Talumpating binigkas sa regional student leaders assembly ng University of Assumption, San Fernando, Pampanga
World Youth Day. Nagtitipon ang maraming kabataan ngayon sa Brazil para sa World Youth Day (Bahagi ako ng WYD 1995). Isa itong selebrasyon na pinangungunahan ng simbahang Katoliko subalit ang kabuluhan nito ay hindi lamang para sa mga Romano Katoliko tulad ng maraming Pilipino. Ito ay pagkilala sa spesyal na papel ng kabataan sa mundo; ito ay nagsisilbing hamon sa maraming kabataan na harapin at lumahok sa paghahanap ng solusyon sa mga suliraning bumabagabag sa ating mga komunidad. Nasa mga bata ang panahon, lakas, at oportunidad upang aktibong buuin ang isang bukas na mas payapa, malinis, at masagana. Sa ating bansa, bata ang populasyon. Babymaking is more fun in the Philippines. Dahil maraming kabataan, dapat adbantahe sa atin ito. Yaman ang kabataan, mga taong mag-aangat sa ating ekonomiya at balon ng talino at ideyalismo. Subalit bakit tayo nasasadlak sa hirap?
40 families own 76 percent of economy. Ito ang balita ilang buwan na ang nakakaraan. Para sa akin, nananatili itong natatanging balita ng taon. Hindi ang panalo ni Nancy Binay, hindi ang pag coming out ni Charice, at lalong hindi ang bagong silang na miyembro ng royal family ng England. Kundi ang kumpirmasyon ng isang katotohanan na matagal na natin alam subalit hindi masyadong binibigyang pansin. Na sa perlas ng silangan, dito sa mayamang arkipelago ay naghahari ang iilan samantalang ang karamihan ay nabubuhay sa kumunoy ng kahirapan. Paano nangyari ito, paano nating hinayaan na 40 pamilya lamang ang nagmamay-ari, kumukuntrol, at nagdidikta sa ating buhay at kabuhayan? Hindi ba ito’y malinaw na patunay na may malaking mali sa ating lipunan? Hindi naman pwedeng sabihin at huwag nating tanggapin ang argumento na may monopolyo sila ng katalinuhan, kabaitan (at swerte) kung bakit sila yumaman nang husto. Ito ay isyu ng panlipunang katarungan o kung paano ang akumulasyon ng yaman ng iilan ay naganap habang may pagdurusa sa lahatang panig ng bayan. O kung paano ang nakaw na yaman ay naging lehitimo o legal sa pagdaan ng panahon.
Bonifacio@150. Kung kaliluhan ang siyang naghahari sa loob at labas ng ating bayang sawi (Balagtas), ano ang dapat gawin? Ano ang alternatibo? Dalawa ang mahalagang pampulitikang kaganapan ngayong taon: Ang halalang midterm noong Mayo at Bonifacio@150 o ang 150th kapanganakan ng ama at bayani ng himagsikang Pilipino. Napapanahon na paghalawan ng aral ang buhay ni Bonifacio, sariwain ang kanyang alaala sa pagtutuloy ng kanyang sinimulang laban. Ang kaaway ni Bonifacio ay hindi si Rizal kundi ang mga mapang-api at elitistang walang puso para sa masa. Kumilos siya upang wakasan ang kadilimang bumabalot sa lipunan noon; itinatag niya ang Katipunan upang palayain ang bansa mula sa kuko ng kolonyalismo; higit sa lahat, malaki ang kanyang tiwala sa mga Pilipino na sama-samang pababagsakin ang sistemang mapang-api. Namatay si Bonifacio subalit hindi ang kanyang diwa. Buhay siya sa katauhan ng mga Pilipinong nakidigma sa Philippine-American War, sa mga lumaban sa pananakop ng Hapon, sa mga Huk na nakibaka para sa repormang agraryo, sa mga kabataang aktibista ng dekada sisenta, sa mga nangahas na tumindig laban sa diktaturya noong Batas Militar, sa mga bayani ng Edsa Uno, Edsa Dos, sa mga naghanap ng katotohanan noong panahon ni Arroyo. Ngayong taon, nagisnan natin ang matapang na paggigiit ng mga biktima ng bagyong Pablo sa Davao na makuha ang tulong pinansiyal at relief goods na tinatago sa mga warehouse ng gobyerno. Buhay, buhay na buhay si Bonifacio sa mga lugar na kung saan may kolektibong aksiyon para sa radikal na pagbabago. Sa kasalukuyan ay laganap ang korupsiyon, kahirapan, at kaapihan. Hindi ba’t makatwiran ang maghimagsik? At hindi ba’t ang buhay ni Bonifacio at ang dakilang hangarin na kanyang iniwan ang tamang inspirasyon na pwedeng gumabay sa atin?
IT. Subalit sa panahon ng smartphone at wifi, uso pa ba si Bonifacio at ang Katipunan? Kailangan pa ba ang pakikibaka samantalang pwede namang itama ang mali sa pamamagitan ng kapangyarihan ng social media, mass media, at palitan ng impormasyon, opinyon at katotohanan sa cyberspace? Kailanman hindi mawawalan ng saysay ang sama-samang pagkilos. Kapag mas mahigpit ang pagkakaisa, mas masaklaw na pagbabago ang magagawa. Ang kasaysayan natin ay hindi lang naratibo ng pagdurusa kundi ng kabayanihan. Ang bagong teknolohiya na gamit natin araw-araw, minu-minuto, bawat segundo, ay hindi dahilan upang talikuran ang ating tungkuling panagutin ang nagkasala sa kasaysayan at ang gumawa ng bagong kasaysayan. Bagkus dapat ang teknolohiya ay nagpapaunlad sa ating praktika ng pakikibaka. Noong panahon nina Rizal, hindi niya simpleng pinuri ang pagpapalimbag ng mga aklat. Gumawa siya ng mga nobela, sumulat ang mga Propagandista ng mga artikulong nagbigay ng kaliwanagan sa sitwasyon ng bansa. Ganito rin dapat ang ating aktitud at gawi: lumikha ng mga subersibong teksto gamit ang Twitter, Facebook, at social media. At higit pa dito, lumahok sa laban ng mamamayan online at offline. Umuunlad ang teknolohiya hindi lang dapat sa dikta ng tubo o komersiyo kundi para mag-ambag sa pangkalahatang kapakinabangan ng lahat. Habang nananatiling bukas ang internet at ang regulasyon ay hindi pa mahigpit, dapat tuluy-tuloy ang ating pag-eeksperimento kung paano ito magiging mabisang instrument para sa kilusang pagbabago. Huwag nating payagang mangyari sa internet ang nangyari sa TV, radyo, pelikula at mainstream media – mga inobasyon sa komunikasyon na may matayog na simulain subalit mabilis ding nilamon ng kapitalistang adhikain.
Student leadership. Himagsikan, pakikibaka, pagbabago. Parang ang bigat naman. Kaya ba natin ito? Mga mag-aaral lang tayo. Tama. Subalit hindi edad ang batayan ng pagkilos para sa bagong bukas. Walang age restriction, bata o matanda pwedeng-pwede, kayang-kaya na maging bayani ng kasalukuyan. Si Jacinto 20 taong gulang lamang nang maging utak ng katipunan. Aasahan ba natin na mga senior citizen ang kumilos para tiyakin na maging mas maliwanag ang ating bukas? Si Enrile 89 years old at aktibo pa rin sa pulitika. Hahayaan ba natin na mga tradisyunal na pulitiko at kanilang mga kamag-anak ang mamumo habambuhay sa ating bayan? Nagsimula ako bilang student leader – may ambisyon, may hangaring makatulong sa komunidad, nais kong maging matagumpay sa isang propesyon na ipagmamalaki ng aking pamilya. Nag-aral ako ng mabuti, naging grade conscious, bookworm, geek, snob. Tapos naging aktibista ako. Di nagtagal natutunan ko na mali pala ang aking konsepto ng isang student leader. Na ang lider mag-aaral ay hindi dapat self-promotion, self-fulfillment ang prayoridad. Na ang student power o youth power ay isang popular subalit sakim na adhikain. Arogante ang kaisipang pwedeng magbunsod ng pagbabago kung ang inihahaing panukala ng mga kabataan ay mga repormang para lamang sa kanyang sektor. Na kayang lumikha ng kasaysayan kung kikilos ang kabataan. Naunawaan ko na ang esensiya ng pagiging isang lider mag-aaral ay hindi katumbas ng pagkamit ng mga medalya o ang mahusay na pamumuno sa mga kapwa estudyante para sa mga usaping limitado lamang sa parokyal na usapin ng kampus o mga isyung aprubado ng mga awtoridad. Ang student o youth power ay mabisang kapangyarihan kung isasanib ang lakas ng kabataan sa lakas ng masa. Ibig sabihin, ang kabataaan ay nakikipagkapit-bisig sa mga aping sektor ng bayan. Binibigyang boses ang mahihirap, inaaral ang kalagayan ng mga inaapi, lumalaban, nagmamartsa kasama sila. Hindi pwedeng umangat ang indibidwal habang naiiwan ang marami. Ang student leader ay responsableng mamamayan, iskolar, at may malasakit sa kapwa.
Aktibismo. Kung gayon, ang imbitasyon ko sa inyo ay maging aktibista ng bayan. Siguro inaasahan ninyo na sabihin ko na tulad ko, lumahok din sa halalan at maging kongresista. Subalit insidental lang ang pagiging congressman ko. Una at huli, ako ay aktibista. At lagi kong ipagtatanggol ang makatwiran kong desisyon na maging aktibista. Habang bata, habang may lakas, panahon, at puno ng ideyalismo, mainam na ialay ito sa aktibistang layunin. Huwag ninyong tanggapin ang makitid na pakahulugan sa aktibismo sa pagsasali lamang sa mga rali, huwag tanggapin ang stereotype na magulo, mabagsik, at hindi rational ang pagrarali. Ang aktibismo ay isang esensiyal na gawain sa isang demokrasya, isang rekisito upang mas mabilis nating maitayo ang isang mas maunlad na hinaharap, isang paggigiit ng ating mga karapatan bilang mamamayan, bilang tao. Sa katunayan, marami sa mga karapatang tinatamasa natin ngayon ay bunga ng matapang na paglaban ng mga nauna sa atin. Tayo, ano ang ating iaalay na tagumpay sa susunod na henerasyon?
Leave a Reply