Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Talumpating binigkas sa assembly ng SK Mindanao sa Davao.

Mahalaga ang letrang K o Ka sa ating kasaysayan, partikular sa pagbubuo ng bansa at pagsasabuhay sa diwa ng nasyonalismo. Mula KKK nina Bonifacio, ginamit ang simbolo ng baybaying Ka upang isalarawan ang rebolusyonaryong hangarin ng mamamayan. Ngayon ang sikat na K ay may kinalaman sa programa ng DepEd: ito ang K-to-12. Pero kontrobersiyal ang programang ito at maaari pa ngang magpahamak sa edukasyon ng bansa kung hindi tutugunan ng pamahalaan ang mga rekisitos na kailangan para ito’y magtagumpay. Bukod pa dito’y hindi pa lubusang nasasagot ang tanong kung ito ba ang pinakamainam na solusyon sa dambuhalang krisis na bumabalot sa sistema ng edukasyon.

Bilang mag-aaral at kabataan, dapat kalahok kayo sa debate ukol sa K-12. Kayo ang maging boses ng kasunod na henerasyon na tiyak apektado ng programang ito.

Iwanan natin pansamantala ang K-12 ng DepEd dahil may ibang K12 na nais kong talakayin ngayong hapon. Dahil kaharap ko ngayon ang mga lider-kabataan ng bansa, may mungkahi akong labingdalawang K o K12 na sa tingin ko’y dapat taglayin o abutin ng ating mga kabataan. Anu-ano ang mga K12 na ito?

1. Karunungan. Kaisipan. Kaliwanagan ng pag-iisip. Hindi ito nakukuha sa pagpasok sa pamantasan at minsan ang pormal na pag-aaral ay nagiging hadlang pa nga upang pumanig tayo sa katotohanan. Ang susi sa karunungan ay dapat may bukas tayong pag-iisip. Handang subukin ang mga bagong ideya o teorya. Ang kritikal at matalas na pag-iisip ay tanda ng maayos na kalusugan.

2. Kilos. Kapasyahan. Kasipagan. Kusa. Walang saysay ang katalinuhan kung walang aksiyon. Dapat laging mapagpasya, may kahandaan at inisyatiba sa lahat ng bagay. Sipag hindi lamang sa trabaho kundi sa pag-abot sa ating mga minimithing adhikain sa buhay. Kung walang pagkilos ng kabataan, mabagal din ang pag-usbong ng bago o maaaring manatili ang bulok na luma.

3. Katapatan. Kalinisan. Kabutihang-loob. Mag-ipon ng kagandahang-asal, hindi materyal na bagay; ito ang sukatan ng tunay na kayamanan. Pero huwag sanang dumulo ito sa mababaw na moralidad. Katapatan sa ating sinumpaang tungkulin. Kalinisan ng budhi at konsiyensiya. Kabutihan na may kinalaman sa pagtalima sa piniling prinsipyo sa buhay. Buhay na inalay sa isang dakilang misyon.

4. Komunikasyon. Epektibong propagandista ang bata; may sariwang perspektiba, edukadong opinyon na tiyak gagalangin ng iba. Mapalad ang inyong henerasyon dahil nariyan ang iba’t ibang teknolohiya na pinapabilis ang komunikasyon at palitan ng impormasyon. Pero kapag sobra-sobra na ang daloy o buhos ng datos, lalo na ng maling kaisipan at mga walang katuturang detalye, dapat tumulong tayo para ang mangibabaw ay katotohanan at kaliwanagan. Mag-usap, magchat, maging aktibo sa social network nang hindi nawawala sa isip ang motibong mag-ambag sa pagpapatibay ng ating pagkatao. Komunikasyon para sa kabutihan ng tao.

5. Karapatan: Kasuotan, Kabahayan, Kabuhayan, Kapayapaan, Katarungan, Kalayaan. Krusada para sa pagbabago. Kampanya para sa mga batayang pangangailangan ng tao sa buhay at mga kongkretong kagustuhan na magpapaunlad sa kalidad ng pamumuhay. Hindi sapat na may pagkain, dapat may dignidad din. Trabaho na may dangal. Walang silbi ang mansiyon sa isang lipunang walang kalayaan, demokrasya, at pagkapantay-pantay. Kapayapaan batay sa katarungang panlipunan.

6. Katapangan. Kagitingan. Kabayanihan. Hindi tayo kapos sa halimbawa: Propaganda. La Liga Filipina. KKK. Mga kabataang lumaban noong Philippine-American War at World War II. First Quarter Storm. Edsa 1986. Kampanya para sa pagpapatalsik ng Base Militar. Edsa 2001. Mapusok ang kabataan, at dapat ang galit ay gamitin laban sa mga tiwali. Ang kapangahasan ay kailangan para sumilang ang bago at pagbabago. Kaaway ng kabataan at pagbabago ang sinumang nagnanais na ilimita ang potensiyal ng bata na tumulong sa pagpapanday ng bagong kaayusan.

7. Komunidad. Hindi kanya-kanya, hindi indibidwalismo, hindi mapanirang kumpetisyon. Dapat bayanihan sa komunidad. Bahagi tayo ng mas malalaking yunit sa bansa. Mayroon tayong kapamilya, kapuso, kapatid, kalahi, kabarkada, kasambahay, katropa. Ang pasya ng karamihan ang dapat mangibabaw, hindi ang sakim na pansariling interes. Mas bigyang timbang ang kapakanan ng nakakarami at hindi ng pinagpalang iilan. Pribilehiyo ang maging kasapi ng komunidad; hindi dapat yumuko ang komunidad sa dikta ng pribilehiyo.

8. Kolektibo. Katipunan. Kapwa. Kasama. Kapitbahay. Kaibigan. Dapat lahat kabahagi sa pag-usad ng panahon; walang iwanan. Imbes na pangaraping maging sentro ng mundo, dapat ang kapangyarihan ng tao ay gamitin para lumikha ng bagong daigdig ng mga tao. Pagkakaisa at pagbubuklod-buklod para tapusin na ang pang-aapi ng tao sa kapwa tao.

9. Kalikasan. Dahil iisa lang ang ating daigidg. Sino pa ang dapat manguna sa pagtatanggol ng kalikasan kundi ang kabataan na magmamana sa planetang ito. Kabundukan. Katubigan. Kapatagan. Kagubatan. Kalawakan. Kalunsuran. Kanayunan.

10. Kultura. Kasaysayan. Mayaman at makulay ang ating nakaraan at ang bakas nito’y buhay na buhay pa rin sa maraming komunidad. Pero nakakabahala ang paglimot at mababang pagpapahalaga ng ilan sa ating kultura. Kaugnay nito ang mababaw na pagkilala sa kapangyarihan ng kasaysayan. Paano tayo lalaban sa ibang lahi sa panahon ng globalisasyon kung wala tayong malalim na pag-unawa sa ating pagkakakilanlan? Kulturang popular ng ibang bayan ang ipapasa ng kabataan sa hinaharap kung walang sustinidong pagbabaliktanaw sa ating nakaraan. Pero kapag armado ng aral ng kasaysayan, magagamit ito ng kabataan sa paggampan ng kanyang dakilang misyon na lumikha ng bagong kasaysayan.

11. Kinabukasan. Kasaganahan. Kaginhawaan. Kaligayahan. Pag-asa ng bayan kung gagamitin ang lakas, giting at talino; at handang kumilos para magkaroon tayo ng mas maaliwalas na kinabukasan. Imposible? Hindi kung kikilos ang marami ngayon; kung babasagin ang katahimikang tinakda ng mga mapang-api; at kung tuluy-tuloy ang pag-abot sa matamis na pangarap

12. Kabataan. Dahil ang kabataan ay tinatakda din ng mentalidad, aktitud, at gawi ng tao. Ang tao ay tumatanda kapag bumibitiw siya sa kanyang prinsipyo. Subalit nananatili siyang bata habang patuloy na lumalaban, nakikibaka, at nangangarap. Si Harry Potter, the boy who lived. Si Peter Pan, the boy who never grew up. Si Benjamin Button, pabaliktad ang kanyang pagbata at pagtanda. Maraming bata pero maagang sumuko sa mga hamon ng buhay; nasilaw at nalason sa tuksong dala ng salapi, katanyagan, at kapangyarihan.

Hindi problema ang pagtanda, ang paghina ng katawan, kung nananatiling bata ang inyong pag-iisip at pagtingin sa buhay. Ito ang sikreto ng habambuhay na pagkabata.

Related articles:

Magmahal na parang walang bukas
K and nationalism
Ang batang matanda
No country for young politicians

One Response to “K12 ng Kabataan”

  1. sir reymond pwede ku po bang mahiram ang iyong talumpati…..SSG presedent po kasi ako sa aming mataas na paaralan ng marbel 7 sa koronadal………ipa babasa ku lang po sa aking kapwa mag-aaral kung anu talaga ang tunay na kahulogan ng kto12 program ang ating gobyerno……. kung pwede lang po sana…………

    jean rick lubaton

Leave a Reply