Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Batay sa talumpating binigkas sa anibersaryo ng Kabataan Partylist, Hunyo 19, 2010 na ginanap sa UP Diliman Kolehiyo ng Edukasyon

Maraming salamat sa ating dalawang emcee. Si Lee, mga kaibigan, ang nagdisenyo, naglay-out ng ating mga logo at iba pang animasyon na ginamit noong kampamya. Salamat Lee at Mabuhay ka!

Sa lahat ng fans ng Lakers, congratulations! Sa mga fans ng Celtics, may susunod pang taon. At para sa mga tulad ko na fan ng Golden State Warriors, pwede pang mangarap.

Kami ni Ipay ay natutuwa at dito sa Kolehiyo ng Edukasyon tayo nagtipon para gunitain ang ating anibersaryo. Ako po ay nagtapos sa kolehiyong ito. Ang gusaling ito ang isa sa pinakalumang struktura sa pamantasan. Welcome po sa Eduk!

Noong 2004, nakakuha ang Anak ng Bayan Youth Party ng 213,000 boto. Noong 2007, ang Kabataan Partylist ay binoto ng 228,000 katao. Ngayong 2010, umabot na sa 418,000 ang ating boto. Higit sa 70 percent ang tinaas ng ating boto.

Noong isang taon lang ako nakapag oath taking, delayed ng dalawang taon ang ating tagumpay. Pero makasaysayan pa rin ang tagumpay na ito. Tayo ang kauna-unahang grupo ng kabataan na nagkaroon ng kinatawan sa Kongreso. Kung naghintay tayo ng taon para pagtibayin ang ating tagumpay, hindi nagtagal ang ating paghihintay ngayong taon. Kahapon po ay nag oath taking na ako bilang kinatawan ng kongreso sa harap ni Senator Chiz Escudero, na tulad natin ay may adhikaing pabor sa interes ng kabataan at mamamayan.

Noong 2001, ang Bayan Muna bilang boses ng maliliit na tao ay nakapasok sa kongreso. Noong 2004, ang Bayan Muna ay nagkaroon ng dagdag na kapanalig na partido sa kongreso nang manalo ang Anakpawis at Gabriela. Noong 2009 ang bloke ng mga progresibo ay higit na pinalakas sa pagpasok ng Kabataan Partylist. At ngayong 2010, ang mga guro at sektor ng edukasyon ay nagagalak sa pagkapanalo ng ACT Teachers Partylist. Lima sa nanalong top 20 partylist sa nakaraang halalan ay bahagi ng Makabayan Coalition.

Makabuluhan ang tagumpay na ito. Sa kabila ng pananakot at pang-iintriga ng militar, nanalo pa rin ang mga progresibong partylist. Tumaas pa nga ang boto ng mga partylist natin – ang kabuuang bilang ay umabot na sa 3.2 milyon. Desperado ang estado at mga pasista sa kanilang hangarin na hindi tayo magwagi. Bukod sa pagpapakalat ng mga materyales na black propaganda, tinakot at binantaan nila ang buhay ng ating mga miyembro, kandidato at alyadong lider sa buong bansa. Pero nanatiling buo ang tiwala’t pagmamahal ng masa sa atin. Gumamit man ng sindak ang kaaway, hindi tayo iniwanan ng taong bayan. Lumalawak pa nga ang ating impluwensiya at suporta. Ang bala ng kaaway ay nauubos, ang mga gobyerno ay bumabagsak at natatapos pero ang mapanlabang diwa ng masa ay kasing tatag ng sumisikat na araw.

Noong 2001, pangulo ng bansa si Gloria Arroyo. Noong 2004, nanalo siya sa tulong ni Hello Garci. Noong 2007, siya pa rin ang nakatira sa Malakanyang. Ngayong 2010, mga kasama 11 araw na lang, tapos na si Gloria! Masaya ang lahat!

Makasaysayan ang araw na ito dahil araw ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal, ang ating pambansang bayani. Ito rin ang anibersaryo ng pagkakatatag ng ating partylist. Nitong nakaraang linggo ay nagpulong ang pambansang konseho upang rebyuhin ang ating karanasan sa halalan. Batay sa mga ulat, mayroon na tayong mahigit 50,000 kasapi sa buong bansa. Aktibo ang mga balangay natin sa mga mayor na eskuwelahan at rehiyon sa buong bansa. Kahit sa maliliit at malalayong isla ay may nangampanya para sa ating partylist. Sa facebook ay nanguna tayo sa mga partylist na may pinakamaraming fans: mahigit 63,000 na ang bilang ng fans ng ating facebook page.

Ngayong 2010, ang Kabataan Partylist pa rin nag-iisang partido ng kabataang Pilipino sa Kongreso. Para higit nating maunawaan ang halaga nito, tandaan na daan-daan ang konseho ng mag-aaral sa buong bansa, daang-libo ang mga Sangguniang Kabataan, daang-libo rin ang mga sibikong organisasyon; pero nag-iisa lang ang partylist ng kabataan sa kongreso, at yan po ang ating Kabataang Partylist.

May 187 partylist ang lumahok sa halalan pero nagawa nating manalo at maabot ang ika-labing-pitong ranggo. Ang mga katunggali natin ay dekada na ang naipong karanasan sa halalan samantalang ang kalakhan ng mga miyembro natin ay ngayong taon lang nasabak sa laban. Hindi lalagpas sa 23 ang average edad ng ating mga opisyal samantalang kalakhan ng mga miyembro natin ay hindi pa aabot ng 20 ang edad. Pero sa kabila ng kakapusan ng karanasan natin, tayo ay nagwagi at naunahan pa nga natin ang maraming partylist. Sa mura ninyong edad, nakapagpanalo kayo ng partylist sa pambansang halalan!

Nanalo tayo kahit hindi tayo contractor ng presidente o kamag-anak ng mga warlord at political dynasty. Hindi tayo namili ng boto o nangako ng mga proyekto sa mga lokal na opisyal. Hindi tayo nandaya o nag-isip man lang mandaya sa pamamagitan ng pre-shaded ballots at reprogramming ng Compact Flash cards. Kaduda-duda ang sobrang tinaas ng boto para sa lahat ng partylist. Taktika ito para makapasok ang mga pro-Arroyo partylist.

Nais kong kilalanin ang mga martir ng ating organisasyon: Marjorie Reynoso, Jonathan Bernaro, Ramon Regase at Lito Doydoy ng Maco, Campostela Valley. Si Cris Hugo, Ambo Guran, at Farly Alcantara ng Bicol. Ipagpapatuloy naming ang inyong laban!

Kilalanin natin ang mga pambansang organisasyon na nagtatag ng ating partylist: Anakbayan, League of Filipino Students, Student Christian Movement, Karatula, College Editors Guild, at ang organisasyong kinabibilangan ko, ang National Union of Students.

Kilalanin natin ang ating mga nominado: si Ken Ramos ng Anakbayan, Renil Oliva ng Cebu, Atty. Kat Castillo ng Leyte, at si Mark Louie Aquino ng National Capital Region. Tinitiyak ko sa inyo na hindi anak ng presidente o Cabinet member ang mga nominado natin. Pagbati rin sa anim na miyembro ng Kabataan Partylist na nanalong konsehal sa Panay.

Narito ang ating mga pambansang opisyal. Nakikita ko si Vencer, ang ating all-around na secretary-general at webmaster. Si Anna, ang nangasiwa sa pollwatching at national coordination. Si Sarah, ang ating Chief-of-Staff at kumanta ng ating Lady Gaga jingle. Narito rin ang ating mga provincial and regional coordinator.

Narito rin ang ating online team. Salamat at number one tayo sa internet!

Kilalanin din natin ang dalawang pinakamatandang miyembro ng Kabataan Partylist: si Tito Bernie at Ka Romy.

Salamat sa inyong lahat. Salamat sa lahat ng nagtiwala sa Kabataan. Salamat sa suporta: sa mga napuyat, napagod, nasaktan sa kampanya. Sa mga nasunog ang kamay sa kakaluto ng gawgaw para pandikit sa poster. Sa mga miyembro natin sa kanayunan na walang makitang pader na pwedeng lagyan ng poster. Sa mga nag house-to-house kahit may El Nino. Sa mga nabastos, nasaraduhan ng pinto, namura, napahiya sa pangangampanya. Sa mga miyembro natin na sumasakay ng MRT/LRT at kunwari’y inosenteng nag-uusap kung ano ang ibobotong partylist sa halalan. Sa mga napudpod ang kamay sa kakatext. Sa mga naubusan ng prepaid internet load dahil araw-araw kailangang i-facebook message ang mga kaibigan. Sa mga namolyeto, nagdikit ng sticker sa mga dyip, trike, at pedicab. Sa mga biglang napakanta, napasayaw, napa emcee sa mga programa para lang ikampanya ang Kabataan. Taos pusong pasasalamat sa inyong lahat!

Sa mga nakatira sa HQ na dinanas at sinapit ang halos lahat nitong nakaraang tatlong buwan. Naputulan ng kuryente, naubusan ng tubig, nawalan ng bigas, may kumain ng iyong ulam, kulang ang pamasahe sa dyip. May mga nabuo at naputol na relasyon. May bagong panganak. At dahil laging gutom, puyat, at pagod sa HQ, di minsan ang mga alitan. Sa inyo na nag-ayos ng mga motorcade, pedicade, calesa-cade (sa Vigan). Sa inyo na nag-ayos ng mga sortie, malaki man o maliit. Sa mga nangampanya sa mga Wowowee concert ng Nacionalista Party. Salamat, salamat po.

Ang tagumpay ng Kabataan Partylist ay para sa inyo at para sa lahat ng naghahangad ng pagbabago. Para rin ito sa mga jejemon, jeprox, hiphop, emo, cono, kanto boy, gangsta, geeks, sa mga batang ama at ina, sa mga frat, sa mga makabayang aktibista, sa lahat ng kabataang Pilipino. Ang Kabataan Partylist ang inyong boses, sandigan sa loob ng kongreso.

Ngayong tapos na ang halalan, sisimulan natin ang paghamon sa bagong administrasyon. Adyenda ng kabataan igigiit natin. Tunay na pagbabago ang ating sigaw. Hindi tayo maghihintay ng 100 araw. Kikilos tayo ngayon.

Hindi pulitika ng pork barrel ang ating prayoridad. Bagong pulitika. Hindi sapat ang mabuting pulitika. Dapat progresibong pulitika. Pulitika ng pag-asa, pakikibaka, at pagbabago. Yan ang bitbit ng Kabataan Partylist sa muli nating pagpasok sa kongreso.

2007 Thanksgiving speech

2 Responses to “Mensahe ng pasasalamat”

  1. […] This post was mentioned on Twitter by mong palatino. mong palatino said: new blogpost: speech during kabataan partylist anniversary – http://is.gd/dfZyK […]

    Tweets that mention Mong Palatino » Blog Archive » Mensahe ng pasasalamat -- Topsy.com

  2. […] (Mula sa MongPalatino.com) […]

    Mensahe ng Pasasalamat | Tinig.com

Leave a Reply