Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Talumpati sa flag ceremony ng House of Representatives

Magandang umaga sa inyong lahat, mga kapwa ko kawani sa pamahalaan. Una, ako po ay nagpapasalamat sa karangalang magsalita sa ating flag ceremony ngayong araw na ito.

Matagal ko na pong iniisip kung matatapos ko ba ang aking termino nang hindi mabibigyan ng pagkakataon na maging panauhin sa ating lingguhang flag ceremony. Kaya ako po ay lubusang nagalak nang makatanggap ng imbitasyon na magsalita ngayong umaga. Dahil long weekend (napuyat sa kakapost ng pictures sa facebook), ang hirap bumangon kanina, ang bigat sa paa, at hirap kumbinsihin ang katawan na maghanda para sa trabaho. Pero para sa akin, spesyal ang araw na ito.

Mayroong lamang 52 weeks sa isang taon, at sa isang termino, hindi laglagpas sa 150 ang bilang ng mambabatas na makakapagsalita sa harap ninyo tuwing Lunes. Kaya para sa akin, mapalad ang mambabatas, at kami po ay mahigit 285 na ngayon, na napiling tumindig at magsalita tuwing lunes ng umaga. Kaya ang magsalita sa flag ceremony ay matuturing na privilege speech dahil ito ay tunay na pribilehiyo. [UPDATE: Buwanan na lang daw ang asembliya sa harap ng Batasan para sa flag ceremony]

Hindi lang simboliko ang mga flag ceremony. Lahat ng kawani ay magbibigay galang sa watawat at uulitin ang sumpa bilang lingkod bayan. Sa tingin ko mahalaga itong ritwal upang ipakita ang pagkakaisa sa loob ng institusyon at upang ipaalala sa bawat isa kung ano ang ating tungkulin sa taongbayan.

Ilang ulit na rin akong naimbitahan na magsalita sa mga flag ceremony – sa mga paaralan, munisipyo, kapitolyo, at maging sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan – at pansin ko lang na andun lahat: ang principal, si kapitan, si mayor, si governor, mga konsehal, mga bukal, ang Cabinet secretary. At silang lahat, kasamang bibigkas ng panata bilang opisyal ng bayan.

Sa tingin ko, at ito ang aking munting mungkahi, dapat gawin din natin yun dito sa ating House of Representatives. Simulan natin ang tradisyon na bawat miyembro ng kamara ay inaasahang lumahok sa lingguhang flag ceremony. Hindi ba’t kamakailan lang ay naging isyu ang pagliban ng ilang Supreme Court justices sa kanilang flag ceremony? Panahon na siguro upang idagdag sa tungkulin ng mga mambabatas, kasama ang kanilang mga opisina, ang pagpunta sa mga flag ceremony, sa kanilang distrito o dito mismo sa Batasan.

Palaging nababanggit sa mga balita ang mataas na public trust rating ng House of Representatives. With due respect to my colleagues, dapat kilalanin ang mahalagang papel ng House Secretariat kung bakit positibo ang imahen ng HRep. Kayo ang tagapagtaguyod sa Kongreso ng mamamayan. Ang mga miyembro ay hindi permanente dahil may term limit, ang dominanteng political party ngayon ay baka minority na lang sa susunod, hindi lahat ay babalik sa 16th Congress. Pero kayo, kayo na mananatili sa institusyon ay saksi at tagapagpatuloy ng kasaysayan ng bayan. At higit pa rito, lingid sa kaalaman ng marami, kayo ang gumagawa ng kalakhan ng trabaho ng mga mambabatas.

Noong 14th Congress, nang ako po ay unang maging congressman, may nagsabi sa akin na ang Kongreso raw ang best retirement place para sa mga beteranong pulitiko. Sabi kasi niya kahit hindi ka pumasok, mananatili kang congressman. After three years and two terms, masasabi ko na may bahid ng katotohanan ang pahayag na ito. Pero dapat kong idagdag na madali o gumagaan ang trabaho namin kasi ang bigat ay pinapasan ng House Secretariat.

Walang dahilan para maging zero ang output mo dito sa Kongreso. Sa totoo lang, lahat ng aming dapat gawin, lahat ng aming pangangailangan ay ginagawa na ng House Secretariat. Paggawa ng batas o resolusyon? Nandiyan ang Bill Drafting. Research at pagsusuri sa budget, mayroon tayong CPBD. Salamat sa mga agency budget notes, nagiging matalino ang debate sa mga budget interpellation. Lahat ng dokumento, libro, mga materyaleshinggil sa maraming isyu ay handang ibigay sa amin ng secretariat. Kung kinakailangan ng RTD o policy briefing, maaari ding gawin.

Mayroon tayong legal service, library, security, engineering, IPRD, may media service na tumutulong para i-broadcast ang aming mga aktibidad. Salamat sa committee affairs at plenary service at ang aming mga maling grammar sa deliberasyon ay hindi mapapansin ng publiko at ng susunod na henerasyon kung babasahin ang mga House Journal at House records.

Hindi na kailangan ng mga tarpaulin para ibalita ng bawat isa sa amin kung ano ang aming mga programa. May sarili namang printing press ang Kongreso at dahil sa franking privilege ay pwedeng idiretso ang aming mga liham sa aming constituents.

Kung gayon, wala ng dapat pang gawin ang mambabatas kundi ang pumasok sa trabaho. Pumunta sa committee hearing at magpakita sa roll call sa plenary ng 4pm. Hindi ko maintindihan kung bakit tila ang hirap-hirap para sa ilan ang magpakita sa session samantalang tinitiyak naman ng House Secretariat na alaga at ligtas ang mga miyembro. May lounge (sira ang diet ng marami kapag Lunes hanggang Miyerkules; araw-araw kapag budget season), clinic, gym, day care, bangko, at hindi problema ang parking space.

Sinasabi ko ito hindi upang kumutya kundi upang una, ipabatid sa inyo na kung ano man ang kritisismo ng publiko sa work ethic ng maraming congressman ay hindi wasto at hindi akmang ilapat sa inyo; at pangalawa, magpasalamat sa inyong tulong, sipag, at katapatan sa paggampan ng inyong tungkulin. Mapalad ang 286 House Members dahil may efficient House Secretariat na gumagawa ng kanilang trabaho, araw-araw. Palagi kaming nagbabakasyon pero ang House Secretariat subsob sa gawain sa Batasan.

This is my second, and also my last term, as a youth representative. Gusto ko pong ipaalam sa inyo na sa nakalipas na tatlong taon, at home ako dito sa House kasi mababait, matatalino at may puso ang mga kawani. Maraming salamat po at magandang umaga.

Leave a Reply