1. Eto ang sinulat ni JV Ejercito sa kanyang Facebook hinggil sa naganap na demolisyon sa Barangay Corazon de Jesus sa siyudad ng San Juan: “Ang may kasalanan sa kaguluhan kanina sa Corazon ay ang mga militanteng grupo na angbintensyon talaga ay manggulo. Nang simula ay nang udyok, nanggatong at ginalit ang mga maralita sa Corazon. Pagkatapos ay may mga dalang sumpak, bolo, pana, ice pick, tirador, at granada! Kayo man nasa lugar ng mga awtoridad ay malamang ganun din ang gagawin niyo. Ang intensyon ng mga grupong ito ay malinaw, gamitin ang mga mahihirp at manggulo.”
2. Ilang paglilinaw lamang: Hindi mga militante ang nagsimula ng karahasan. Ang naunang probokasyon ay ang pagkakait sa mga residente ng kanilang karapatang manatili sa kanilang tirahan. Ilang dekada na ang mga Estrada sa San Juan pero kahit murang pabahay ay hindi naibigay sa Barangay Corazon de Jesus.
3. Ang dapat managot sa karahasan ay ang kapulisan at ang nag-utos sa kanila na gibain ang barikada ng mahihirap kahit may mga inaayos pang mga legal na usapin.
4. Dapat maunawaan ni JV na kahit saan mang lugar na may banta ng demolisyon, lalaban at lalaban ang mahihirap. May pag-uudyok man o wala ang mga militante, ipagtatanggol ng mahihirap ang kanilang karapatan lalo na kung buhay, bahay at kabuhayan ng mga tao ang nasa peligro. Halimbawa, wala namang kaliwang elemento sa mga ginibang komunidad ng New Manila at Taguig pero nagkaroon pa rin ng sagupaan sa pagitan ng pulis at mga residente.
5. Dapat magpasalamat si JV at mga Estrada na nandun ang mga militante sa Barangay Corazon de Jesus dahil ginabayan ang paglaban ng mga residente. Organisado ang paglaban. May hinandang hamong legal. Kung wala ang mga militante, baka mas naging marahas pa ang resulta ng demolisyon.
6. Bakit magdadala ng granada at teargas ang mga militante sa barikada? Sila mismo ay maaaring mapahamak, masugatan, at mamatay kung may dala silang granada. Hindi tanga ang mga militante. At kung kaguluhan lang ang pakay ng mga militante, bakit hindi hinagis ang granada sa pulis? Bakit hindi ginamit ang iba pang armas?
7. Nagtataka si JV kung bakit may ice pick, bolo at sumpak sa komunidad. Karaniwang nakikita ang mga ito sa mga komunidad. At ano ang inaasahan niyang hawakan ng mga residente habang ginigiba ang mga bahay: litrato ni Erap?
8. Tanggapin natin pansamantala ang argumento ni JV na ‘inudyok’ ng mga militante ang mga residente na magprotesta laban sa demolisyon. Ibig sabihin ba ay hindi niya tinangkang kausapin ang kanyang mga kababayan? Kung sinuyo niya ang mga taga Barangay Corazon de Jesus, mukhang nabigo siya dahil mas pinili ng mga tao ang lumaban. Mas pinaniwalaan nila ang mga militante. Hindi siya epektibong lider.
9. Huwag siyang magalit kung ayaw mag self-demolish ng mga tao. Ang gigibain kasi ay hindi dollhouse o bahay-bahayan. Hindi man kasinglaki ng Boracay Mansion, ang mga bahay sa Barangay Corazon de Jesus ay bahay pa rin na tinitirhan ng mga tao. Ilan sa mga bahay dun ay mas matanda pa nga sa kanya.
10. Dapat itigil na ni JV ang malisyosong akusasyon laban sa mga militante. Ang dapat niyang gawin ngayon ay humingi ng tawad sa mga kababayan niya sa Barangay Corazon de Jesus. Sila ay tapat na sumuporta sa mga Estrada sa bawat halalan. At ang sukling kabayaran ng mga Estrada ay marahas na demolisyon?
11. Huwag maliitin ang kakayahan ng mahihirap na lumaban at matapang na ipagtanggol ang kanilang karapatan. Sila ay nag-iisip. Nagpaplano. Hindi nila kailangan ng pag-uudyok. Nakalimutan na ba ni JV ang Edsa Tres?
12. Sabi ni JV, ginagamit ng mga militante ang mahihirap para manggulo sa paligid. Palibhasa ang mga pulitiko ang alam nilang lenggwahe ay kung paano hakutin at bilhin ang mahihirap kaya madalas ito rin ang iniisip nilang motibo ng kanilang kaaway. Ibahin ninyo ang Kaliwa: lumalaban sila kasama ang mahihirap. At laging may makatwirang adyenda o hiling ang kanilang tindig.
13. Maiintindihan ko pa ang baluktot na tingin ni JV sa mga militante kung nangyari ang demolisyon bago ang 2001, bago mapatalsik si Erap. Pero nakasama ni JV ang mga militante sa kilusan laban kay Gloria Arroyo. Ilang taong kasama niya ang mga militante sa mga rali, sa mga dispersal, sa mga pulong, sa mga komunidad, sa mga paaralan. Dapat batid niya na ngayon na hindi kaguluhan ang tanging hangarin ng mga militante. Kaya lubha kong ikinulungkot at ikinagalit ang mga maling paratang niya sa mga militante.
14. Marahil sulsol na rin ng mga tagapayo, ginamit ni JV ang red scare para umiwas sa responsibilidad sa naganap na karahasan sa San Juan. Tutal, epektibo pa rin ang taktikang ito ng mga reaksiyonaryo para ikubli ang mga totoong usapin at kumabig ng suporta sa hanay ng mga takot at walang alam sa Kaliwa.
15. Enero 25 – Bus bombing sa Buendia, kaarawan ni Corazon Aquino, at marahas na demolisyon sa Barangay Corazon de Jesus sa San Juan.
16. Nagtatanong ang mga bata kung ano ang slogan noong Edsa Dos. Kung may twitter noon, marahil ito ang hashtag: #sobranangpahirappatalsikinsierap.
Related articles:
Recto-Doroteo Jose
Poverty and system losses
Poverty and elections
Erap guilty verdict
[…] This post was mentioned on Twitter by mong palatino and cegponline, Kabataan SMR. Kabataan SMR said: RT @mongster: 'militant' response to the violent demolition in san juan – http://is.gd/fKp9sy […]
Tweets that mention Mong Palatino » Blog Archive » Si JV at ang marahas na demolisyon sa San Juan -- Topsy.com
January 26th, 2011
The Gentleman from Kabataan Party-list, I am sorry to say, but this entry would always justify the abhorrence that I feel towards the progressive politicians like your group. Truth be told, I call your coalition, Makabayan, the Axis of Evils of the Philippines. Your ideologies are old, dormant and full of yourselves. You accuse the government, you exploit the poor to fight the government but you never gain any advantage. It’s because you follow the cycle from history assholes like Marx, Lennin, Mao and some Communist shit.
Please, if you care about this country then send those members that you have home, whose families are worried, waiting and mad with the plot and ideologies your movement are injecting to their brains!
Ordinary people like me are annoyed with your existence. Here’s the reality: NO ONE LIKES YOU EXCEPT YOURSELVES and your comrade in The Netherlands!!!
For the love of God, I wish the Philippine left’s downfall.
-A concerned citizen who wishes for ChaCha to annihilate the Part-list system.
A Concerned Private Citizen
January 26th, 2011
Isang Taas- kamaong pagbati sa nakamit ng Kabataan Partylist at ng buong Makabayan coalition. Tuloy Lang ang Laban. Kasama pa rin sa mga pagkilos, Jovi (Popoy ) Yambao, dating student regent 2007 ng Bulacan state U, convenor anakbayan Bulacan, literary editor pacesetter, current charter president Phil society of mechanical engineers Singapore chapter. PS nais Ko prin tumulong at makibahagi sa mga pagkilos balitaan mo Ko
Jovinel "Popoy" Yambao
January 26th, 2011