minsan, walang resulta ang ating pagod. Laging may kabiguan. Pero dapat maging mapagpasensiya, masusing inaaral ang sitwasyon, at sumasangguni sa kapwa. Pinag-uusapan sa grupo ang mga problema.
Sa kompyuter, kapag may problema ang hardware o software, pwedeng i-restart, i-reboot, lagyan ng anti-virus. Sa totoong buhay pwede rin ang restart at reboot pero kailangan mayroon kang tamang aktitud at disposisyon sa buhay na ito’y tanggapin. Mahaba ang prosesong ito. Kapag naghang ang ating mga kompyuter, napapamura na tayo. Sa totoong buhay, laging naghahang ang mga plano natin. Dapat lagi tayong nakahanda sa anumang aberya.
Huwag nating gayahin si lola techie ng Bayan DSL ad: isang matalino’ aktibong lola pero nilalaan ang oras sa harap ng komyuter. Ito ay isang malungkot na buhay. Celebrate life, not virtual life. Social interaction, hindi virtual interaction. Heal the world, not the cyberworld.
Noon, nagbabasa pa ang mga estudyante. Nagpupunta sa library para magresearch. Nangongopya ang iba. Ngayon hindi nagkokopyahan pero pare-pareho ang sagot dahil sa Wikipedia.
Noon, marami tayong kaibigan sa totoong mundo. Ngayon, marami tayong kaibigan sa Friendster at Facebook. Ilan dun ang tunay nating kaibigan?
Noon nag-uusap pa ang mga tao sa kalye. Ngayon nakatutok ang ating atensiyon sa cellphone, ipod, at PSP habang nasa byahe. Noon nagyayakapan ang magkakaibigan, naghahawakan ng kamay, naghahalikan ang mga tao, nagkakapit-bisig. Ngayon bawal maghawakan ng kamay sa simbahan, bawal ang beso-beso, kadiri hawakan ang kamay ng ibang tao dahil sa swine flu
Ano ang epekto nito sa isip ng mga bata, ng mga kabataan? Dahil nasa aking mga kamay ang kaalaman, dahil kaya kong i-download ang lahat ng sagot sa aking tanong, ako ay makapangyarihan. Hindi ko na kailangan ang iba. Kumpetisyon, indibidwalismo, imbes na bayanihan. Kaya para sa ilan, ako mismo ang kikilos para sa pagbabago. Ako mismo ang magliligtas ng mundo. Ako, ako, ako. Me na me. Myspace.
Pero kung ako ang inyong tatanungin, dapat tayo mismo, sama-sama kasama ang masa. Sabi nga sa High School Musical, we’re all in this together.
Anong pagbabago ang dapat ipaglaban?
Kung ako ay tatanungin kung anong imahen ang pinakaakma sa ating bansa ngayon, eto ay ang lumubog na barko ng MV Princess of the Stars. Ganyan ang nangyari sa bansa, lumubog o papalubog. Pero ang imaheng ito ay hindi lamang tungkol sa trahedya. Ito ay simbolo ng rebolusyon. Ito ay simbolo rin ng pagbabago.
Sa mga unang pahina ng nobela niyang El Filibusterismo*, sinabi ni Rizal na ang kaayusan sa bapor Tabo ay kahalintulad ng kalagayan sa lipunan. Ang ilalim ng bapor ay mga mahihirap at ordinaryong mamamayan. Samantalang ang nasa ibabaw ay mga mayayaman at mga banyaga.
Kung titingnan natin ngayon ang MV Princess of the Stars, ang ibabaw ay nasa ilalim. Ang ilalim ay nasa ibabaw. Sabi nga ng Buklod, na inulit ni Bamboo, baligtarin ang tatsulok. Kadalasan ang mga barko, lumulubog na lamang. Pero ang MV Princess of the Stars ay nag-iwan sa atin ng nakakatakot na imahen. Hindi kaya ito ay isang pangitain ng hinaharap? Na ang lipunan ay lulubog pero mga nasa ilalim ay mapupunta sa ibabaw
Gusto natin ng pagbabago? Tayo na at baligtarin natin ang bapor.
Maraming problema ang ating bansa tulad ng kahirapan, kagutuman, korupsiyon. Maraming hinahapag na solusyon ang iba’t ibang tao, maraming inisyatiba, maraming pag-aaral. Pero kulang sa aksiyon. Bilang kabataan, ang tungkulin natin ay kumilos. Mag-aral, maglingkod, kumilos para sa pagbabago.
Ang sabi nila 7C ang pangarap ng mga kabataan ngayon: career, car, cash, credit card, country club, condominium, citizenship. Nakilumutan nila ang ikawalong C (hindi condom, charter change) – the Filipino youth also clamor for change.
At para magkaroon ng tunay na pagbabago, kailangan ng sama-samang pagkilos. Pana-panahon, isarado ang kompyuter, ilagay sa bulsa ang cellphone at iPod, iuwi ang PSP, at sumama sa mga pagkilos sa kampus, simbahan, komunidad, at maging sa kalye. Tayo mismo ang kikilos para sa pagbabago. Ayon sa wonder girls, nobody nobody but you. In Filipino, wala nang iba wala nang iba kundi ikaw. Wala nang iba wala nang iba kundi tayo.
Related articles:
Sulyap Kabataan
Ship of state
Cybercampaigning
* “On the lower deck appear brown faces and black heads, wedged in between bales of merchandise and boxes… Seated on benches or small wooden stools among valises, boxes, and baskets, a few feet from the engines, in the heat of the boilers, amid the human smells and the pestilential odor of oil, were to be seen the great majority of the passengers.”
“While there on the upper deck, beneath an awning that protects them from the sun, are seated in comfortable chairs a few passengers dressed in the fashion of Europeans, friars, and government clerks, each with his puro cigar, and gazing at the landscape.”
sir, ako po ay estudyante from UPIS. tama po kau, hawak namin ang pagbabago at ang kinabukasan. pero hindi ko po nakikikita na samin mangagaling iyon. may pag-asa parin po ba para sa pagbabago? kung may mga taong ayaw pakinggan ang pananawagan para sa pagbabago?
jaja ballarta
September 19th, 2009