Talumpati sa Luzon-wide assembly of UP students. Agosto, 14, UP SOLAIR.
Magandang umaga. Noong Huwebes, Agosto 12, ay Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, kaya pagbati sa inyong lahat. Ngayong 2010 ay pandaigdigang taon ng mga kabataan. Mabuhay ang lahat ng naghahangad ng tunay na pagbabago.
May tatlong magkakaugnay na paksa ang nais kong talakayin ngayong umaga. Una, pag-usapan natin ang ugnayan ng pag-aaral, trabaho, at ilang panukalang reporma sa sektor ng edukasyon. Pangalawa, dahil buwan ng wika, nais kong tukuyin ang silbi o papel ng wika sa pag-unlad ng ating komunidad. At pangatlo, ano ang dapat nating batanyan sa nakakabahalang pagtitiwalang binibigay natin sa teknolohiya.
Robot
Napanood ninyo na ba ang TV ad ng Berocca? Bida sa patalastas ang isang kabataang empleyado. Sa opisina, siya lang ang tao. Lahat ng empleyado ay mga robot. Bida siya dahil kasingbilis o mas mabilis pa siya sa robot kaya naman pinalitan niya ang isang empleyadong robot.
Alam ninyo mayroon akong anak na limang taong gulang kaya ang napapanood ko araw-araw sa TV ay Playhouse Disney o kaya Nickelodeon. Minsan nalipat ko ang channel sa isang lokal na istasyon at itong patalastas ng Berocca ang napanood ko. Nagtataka ako dahil walang nagrereklamo tungkol dito. Payag ba tayo, payag ba kayo, sa mensahe ng patalastas: na dapat kumilos tayo na parang robot para manatili sa trabaho; na dapat kasingbilis tayo ng robot – hindi napapagod, hindi nagrereklamo, tuluy-tuloy kung magtrabaho. At kung hindi ka robot kumilos, maghanap ka na lang ng ibang mapapasukan. Kasi ang kailangan ngayon diumano ng mga kampanya ay globally competitive, efficient, productive workforce.
Dati, kapag sinasabi nating ginagawa tayong robot ng kasalukuyang sistema ng ekonomiya, ang tinutukoy natin ay ang paulit-ulit na trabaho natin sa pabrika araw-araw dahil bahagi tayo ng assembly line production. Ngayon hi-tech na kaya may robot na sa pagawaan, at tayo pala yun. Mga taong-robot, sinasanay na mekanikal kung mag-isip at kumilos.
Walang nagulat sa patalastas ng Berocca dahil ang mensahe nito ay tila sumasalamin lang sa katotohanan. Tanggap natin ang mensahe. Tanggap natin ang banta na dapat maging masipag tayo tulad ng robot kundi marami diyang taong-robot na pwedeng pumalit sa atin. At para sa mga kabataan, tulad ng bida sa patalastas, payag tayong maging robot basta may trabaho, basta mataas ang bayad – kahit gabi ang pasok, kahit hindi ka Pilipino sa trabaho, kahit pagod na ang lalamunan mo sa kakahello sa iyong mga tangang kausap.
Ang sinisisi ko kung bakit humantong sa panahon kung saan ang makapangyarihang tao ay pumayag maging de-susing robot ay ang ating mga eskuwelahan. Sinanay tayong mag-isip tulad ng robot. Tinuruan tayong manabik na maging robot. Hindi ba’t ang payo sa atin, mag-aral ka para makakuha ka ng magandang trabaho sa hinaharap. Tiisin mo ang terror teacher, boring lecture, at tila walang katuturang mga textbook – lahat ng sakripisyong ito ay sulit dahil magiging mas mabuti ang iyong buhay kapag nakapagtapos ka ng pag-aaral.
Eto ang tanong ng maraming iskolar: tayo ba ay nag-aaral para maging highly-paid worker sa hinaharap? Para yumaman? Kung ito ang pangunahing layunin, hindi ba’t makitid ang pananaw na ito? Napakaspesyal ng edukasyon, makapangyarihan ang bisa ng edukasyon para lang ituring itong isang tuntungan para makuha ang ating dream job.
Dapat ang silbi ng edukasyon ay hindi ibatay sa taas ng suweldo natin sa hinaharap kundi sa ating karakter bilang tao. Tayo ay nag-aaral para maunawaan natin ang ating pagkatao (humanity, human dignity), ang ating kultura, at sa pamamagitan ng karunungan ay magtutulak ito sa atin upang pagbutihin ang ating sarili, pagbutihin ang ating pakikitungo sa iba, at kumilos para sa pag-unlad ng ating komunidad. Kung epektibo ang edukasyon, namumulat tayo sa katotohanan ng ating paligid, at tayo ay nagtatanong kung bakit ganito ang sitwasyon samantalang kaya namang maging iba ang kaayusan. Dahil sa ating pagtatanong, nakakasalamuha natin ang iba pang tao na may pareho ding mga tanong at magiging simula ito ng pagsusulong ng isang magandang adhikain. Eto ang diwa ng pagiging iskolar ng bayan, nagsisilbi sa kapwa. Hindi iskolar ng bayan ngayon para maging makasariling taong-robot sa hinaharap.
Balikan natin ang ating pagkabata. Ano ang pangarap ninyo noon? Maging superhero? Maging bida sa totoong buhay? Matayog ang ating pangarap. Mayaman ang ating imahinasyon. Tapos tayo ay nag-aral. Tayo ay nag elementary, nag high school, nag kolehiyo. Ano ang pangarap ninyo ngayon? Sa inyong high school yearbook, ano ang nilagay ninyong sagot sa tanong na: What do you want to be 10 years from now? Doctor? Engineer? Architect? Accountant in an international credit agency? May sumagot ba sa inyo na gusto kong maging magsasaka? Maging NGO worker? Gusto kong baguhin ang mundo?
Yan ang kasalanan ng mga eskuwelahan: Sinabi sa ating malaya tayong mangarap basta ba kikita ka sa pangarap na yan. Maging praktikal, dapat asikasuhin muna ang sarili. Tapos na ang panahon na kung saan ang mga tao ay handang ibuwis ang buhay para sa mga abstraktong prinsipyo.
Kaya ako ay hindi lubos na sumasang-ayon sa panukalang dagdagan ng dalawang taon ang basic education cycle. Batay sa mga balita, gusto ng pamahalaan na isulong ang repormang ito para madali raw makakuha ng trabaho ang mga bata. Maging employable. Isasama na raw ang vocational-technical skills sa kurso para pwede na agad tayong magtrabaho pagkatapos ng high school. May mali sa puntong ito. Kung ngayon nga ang mga college graduate ay nahihirapang magtrabaho, ano ang garantiya na ang mga graduate ng 12-year education cycle ay mas madaling makakapagtrabaho? Hindi dadami ang trabaho kapag 12 years na ang basic education; hindi rin awtomatik na lalago ang ekonomiya. Ito ang maling paniniwala: na ang edulasyon ang sagot sa lahat ng problema natin sa ekonomiya.
Hindi ba kayo nagtataka kung bakit maraming estudyante ay walang ahitasyon sa loob ng eskuwelahan? Hindi kaya dahil huminto na silang maniwala sa pangangaral ng matatanda na edukasyon ang susi sa kaunlaran? They feel alienated from the schoolwork which is supposed to prepare them for greater things in the future. Kaya ito pa ang tanong ng mga iskolar: Bakit hindi natin gawing kasiya-siya ang proseso ng pag-aaral? Na iparamdam sa mga bata na ang edukasyon ay pakikinabangan nila ngayon; ngayon at hindi sa isang pinapangarap na hinaharap.
Kapag tayo ay nanonood ng sine, iniisip ba natin na ginagawa ko ito para magkaroon ako ng magandang propesyon sa hinaharap? Hindi, dahil gusto nating maaliw sa oras na yun. Ganun din dapat sa pagpasok sa paaralan. Gusto kong matuto, pinili kong mag-aral dahil masaya ito at may pakinabang ito sa akin ngayon. Natutututo ako at dumarami ang aking mga kaibigan.
Hindi yan ang kalagayan ngayon. Malungkot ang sitwasyon ng ating mga eskuwelahan. Paano liligaya ang mga bata kung siksikan ang loob ng classroom, mali-mali ang textbook, walang banyo, mainit, kulang ang mga pasilidad? At ngayon ang dinadanas na torture ng mga bata ay gusto nating pahabain ng dalawang taon?
Wika
May isa pang kasalanan ang ating mga eskuwelahan. Tinuruan tayong mahalin/yakapin ang isang dayuhang wika at maliitin ang ating sariling wika. Kung itutuloy ang dagdag na dalawang taon sa eskuwelahan, anong wikang panturo ang gagamitin? Anong kurikulum ang itatakda? Sa Kongreso may mga panukalang gamitin ang wikang Ingles sa mga eskuwelahan. Dapat maunawaan ng ating lider ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang wika na magbubuklod sa atin. Mas madaling matuto ang bata gamit ang ating wika, at higit sa lahat tayo ay nagkakaintindihan.
Nais kong ihalimbawa ang inaugural speech ng pangulo. Basahin natin ito sa jejemon, na napili kamakailan bilang salita ng taon
anG pAg+ayoh ME HIR nGuAyon @Y PATuNUaeH Nah KAYoh aNg AKing tunay nu@H L@kuAZ JeJeJ3jE ♥♥♥♥♥. Nd Me !nU@kuAluah naH dUARat!N6 T@yOH Sah puntOnG 1toh, nah AK0w’3y ManUnumpah s@H hu@rap niNy0h VilAnG !nYong p@NGuloW. nd KOW p1NanGaRAp m@G1ng tagAPa6tu@GuyOd n6 Pag-Asah a+ tAg@pagMu@NuAH NG mGaH suL!r@n!n nG @t!Ng b@yu@n.
u@nG l@yUn1n KOW Z@h vuHaY AEH ZiMPle ♥ xD ♥ l@Ng p0wZ: magIng tapAt ZAh AK1ng MGaH MAGulang At s@h baYAn vILuaNG 1ZaNG mUaran6ual nAh @N@K jejejEjE, m@vaIt NaH KuYAh, aT maBut1ng mamAmay@n powZszsszZ.
Basahin naman natin sa Bekimon:
ang pagtayeklavu ni watashi ditetch ngayon ay patunay na kayeklavu ang aking tunay na lakas chenelin. hindi ni watashi mudrakalatchi na darating jotons sa puntong itechi tarush, na watashi’y kikirounumpa satchi harap sokaw bilang jokawng panguleklavu. hindi ni watashi pinangarap maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmanatchi ng mga suliranin ng ating bayan.
ang layunin ni lolabelles sa buhay ay simple lang tarush: maging tapat sa aking mga magulang at sa bayan vilang isang marangal na anak tarush, mabait na kuya, at mabuting mudramayan.
Sa wikang Ingles:
My presence here today is proof that you are my true strength. I never expected that I will be here taking my oath of office before you, as your president. I never imagined that I would be tasked with continuing the mission of my parents. I never entertained the ambition to be the symbol of hope, and to inherit the problems of our nation.
I had a simple goal in life: to be true to my parents and our country as an honorable son, a caring brother, and a good citizen.
At sa ating pambansang wika:
Ang pagtayo ko dito ngayon ay patunay na kayo ang aking tunay na lakas. Hindi ko inakala na darating tayo sa puntong ito, na ako’y manunumpa sa harap ninyo bilang inyong Pangulo. Hindi ko pinangarap maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng mga suliranin ng ating bayan.
Ang layunin ko sa buhay ay simple lang: maging tapat sa aking mga magulang at sa bayan bilang isang marangal na anak, mabait na kuya, at mabuting mamamayan.
Hindi ba’t tagos sa damdamin ang mensahe ng pangulo sa orihinal na teksto? Kung gusto nating pagbutihin ang komunikasyon sa bansa, gamitin natin ang ating wika. Kung naantig ang inyong puso noong mapakinggan ninyo ang inaugural speech, higit na magiging mabisa ang pag-aaral ng mga bata kung ang wikang naiintindihan ng lahat ang ating ginagamit.
Hindi jejemon, hindi bekimon ang may salarin kung bakit mababa ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Mga indikasyon lang yan ng pagiging dinamiko ng wika batay sa paggamit ng tao. Higit na malaking pinsala sa kaisipan ng ilang henerasyon ng mga Pilipino ang pagdebelop ng struktura ng karunungan sa bansa na nakabatay sa wikang Ingles.
Internet
Ang huling paksang nais kong talakayin ay ang pagtukoy sa mga nakakabahalang impluwensiya ng internet sa pagkilos ng mga kabataan. Marami na ang nasulat ukol sa positibong papel ng internet sa pagpapakalat ng impormasyon. Ang pakay ko ay magbigay lang ng ilang paalala na hindi lahat ng aktibidad natin sa internet ay may magandang dinudulot.
Eto ang optimistikong pagtingin sa ugnayan ng internet at pulitika: sa pamamagitan diumano ng malawak na pamamahagi ng impormasyon – teksto, larawan, video, ilustrasyon, podcast, – magbubunsod ito ng bukas na komunikasyon sa lipunan. Lilikha ito ng spesyal na kilusan ang mga citizen journalist kung saan ang impormasyon o katotohanan na pinamamahagi natin ay siya ring armas para labanan ang mga tiwali. At kapag malaya ang palitan ng impormasyon, ito ay magtutulak sa tao na kumilos para sa pagbabago.
Ideyal ito. Pero hindi ito ang nagaganap batay sa aking obserbasyon. Imbes na magtulak sa mga kabataan na makipagkapit-bisig sa iba, napapatingkad pa nga ang indibidwalismo. Virtual activism, hindi social interaction ang nangyayari. Imbes na katotohanan ng lipunan ang ating sinusuri, katotohanan ng ating mga buhay ang pareho nating binubuyangyang sa publiko, tinitingnan at tinititigan. Hindi internet activists ang nabubuo, kundi mga makabago at hi-tech na narcissist sa virtual at totoong buhay.
Halimbawa, may isang larawan tungkol sa kahirapan ang na upload sa Facebook. Sa ideyal na sitwasyon, pagkatapos mo itong titigan, mahihikayat kang umaksiyon. Gagawa ka ng kongkretong hakbang sa offline na mundo para may mangyari. Pero kadalasan ang gagawin mo, you will like it sa FB, at pag nabasa ito ng mga kaibigan mo, they will also like it. Malay mo ang isa, gumawa ng cause para dito. Marami ang magiging fan ng cause. Tapos ang litrato ay magiging viral na, makikita sa labas ng iyong network of friends. Tapos may magtweet nito, tapos ireretweet ng isang sikat na twiterrer. Masayang-masaya ka na. Pero paano kung hanggang internet na lang umikot ang mga aksiyon? Laganap nga ang impormasyon, pero mananatili lang itong impormasyon hangga’t walang interbensiyon sa totoong mundo. Dapat, pana-panahon isarado ang inyong computer.
Nakakabahala na may mga kabataang nag-iisip na pwede nilang baguhin ang mundo kahit nakaharap sila sa internet. Mas nakakalungkot yung mga naniniwala na hindi na dapat kumilos, mag-organisa, makibaka dahil mas epektibo daw ang maging aktibista sa internet.
Alam ninyo kahit libu-libo pa ang pirma sa isang online petition, hindi yan mababasa ng mga pulitiko. May mga kasamahan ako sa Kongreso na hindi marunong magbukas ng computer.
Simple lang naman ang mensahe: ang susi sa pagbabago ay nasa sama-samang pagkilos ng mamamayan, sa totoong mundo, hindi sa Farmville o pag-iiba ng ating FB status update araw-araw.
Nagiging mas matalino raw ang tao dahil sa internet. Maaaring tama. Pero nagiging tamad din tayo.
Maglista tayo ng ilang salitang pang-aksiyon: maglakad, tumakbo, tumalon, lumangoy, buhatin, tadyak, suntok, tumalbog, yakap, halik, hawak, dukot, lagok, lunok, taob, dapa, gulong, ikot, magpadulas.
Maaaring ngayon alam pa natin ang ibig sabihin ng mga salitang yan dahil naranasan natin ang mga yan noong bata pa tayo. Pero ang aking pangamba ay unti unti na silang nagiging banyagang mga salita. Paano at bakit? Kasi ba naman, araw-araw ang ginagawa natin ay iisa lang: click. Left-click. Right-click. Double-click. Fast click. Silent click.
Click para tumawag at kumausap ng kapwa tao. Click para magpahayag ng damdamin. Click para gamitin ang imahinasyon. Click para magbasa, mag-aral, magturo. Click para kumilos para sa pagbabago. Click para magpatawa, magmahal, at magpaiyak ng kapwa. Kung may one ring to rule the world ang Lord of the Rings, may one word to rule the world: click.
Pagbubuo
Modernong edukayon. Oo. Pero mas mainam kung kritikal na edukasyon. Higit na mabuti kung makabayang edukasyon. Pag-aralan ang mga wika ng mundo, pero pambansang wika ang gamitin bilang wikang panturo. Gamitin ang teknolohiya bilang kasangkapan sa pagbabago. Huwag magpagamit sa teknolohiya.
[…] This post was mentioned on Twitter by mong palatino, RG Cruz. RG Cruz said: RT @mongster: new blogpost: edukasyon, wika, internet. speech delivered during UP luzon wide student assembly. http://is.gd/ejjpn […]
Tweets that mention Mong Palatino » Blog Archive » Edukasyon, Wika, Teknolohiya -- Topsy.com
August 15th, 2010
Magandang pagkasulat Rep. Palatino. Ang masasabi ko lang na merong mga English terms na mahirapitranslate o walang appropriate word sa Filipino kung baka sakaling Filipino ang gawing primary medium of teaching. Example nito ay ang mga subject na mathematics at science.
Imention ko na rin dito ang usapin regarding sa SK. Sa tingin ko dapat na iabolish na ang SK kasi majority ng SK, walang nagawa sa kani-kanilang mga lugar. Kung hindi man, ireporma ito at tanggalan ng budget.
Pinoy Ako™
August 20th, 2010
Sang ayon ako. Mas mainam kung sariling wika natin ang ating gagamitin sa pagtuturo sa eskwelahan. Sa ganitong paraan mas madali para sa mga maliliit na bata ang maintindihan angkanilangmga aralin.
PILIPINO
January 27th, 2011
ang ganda
maricris june diaz
January 28th, 2014
ang gand ng palatastas
maricris june diaz
January 28th, 2014