Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Talumpating binigkas sa pambansang kumbensiyon ng Alliance of Young Nurse Leaders & Advocates International Inc. na ginanap sa Manila Pavilion.

Binabati ko kayong lahat sa paglulunsad ng aktibidad na ito. Higit akong humanga sa inyong desisyon na gamitin ang okasyong ito upang pagtibayin ang ating panata na makamit ang tinatawag nating Millenium Development Goals.

Taong 2000, buwan ng Setyembre, nang magbuklod-buklod ang 191 bansa, kabilang ang Pilipinas, at nilagdaan ang isang deklarasyon upang sugpuin ang kahirapan, at iba pa nitong manipestasyon tulad ng malawak na di pagkapantay-pantay sa lipunan at mga sakit na pwede namang mapigilan ang pagkalat kung ito ay bibigyang pansin ng mga pamahalaan. Halimbawa, taong 2009 nang binulaga tayo ng AH1N1 at nakadebelop agad ang mga doktor ng bakuna para ito ay sugpuin. Pero bakit wala pang gamot sa HIV/AIDS, TB, at dengue?

Ano na ang narating natin sampung taon pagkatapos pirmahan ang MDG declaration? Mahabang panahon ang sampung taon at nasaksihan natin ang maraming pagbabago sa paligid: Noong 2000, nasa elementary pa lamang kayo. Ngayon, malapit na kayong magtapos sa kolehiyo. Noong 2000 si Justin Bieber ay anim na taon pa lamang. Ngayon siya na ang pinakasikat na teenager sa buong mundo. Si Erap pa ang presidente noong 2000 kaso pinabagsak siya ng jueteng. Ngayon si PNoy na ang nakatira sa Malakanyang kaso may jueteng pa rin. Noong 2000 ang nakalagay sa aming mga bag ay notebook, libro, pager, at walkman. Ngayon ang nakalagay sa inyong bag marahil ay netbook, cellphone at MP3 player. Noon, at kahit hanggang ngayon, nakakahiyang magdala ng condom.

Kamusta naman ang performance ng Pilipinas sa target nitong makamit ang MDGs? Kaya ba nating habulin ang 2015 deadline? O mananawagan ba tayo ng extension, tulad ng ginagawa natin kapag voters’ registration?

Hindi ito ang panahon upang bulatlatin ang status ng MDG sa bansa. Pwede ninyong basahin ang ulat ng mga ahensiya ng pamahalaan. I-google ninyo na lang. Nais kong talakayin ang ilang natatanging paksa na may kaugnayan sa kalusugan at pagkamit natin ng MDG.

Narinig ninyo na marahil ang sanggol na iniwan ng nanay sa basurahan sa ating pandaigdigang paliparan. Pansinin ang ilang mungkahi na dapat tugisin ang ina. To quote former Senator Ramos Shahani, the first instinct was to criminalize the mother. Pero ang trahedyang ito ay isang sampal sa ating lahat, lalo na sa ating mga pinuno. Tayo ay bigo na maglaan ng impormasyon at serbisyo ukol sa safe pregnancy, maternal care, infant care.

Nitong mga nakaraang araw, maraming dead fetus ang natagpuan sa mga basurahan at simbahan. Kung babasahin mo ang mga dyaryo, parang mga bombang di sumabog ang mga natatagpuan kung saan-saan. Kung bomba ang mga dead fetus, baka napasa na ngayon ang Reproductive Health Bill. Kaso ang nababasa ko ay mga pagkutya sa mga kabataan na hindi raw marunong magpigil ng kanilang mga hormones. Dapat wala raw munang pre-marital sex.

Susi sa pagkamit ng MDG ay pagkakaroon ng isang epektibong health delivery system. Pero dapat hindi ito humuhusga. Wala dapat diskriminasyon. Dapat ibigay ang serbisyo sa lahat – bata man o matanda, kasal man o hindi, mayaman man o mahirap lalo na yung walang pambayad ng deposit sa ospital.

Malaki ang pananagutan ng pamahalaan. Matagal na nating binabarat ang sektor ng kalusugan. Kung susundin lang natin ang Magna Carta for Public Health Workers at Nursing Act of 2002, dapat signipikante na ang pagtaas ng sahod ng ating mga health practitioners. Kaso iba ang prayoridad ng pamahalaan. At ang masaklap, gusto nitong magbawas pa ng ginagastos para sa ating kalusugan. Gusto nitong ipaubaya sa mas maraming pribadong ospital ang pangangasiwa sa kalusugan ng mga Pilipino. Dapat kalampagin natin si PNoy at ipaalala sa kanya na ang kalusugan ay dapat ituring na mayor na responsibilidad ng estado.

Ano ang pwede ninyong gawin bilang kabataang naglilingkod sa sektor ng kalusugan?

Gamitin ang teknolohiya para sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan. Sa Ghana, ginagamit ang SMS o texting para sa konsultayon sa pagitan ng pasyente at duktor. Pwede kayong gumawa ng mashup sa tulong ng google map at tukuyin ang mga lugar na malayo sa mga health center. Para sa inyong kaalaman, ang mga Pilipino sa buong bansa ay bumabyahe pa ng 39 minuto para marating ang isang health center. Sa ARMM, ang byahe ay tumatagal ng 83 minuto.

Mainam at kayo ay nagsama-sama upang iparamdam ang inyong lakas sa mga kinauukulan. Gamitin ninyo ang inyong kolektibong impluwensiya upang malutas ang mga sakit ng sektor ng kalusugan. Igiit ninyo ang mga repormang kailangan upang maging kaakit-akit ang paglilingkod sa mga pampublikong ospital, lalo na sa kanayunan. Ipatigil ninyo ang mga di makatwirang patakaran na inyong nararanasan: Dapat bang wala kayong sahod na natatanggap bilang mga student nurse? Dapat bang kayo pa ang magbayad nang sobra-sobra sa mga pagamutan?

Hindi ko kayo mapipigilang umalis ng bansa pero ako ay nakikiusap sa inyo na isama ninyo sa inyong prayoridad ang paglilingkod sa ating mga komunidad, lalo na sa probinsiya, lalo na sa mga malalayong barangay.

Hindi kayang pantayan ng remittance o padala ang serbisyo na pwede ninyong ibigay sa ating mga komunidad at ospital. Hindi rin pwedeng maghintay ang mga may sakit. Kailangan nila ng agad na pansin at aruga. Kailangang ibalanse ang pagsusulong ng pansariling kagustuhan at pagbibigay ng napapanahong serbisyong pangkalusugan sa ating kapwa.

Minsan hindi lang isa ang daang matuwid. Pwede kayong mangibang bayan, magpakadalubhasa, mag-ipon at pagkatapos ng ilang taon o dekada, bumalik dito sa ating bayan. Pero pwede rin kayong manatili dito; dito sa bansang hitik sa likas-yaman subalit naghihikahos ang kanyang tao. Dito pwede kayong maging duktor at nurse ng mahihirap, at higit sa lahat, may pagkakataon kayong baguhin ang mali sa paligid.

Pero aanhin mo ang daang matuwid kung lahat ay nag-eroplano na papunta sa ibang bayan?

Hangad ko ang tagumpay ng pagtitipong ito. Isang matamis na pagpupugay sa lahat ng kabataang naghahangad ialay ang kanilang talino’t lakas sa ating inang bayan. Maraming salamat sa inyong imbitasyon. Mabuhay!

Related articles:

MDGs 2010
Nurse migration

One Response to “MDGs and health workers”

  1. I can’t help but admire your candor! Keep it coming, Cong. We are one with you in your advocacy. Though you are not a health practitioner, your inputs are well accepted. We consider you as a valuable contributor for the future prosperity of the health profession!

    joyce anne samaniego

Leave a Reply