Mong Palatino

blogging about the philippine left and southeast asian politics since 2004

About

@mongster is a manila-based activist, former philippine legislator, and blogger/analyst of asia-pacific affairs.

Para kay Rowie, manunulat at guro ng Filipino sa De La Salle. Salamat sa mungkahing magsulat ako hinggil sa paksang ito….

Sa Pilipinas may tatlong panahon: wet season, dry season, at election season. Pero para sa ibang pulitiko, dalawang panahon lang yan: eleksiyon at paghahanda sa eleksiyon. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na umusbong sa bansa ang paggamit ng mga salitang may kinalaman lamang sa halalan. Anu-ano ang mga salitang ito? Ano ang gamit at katangian ng wika ng halalan?

Maaari nating ikategorya ang wika ng halalan sa tatlo:

1. Mga salita ukol sa proseso ng halalan;
2. Mga salita ng pangangampanya; at
3. Mga salita na ginagamit ng kandidato para sa name recall.

Kadalasan mga Pilipino lamang ang nagkakaintindihan kapag ginagamit ang wika ng halalan. Ito ay mga salitang tumutukoy sa partikular na karanasan ng mga Pilipino sa halalan. Minsan ang mga hiniram na salita mula sa ibang bansa ay nagkakaroon ng bagong gamit. Halimbawa: Presidentiable. Hindi ito salita sa wikang ingles pero ginamit ng mga Pilipino para tukuyin ang mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa. Gayundin ang salitang senatoriable para naman sa mga nais maging senador. Ang salitang sortie sa wikang ingles ay may kinalaman sa operasyon ng militar. Sa Pilipinas, ang sortie ay tumutukoy sa kampanya ng mga kandidato o partido.

Noong 2004 naging salita ng tao ang canvass na minungkahi ng iskolar na si Randy David. Eto ang ilang bahagi ng kanyang paliwanag:

“Sa kasalukuyang takbo ng ating politika, mapapansin ang unti-unting paglalaho ng isang kahulugan ng canvass na dati nang bahagi ng lumang gamit nito: ang masusing pagsisiyasat at pagtatalo ukol sa katotohanan ng mga dokumento ng botohan. Ang kahulugang pumalit at nangibabaw ay pagsusuma, pagtatala, o paghahanay ng mga boto, na dati nang wala sa mga kahulugan ng salitang ito.

“Nitong nakaraang eleksiyon, pagkatapos tingnan kung kompleto ang mga pirma at kung malinaw ang pagkakasulat ng mga resulta sa “certificates of canvass,” isa sa mga miyembro ng Congressional o National Canvassing Committee ay nagsabing, “I move to canvass.” Malinaw sa ganitong gamit na ang katumbas ng salitang canvass para sa kanila ay pag-tabulate o pagsusuma.”

Mali ba na binigyan ng bagong kahulugan ng mga Pilipino ang ilang salita ng wikang ingles? Hindi. Dahil ang wika ay dinamiko at patuloy itong nagiging makabuluhan hangga’t ginagamit ng tao. Kaya sa tingin ko mali ang Xerox nang ito’y magreklamo kung bakit xerox ang ginagamit na salita ng mga Pilipino imbes na photocopy. Ang Xerox na pangalan ng isang kumpanya ay naging xerox na tumutukoy sa photocopy dahil sa malawak na pag-angkin ng salita ng komunidad. Hindi dapat magalit ang Xerox, dapat pa nga itong matuwa.

Isa pang katangian ng wika ng halalan ay ang karaniwang paggamit ng acronym. Nagiging mas mabilis ang usapan kapag may gamit na acronym. Minsan nakakabuti rin ito sa seguridad ng mga kandidato o partido. Para sa media, nakakatipid ito ng espasyo o air time. Imbes na Operation Dikit (ng mga poster), OD na lang ang ginagamit. Bukal para sa Provincial Board Member. ACOR ay area coordinator samantalang BACOR para sa Barangay Coordinator. Acronym din ang gamit para sa pangalan ng mga kandidato o pulitiko o partido: PGMA, FVR, LAKAS-NUCD, FM, JPE, NPC.

Lumalabas din ang ugaling mapagpatawa ng mga Pilipino sa wika ng halalan. Ang Partido Lakas Kampi ay naging PALAKA. Trapo (basahan) ang tawag sa tradisyunal na pulitiko. Ang kontrobersiyal na recording sa pagitan ng isang taga-Comelec at kandidato ay binansagang Hello Garci scandal noong 2005. Naging ringtone pa nga ito. Nagagamit ang text jokes para batikusin ang mga kilalang personalidad. Nagpapatawa pero nag-iiwan din ng kirot o pitik ang wika ng halalan. Hindi ba, Ben’s Burjer?

Proseso

Ngayong taon unang beses magkakaroon ng AES o Automated Election System sa buong bansa. Smartmatic ang partner ng Comelec kaya ang biro Commission on Smartmatic na ang bagong pangalan ng Comelec o Cosmetic. Hindi pa nasusubukan sa bansa ang PCOS o Precint Count Optical Scan, ang makinang gagamitin sa halalan kaya marami ang nangangamba kung magtatagumpay ba ang poll automation. Tapos ayaw pang ilabas sa publiko ang source code na gagamitin sa halalan. Baka ang Hello Garci ay maging Cyber Garci. Baka ang dagdag-bawas ay maging Automated Cheating.

Hindi na isusulat ang pangalan ng kandidato kundi lalagyan na lang ng shade ang oval sa gilid ng pangalan ng kandidato. Pero mas pinasikat ng Sexbomb ang paalalang lagyan ng shade ang bilog na hugis itlog. Kaya may mga pilyong kandidato na kung mangampanya ay sinasabing “bilugan ang itlog ni ___________”

Umaasa ang marami na mababawasan ang dayaan dahil hi-tech na ang pagboto. Tapos na ba ang career ng mga lansadera – ang pagsusulat sa balota ng ibang botante. Hindi na ba makakalipad ang mga flying voter? Pero buhay na buhay pa rin ang mga zombie voter. Tiyak tuloy pa rin ang vote buying. May tinatawag na technical vote buying: ang pag-upa ng sobra-sobrang bilang ng mga pollwatcher para makuha ang boto ng pamilya ng pollwatcher.

Sino ang mas kapani-paniwala: SWS o Pulse Asia? Patuloy na nag-aaway ang Namfrel at PPCRV; buti na lang matatag ang Kontra Daya. At mahigpit ang pagbabantay ng Cenpeg.

Kampanya

Kapag may OD, dapat banig o dikit-dikit ang mga poster. May isang pulitiko ang tawag niya sa postering ay plastering. Uso ngayon ang mga tarpaulin. Mag-ingat sa operasyon baklas ng MMDA, Comelec, at ng mga katunggaling kandidato.

MPT o rekorida ang pag-iikot ng sasakyan na may malakas na sound system para sa pagtugtog ng (plagiarized) jingle ng kandidato. Mahalaga ang motorcade para maabot ang maraming botante. Mainam din ang tricycle caravan o padyak. Pinakamabisang paraan ng pangangampanya ang House-to-House kasi may pagkakataong makausap at makumbinsi ang mga botante. Dapat maraming volunteers para sa leafleteering at gift-giving.

Kapag nag-uusap ang kandidato kasama ang kanyang campaign team, natatalakay ang candidate awareness, vote conversion, single voting, bloc voting, flock voting (lalo na ang boto ng Iglesia), solid votes, at nego votes (negotiated votes). May administration vote, opposition vote, protest vote, at sympathy vote. Ang single voting ay katumbas yan ng junking. Nakukumpirma ang junking kapag lumabas na ang sample ballot ng mga partido. Kadalasan lumalaro ang mga kandidato: nakikipag-usap kahit sa mga kalabang partido. Kadalasan din hindi nag-eendorso ang kandidato para maging free zone ang lugar at hindi siya pag-initan ng mga bigating pulitiko.

May dirty tricks department ang mga partido. Dito niluluto ang black prop na gagamitin laban sa kalaban. Bahagi nito ang guns, goons, gold. Marami kasing pulitiko, lalo na sa probinsiya, ang may sariling private army. Mga warlord, landlord, druglord at jueteng lord na mahilig manindak ng botante. Mag-ingat sa pagtanggap ng pekeng pera, nagkalat yan ngayong halalan.

Hindi naluluma o nawawala sa uso ang Miting de Avanse. Pagkakataon ito upang magpakita ng lakas at gilas ang kandidato at partido. Napapatibay din ang loob ng mga taga-suporta.

Kandidato

Huwag maliitin ang mga islogan. Kahit minsan corny, may epekto ito sa pag-iisip ng mga botante. Hindi tanga ang mga kandidato. May balak silang likhaing opinyon o emosyon sa publiko.

Noong 1993 ang islogan ni Bill Clinto ay “It’s the economy, stupid!” Naging epektibo ito upang isipin ng tao na ekonomiya ang isyu na dapat pag-usapan sa halalan at hindi gera sa Iraq. Nanalo si Clinton. Epektibo rin ang “Erap para sa Mahirap” na ginamit ni Estrada noong 1998. Ramdam noon ang hagupit ng 1997 Asian Financial Crisis.

Ngayong patuloy na sumisirit ang ekonomiya dulot ng 2008 Global Financial Crisis, magiging matagumpay pa rin kaya ang “Erap para sa Mahirap” o mas matunog ba ang “Tatapusin ang kahirapan” ni Villar, o “Kung walang corrupt, walang mahirap” ni Noynoy, o “Mabilis na pag-ahon” ni Gibo?

Dahil tumatakbo rin sa pambansang lebel ang mga senatoriable, susi rin sa kanilang tagumpay ang matalinong pagpili ng islogan. “Kapag bad ka, lagot ka” ni Joker. “Huwag matakot, stop kurakot” ni Lacson. “Ang gara ng buhay” ni Angara. Ngayon ang sabi ni Enrile, “Gusto ko happy ka” – wasto ito para makalimutan ng tao na siya ay 86 taong gulang na.

Para sa name recall, mahalaga ang tagline. Amigo ng bayan si Zubiri. Tol si Mike Defensor. Pro-Pinoy si Pichay. Justice Man si Bello. Mr. Palengke si Mar. Korekto si Recto. Captain Barbell si Bong Revilla noong 2004 ngayon siya ay Panday. Anak ng Masa si Jinggoy. Dirty Harry si Lim. Magdalo si Trillanes. Gabriela ng bagong panahon si Liza Maza. Transformers si Gordon at Bayani.

Nang tinanong si Budget Secretary Rolando Andaya kung bakit ayaw niyang tumakbong senador, ang sabi niya ay wala naman siyang sikat na apelyido tulad ng Recto, Osmeña, Legarda, Roxas o Macapagal. Tama siya. Noong unang tumakbong senador si Ramon Revilla Sr., hindi Revilla ang ginamit niyang apelyido kundi Bautista. Natalo siya. Mula noon, pinalitan niya na ang kanyang apelyido. Eto siguro ang dahilan kung bakit posibleng manalo ang mga kandidatong may kilalang apelyido tulad ng Pimentel, Biazon, Mitra, Lozada, Roco, Guingona, De Venecia, at Lacson.

Sa lokal na halalan, ramdam na ramdam ang sobra-sobrang pagmamahal ng mga kandidato sa kanilang pangalan. Bawat pampublikong programa o serbisyo ay may katumbas na inisyal batay sa pangalan ng kandidato. Pilit na tinutugma ang lahat ng greeting materials sa pangalan ng pulitiko. Halimbawa, SB sa Quezon City, LIM at Atin Siya sa Maynila, BF sa Marikina. Kakaiba si Mayor Rekom ng Caloocan dahil ang kanyang logo ay smiley na may bigote.

Dahil sa poll automation, hindi lang apelyido ang nakalagay sa mga poster. Mahalaga ngayon ang mga numero. Halimbawa, si Satur Ocampo ay number 37 sa balota at number 152 naman ang Kabataan Partylist.

Ang sistemang partylist, nakakalungkot mang isipin, ay labanan sa pagiging una sa balota. Kaya imbes na pagandahan ng plataporma, nagiging pagandahan ng pangalan. Kaya karamihan ng partylist, nagsisimula ang kanilang pangalan sa 1 o A.

Wika at halalan

Ano ang silbi ng wika sa halalan? Pwede itong magbuklod sa komunidad (“Tama na, Sobra na, Palitan na” noong 1986). Pwede itong magtakda ng pambansang adyenda (People Power Coalition laban sa Puwersa ng Masa noong 2001). Pwede itong mangalap ng boto (Boses ng Masa ni Kabayan Noli). Pwede itong magamit sa negatibong pangangampanya (Villaroyo, Arroyoquino, C5 at tiyaga, Mama at Papa). At kadalasan, pwedeng magamit upang linlangin ang publiko. Sa halalan at sa pulitika, ang katotohanan at kasinungalingan ay mahirap pag-ibahin.

Ang wika ng halalan ay pulitikal. Mula pagpaparehistro hanggang pagboto, pulitikal agad ang bisa ng mga salitang may kinalaman sa halalan. Dahil ito’y pulitikal, lagi itong may pag-anib sa isang puwersa, pabor man o hindi sa dominanteng partido o uri sa bansa.

Dapat gamitin ang wika upang patingkarin ang pag-asam ng taong bayan sa tunay na pagbabago. Kaso mas madalas, ginagamit ng mga reaksiyunaryo ang wika para sa kanilang pansariling interes. Kahit ang radikal na konsepto ng pagbabago ay nauuwi lamang sa pagbabago ng lider tuwing halalan. Dapat hamunin ang dominasyon ng mga malalaking partido at makapangyarihang mga pulitiko sa pagtakda ng mga salitang gagamitin sa halalan. Dapat lagyan ng progresibong nilalaman ang mga palamuting salita na ginagamit sa halalan.

Hindi pangarap. Hindi simpleng panata. Hindi nostalgia. Hindi TV soundbytes. Pagbabago. Pag-asa. Pakikibaka. Rebolusyon. Makabayan. Makamasa.

2 Responses to “Wika ng halalan”

  1. Maari pang palawigin at magandang paksa ng thesis. hehehe..

    cathe

  2. […] Wika ng Halalan ni Raymond Palatino […]

    FIL 40: SILABUS AT COMPLETE READINGS | Sa Loob, Sa Labas

Leave a Reply