Talumpating binigkas sa Escaler Auditorium, Ateneo de Manila, Nobyembre 29, 2013
Ang unang slogan ni Noynoy Aquino noong 2009 ay ‘Hindi ako Magnanakaw’. Star-studded pa ang ginawang music video na nilahukan ng maraming artista na may hawak na sulo. Patutsada ito sa pamahalaan ni Gloria Arroyo na kumaharap ng maraming kaso at iskandalo ng korupsiyon. Pagpapakilala rin ito ng magiging pangunahing mensahe at kampanya na bibitbitin ni Noynoy at ng Liberal Party sa nalalapit na halalan.
Subalit medyo hindi ito nag-click sa masa; marahil ayaw ng marami sa panibagong pangako. Mas sikat noon ang mga advertisement ni Manny Villar; yung ‘si Villar ang tunay na mahirap, si Villar ang tunay na may malasakit at ipinanganak sa dagat ng basura’. Para kay Villar, ang kalaban ay kahirapan.
Marahil bilang tugon, naglabas ng bagong slogan ang kampo ni Noynoy: ‘Kung walang corrupt, walang mahirap’. Inugnay ang pagnanakaw ng pera ng bayan sa kahirapan sa bansa. Naging malakas na panawagan ito noong buong panahon ng kampanya.
Si Villar ang malakas na kandidato na humamon o pumantay sa popularidad ni Noynoy sa simula ng kampanya. Si Villar din ang target ng slogang ‘Daang Matuwid’. Kung maalala ninyo ang ang mga ad ni Noynoy, may pinapasaringan siyang lider na gumagawa ng liko-liko na daan imbes na tuwid na daan. Tinutukoy niya ang alegasyon na naglagay ng double insertion si Villar sa budget ng C-5 at Daang Hari na tumutumbok sa mga pag-aaring subdivision ng pamilya Villar.
Binabanggit ko ito upang bigyang diin na ang mga slogan ng mabuting pamamahala ay hindi dapat ituring na pangkalahatan o abstract. Lagi at lagi ay may tinutugunan itong partikular na layuning pulitikal. Hindi lamang bunsod ng mabuting kalooban ang pinapakalat na mensahe ng ating mga lider kundi may malaking kinalaman din ang pagsusulong ng mga pulitikal na interes.
Ngayon kapag naririnig o nababasa natin ang Daang Matuwid ay tinuturing na itong krusada o direktiba ng pamahalaan at nakalimutan na ang mga sirkumstansiya kung paano at bakit ito ang napiling panawagan.
Gayunpaman, kahit simplistiko, epektibo ang ‘Daang Matuwid’ upang tukuyin ang mali sa ating pamamahala. Hindi ba’t kadalasan ang mga kaso ng korupsiyon ay may kinalaman sa mga kalsada. Diosdado Macapagal Boulevard, SCTEX, mga gawang kalyeng sinisira upang lagyan ng semento o aspatlo, mga tulay na walang hanggan.
Paborito ng mga pulitiko ang paggawa ng kalsada. Visible ang proyekto at malaki ang kickback. Substandard kasi ang materyal na ginamit. Hindi nakapagtataka ang daming luxurious road, o lukso ng lukso.
May pulitika, at hindi lang ekonomiya, ang paggawa ng kalye. Bakit ang road network ay nakakonsentra sa Mega Manila? Bakit bansot ang sistemang transportasyon o walang railway o masiglang shipping transport industry?
Ang mga akademiko ay may mga kumplikadong kategorya kung paano binibigyang kahulugan ang mabuting pamamahala subalit para sa maraming tao, ang mabuting pamamahala ay nakikita sa kanilang dinadaanan araw-araw. Kaya malaki ang galit ng mga botante sa mga epal billboard, naglabas pa ng editorial ang Inquirer nang binuksan muli ang Avenida noong 2010, nagdiwang ang mga motorista nang sinara ang ilang u-turn slots ng MMDA, at higit sa lahat nang pinagbawal ang wang-wang sa kalye. Hindi ba’t pinupuri ng marami ang mga advisory ng pamahalaan kung nasaan ang trapik habang kasabay na binabatikos din ang mabigat na trapiko sa siyudad.
Literal ang pag-intindi ng marami sa diskurso ng ‘Daang Matuwid’. At nagalak ang marami. Subalit hindi nagtagal ay unti-unting nahubaran ang limitasyon ng diskursong ito; o kung paano ito pinapatupad ng pamahalaan.
Ang pulitikang hinamon ng ‘Daang Matuwid’ ay nagpatuloy sa administrasyon ni Pnoy. Nanatili ang modus operandi ng mga pork barrel operators. Nawala ang wangwang sa kalye subalit ang bakas ng bulok na pulitika at pamumulitika ay namamayagpag pa rin.
Nilapat ang slogang ‘Daang Matuwid’ sa ibang aspeto ng pamamahala at kahit mabuti ang hangarin, napatunayan nating hindi ito naging sapat upang baguhin ang mga pundamental na mali sa sistema.
Para sa mga sektor na binubulok ng korupsiyon, ang ‘Daang Matuwid’ ay tila naging kakatwa, motherhood na pahayag, at walang pinag-iba sa pulisiya ng mga nagdaang administrasyon.
Aaminin natin na may inobasyon ang kasalukuyang pamahalaan. Ito ay ang agresibo nitong paggamit ng lenggwahe ng IT at social media upang ibandila ang retorika ng transparency at bukas na pamamahala. Lahat ng pahayag, online agad. May tweet, may FB, may infographics ang mga isyung tinitindigan ng Palasyo. Bumabaha ng impormasyon, at ayon sa pamahalaan, ito ang susi sa mabuting pamamahala. Hindi ba’t nang sinisi ni Pnoy ang Tacloban LGU, ang naging batayan niya ay ang diumanong maagang abiso ng pambansang pamahalaan hinggil sa pagdating ng bagyong Yolanda?
Nasa panahon tayo ngayon na mabilis na nagiging mainstream ang paggamit ng social media tools sa lipunan. Alam ito ng pamahalaan kung kaya’t napakarami nitong communication and messaging experts. Subalit ang transparency at good governance ay hindi pwedeng ikahon sa paggawa ng website o pagdigitize ng mga dokumento.
Maniniwala ba tayo kung sasabihin ng pamahalaan noong 1950s at 1960s na sila ay bukas at tapat kasi lahat ng programa nito ay inuulat ng publikong TV, radyo, at dyaryo? Ganyan din ang magiging pagtingin ng mga Pilipino sa hinaharap kung tatanggapin natin ang argumento na transparent ang pamahalaan kasi may magandang disenyo ang website, interactive, at gumagamit ng maraming apps at social media tools?
Paano kung ang impormasyon, imbes na makapagbigay linaw, ay nakakadagdag sa kalituhan? Paano kung sadyang nagbubuhos ng sobrang impormasyon upang mabaling ang atensiyon? Pakikitirin ba natin ang interaksyon ng mamamayan at namumuno sa mga virtual na pamamaraan?
Hindi pa natatapos ang trahedyang Yolanda subalit marami na tayong aral na mapupulot mula dito. Basahin ninyo na lang si Yeb Sano kung ano ang epekto ng climate change sa mga maliliit na bansa tulad ng Pilipinas; si Peque Gallaga kung paano nagkulang ang pamahalaan ni Pnoy; at si Korina Sanchez kung paano nanatili ang government presence pagkatapos ng kalamidad.
Para sa akin, pinakita ni Yolanda ang maraming kahinaan ng sistema ng ating pamamahala: Bakit naging mabagal ang mobilisasyon ng rekurso ng pamahalaan? Dahil maraming kagamitan ay dito sa Mega Manila nakakonsentra. Dahil ang mga transportasyon ay pag-aari ng pribadong sektor. Dahil may bahid pulitika.
Bakit sa Maynila dinadala ang mga biktima, hindi sa Cebu? Dahil di pantay ang pag-unlad ng mga rehiyon. Ang mahirap dumadagsa sa Maynila dahil andito ang mga oportunidad. Sa isang iglap, nahubaran ang kakitiran ng mga programang tulad ng ‘Balik Probinsiya’.
Bago ang Yolanda, pinaniniwalaang pamantayan ng mabuting pamamahala ang trust ratings. Agad-agad naglaho ang bisa nito. At ang naging sukatan na ng marami ay kung paano umaksiyon o di-umaksiyon ang pamahalaan ni Pnoy.
Bago ang Yolanda, binabandila ang pagiging ‘rising tiger’ ng Pilipinas. Totoo naman ang impormasyon, mataas ang GDP, maraming investment, at bawat kanto ng Edsa ay may tinatayong condominium. Subalit ibang imahen ang ating nakita sa Samar at Leyte. Ganito pala sa ating bansa, may ‘kongkretong’ pag-unlad sa mga lungsod subalit nanatiling atrasado ang ating mga isla sa probinsiya.
Tama, mahalaga ang impormasyon sa pagsusulong ng pagbabago sa pamamahala. Subalit ang impormasyon hindi yan basta-basta sumusulpot. Pinoproseso, hinuhulma, pinapakete, bago ibigay sa madla. Lahat naman ng PDAF documents online, pero ang anomalya mahirap tukuyin. Kinakailangan pa ng mga whistleblower.
Ang tungkulin natin ay maging handa dito sa nagaganap na information warfare. Maging mapanuring citizen at netizen. Higit pa dito, ipaglaban ang transparency at bukas na pamamahala na hinuhubog dapat ng ating sama-samang pagkilos. Ibig sabihin, dapat People Power ang pamamaraan ng pagtutulak ng tamang pamamahala. Biguin ang pamumuno ng mga dinastiya, tapusin ang pamamayagpag ng elitistang demokrasya sa bansa, at ipaglaban ang isang tunay na makabuluhang pagbabago.
Leave a Reply