Written in 2001 during Edsa Dos for the e-groups of the university. (Hindi pa uso ang blogging noon). First published by UP Forum, official publication of the UP administration….
Apat na araw sa lansangan: mga tala ng isang estudyante
Myerkules, 17 Enero 2001 – Sa loob lamang ng isang araw ay nakapagpalabas tayo ng mahigit sa 3,000 myembro ng komunidad ng UP upang tumungo sa EDSA at igiit ang madaliang pagpapatalsik kay Erap. Ilang oras matapos ang walk-out ng mga public prosecutor sa Senate ay madaling nagpunta ang USC at ang Estrada Resign Youth Movement sa mga dorm upang hikayatin ang mga estudyante na lumabas ng campus at sumama sa indignation rally sa EDSA. Tinatantyang 800-1000 na dormers mula sa Molave, Yakal, Narra, Kamia ang lumabas sa kanilang mga kuwarto at kahit ala-una na ng madaling araw ay nagmartsa mula UP papuntang Ortigas (dalawang oras nagmartsa) upang ipakita lamang ang galit sa nangyari sa impeachment trial. Marami ang tumakas sa dorms kahit ipinagbawal ng dorm heads ang paglabas. Pagdating sa EDSA Shrine, sinalubong ang delegasyon ng UP ng iba’t ibang grupo na tumugon sa panawagan ni Cardinal Sin na magdasal para sa demokrasya. Kaninang umaga naman, may 2,000 estudyante, guro at kawani ng UP ang sumama sa rali (kahit Myerkules at kakaunti lamang ang mga klase) at nakibahagi sa people power hanggang mapatalsik si Erap. Spontanyo ang pagkilos na ginawa kanina dahil sa Enero 26 pa ang inaasahan nating people’s strike. Pinakamalaking delegasyon ang nagmula sa College of Law (na may balitang magboboykot daw ang buong kolehiyo ng kanilang klase hanggang sa Sabado), Masscom, CSSP at Science. UP pa rin ang may pinakamalaking bilang ng dumalo sa mga eskuwelahang lumahok sa rali. Nakapaskil din sa isang fly-over ang banner ng UP CURE na nagsasabing “We say Guilty!” Inaasahan na lalo pang lalaki ang bilang ng mga estuyanteng sasama sa rali. Bukas, sama-sama tayong bumalik sa EDSA. Mag-imbita pa tayo ng ating mga kaibigan. Tuluy-tuloy na ito. Wala nang atrasan. Walk-out ng mga klase. Gabi-gabi ay vigil. Palagiang maglalabas ang konseho ng mga updates sa mga nangyayari. Ngayong tapos na ang sarswela sa Senado, simula na ang labanan sa lansangan. Dahil bago pa man magsimula ang trial noong Dis. 7, malinaw na ang hatol ng sambayanan kay Erap: Guilty! kaya dapat nang pabagsakin. Na-onse tayo ng 11 Senador; tiyakin natin na nasa atin pa rin ang tagumpay sa huli.
Huwebes, 18 Enero 2001 – Totoong palaki ang bilang ng mga estudyante at fakulti ng UP na sumasama sa mga pagkilos na pawang nananawagan sa pagpapatalsik kay Estrada. Kung kahapon ay halos 3,000 ang ating napalabas ng kampus simula nung madaling araw, ngayon ay mahigit sa 5,000 myembro ng UP community ang tumungo sa EDSA at nakiisa sa mamamayang naninindigan laban kay Erap. Nagsimula ang walk-out sa mga kolehiyo bandang alas diyes ng umaga. Unang dumating sa Quezon Hall ang isang klase mula sa Eng’g, sumunod ang delegasyon mula sa CSWCD. Nagkulumpon muna si Sir Edru ng mga estudyante at nagbigay ng kaunting diskusyon tungkol sa isyu ngayon. Bandang alas-onse nang dumating ang mga estudyanteng galing sa maliliit na kolehiyo. Nagbigay ng pahayag si VP Endriga. Binasa ang bagong tula ni Prof. Joi Barrios. Alas-onse medya nang dumating na ang malaking bulto na galing sa CSSP, CAL, CBA, Econ, Eng’g at Science. Napuno ang harapan ng Quezon Hall. Sa mga oras na iyon, ramdam na ramdam ang diwa ng isang pagiging myembro ng isang nagkakaisang komunidad. Nagsalita rin si Pres. Nemenzo at nagbigay ng pagpupugay sa patuloy na pagkilos ng UP sa harap ng matinding krisis na kinakaharap natin ngayon. Sinundan ito ng mapanlabang pahayag ni Dean Manalili. Si Prof. Randy David ang nagtapos ng programa bago inawit ng buong madla ang UP Naming Mahal. Nilakad ng halos 4,000 estudyante ang ruta mula UP hanggang EDSA Shrine.
Sa mga panahong ito, hindi mahirap magpaliwanag sa mga estudyante kung bakit kailangang pumunta sa EDSA, bakit kailangang magbigay ng malalaking sakripisyo at bakit kailangang lakarin ang pupuntahang rali kahit pwede namang umarkila ng sasakyan. Sa daan, maraming estudyante ng UP ang naghihintay pala sa rali at sumisingit na lang sa bulto ng kani-kanilang kolehiyo. Dito dumami ang kabuuang bilang ng mga nagrali na galing sa UP. Kahit ang mga bystanders at mga naghihintay lang ng sasakyan sa kahabaan ng EDSA ay nahikayat ng malaking pagkilos ng UP at sumama sa rali. Sinasabi nila na umabot daw sa 10-15 libo ang kabuuang bilang ng ating hanay. Naglunsad tayo ng ala-people power sa EDSA. Ito na ang pinakamalaking rali ng UP pagkatapos ng malaki nating pagkilos nung panahon ng kampanya sa pagpapatalsik ng base militar ng kano noong 1991. Pagdating sa Ortigas ay napakaiinit at malugod ang pagtanggap ng mga tao. Ang mga naunang estudyante ng UP sa EDSA Shrine ay mabilis na pumaloob sa ating hanay. Napakaespesyal ng pagdating ng UP at hindi maikakaila ang mataas na pagpapahalaga ng mga tao sa presensya ng mga Iskolar ng Bayan. Iisa ang ating hangarin. Lahat tayo ay nagkakaisa sa ating ipinaglalaban. Sinundan tayo ng malaking bilang ng mga estudyante mula sa PUP na nagwalk-out din sa kanilang mga klase. Dumaan sila sa San Juan at pinagbabato raw sila ng bote ng mga tao dun. Nauna sa atin ang mga estudyante ng St. Scho, Miriam, Adamson, FEU, Don Bosco, Ateneo. Sa hanay ng mga kabataan ay nandoon din ang Estrada Resign Youth Movement. Araw-araw ay sa kalsada na gaganapin ang ating mga klase. Handa tayong tapusin ang semestre sa lansangan hanggang hindi bumababa si Erap sa puwesto. Kung nasaan ang laban, nandoon tayo. Umasa kayo sa paninindigang ito ng mga Iskolar ng Bayan.
Byernes, 19 Enero 2001 – Marami ang nagsasabing pinakamalaki sa kasaysayan nito ang rali ng UP kahapon. Binanggit ni Prof. Karina David sa publiko kahapon na may 30,000 na mga UP estudyante at fakulti ang nagmartsa mula Diliman papuntang EDSA Shrine. Nagbunga na ang ating determinasyon dahil malapit nang mawala sa Malacanang si Erap. Tagumpay ang ating people power. Masasabing malaki ang papel na ginampanan ng UP sa people power sa EDSA. Isa tayo sa mga unang grupo na pumunta sa EDSA nung Miyerkules ng madaling araw at nanawagan sa pagpapabagsak kay Erap. Araw-araw tayong pumupunta sa EDSA at araw-araw ding palaki nang palaki ang ating bilang. Isang pagpapakita sa lakas ng UP at ang militanteng tradisyon ng mga Iskolar ng Bayan. Ituloy natin ang laban hanggang mawala na talaga si Erap. Hamunin natin ang bagong presidente na magtalaga ng mahahalagang reporma sa pamahalaan lalo na yung mga hinihiling ng mga kabataan na bigyan ng kaukulang prayoridad ang sektor ng edukasyon. Samantala, sapat na sigurong magpugay muna sa lahat ng makabayang organisasyon at inidibidwal na walang pagod na lumahok sa lahat ng pagkilos sa pagpapatalsik kay Erap. Mabuhay ang Iskolar ng Bayan! Mabuhay ang mamamayang Pilipino! Mabuhay ang Demokrasya!
Sabado, 20 Enero 2001 – Sa lahat ng myembro ng UP Community: Pumunta po tayo sa Mendiola – ngayon na – at igiit ang madaliang pagbibitiw ni Estrada. Ang mga estudyante ay nagmamartsa na ngayon papuntang Mendiola at buong-buo ang paninindigan na kailangang tapusin na ang panunugkulan ni Erap. Sa lahat ng mga dormers, sumama na tayo. An estimated 50,000 – 75,000 anti-Erap protesters are now marching in the streets papunta sa Malacanang. Dun tayo sa Mendiola. Mabuhay ang mga Iskolar ng Bayan!
Related articles:
[…] This post was mentioned on Twitter by mong palatino, hilway dato. hilway dato said: #edsados RT @mongster mongster new blog post: remembering edsa dos; UP and edsa dos: http://is.gd/6CMrr […]
Tweets that mention Mong Palatino » Blog Archive » Remembering Edsa Dos -- Topsy.com
January 19th, 2010
Social comments and analytics for this post…
This post was mentioned on Twitter by mongster: new blog post: remembering edsa dos; UP and edsa dos: http://is.gd/6CMrr…
uberVU - social comments
January 19th, 2010