Published on Bulatlat
*Talumpating binigkas sa Mindanao Human Rights Summit na ginanap sa Philippine Normal University, Taft, Manila noong Nobyembre 12, 2015
Sa susunod na linggo, ipapalabas na ang inaabangang huling installment ng pelikulang Hunger Games. Sa pelikula, lumusob sa Capitol ang mga nakatira sa District 12 at iba pang inaaping distrito ng Panem. Sa isang banda, hindi ba’t ang mga Lumad na andito ngayon sa Maynila, ang kapitolyo ng Pilipinas, ay tulad din nina Katniss at mga kasamahan niya na ang pinaglalaban ay katarungan at kapayapaan? Hindi ba’t ang Panem ay tulad din ng Pilipinas na may malaking agwat ang mayaman at mahirap? Sa Panem, sinisipsip ng Capitol ang yaman ng lahat ng distrito; sa Panem, ang mga komunidad na pumipiglas ay tinatapatan ng dahas ng estado. Ganito rin ang relasyon ng Metro Manila at Mindanao, ang imperial Manila at ang mayamang lupain ng Mindanao. Ang yaman ng bansa ay nakakonsentra sa iilang pamilya at korporasyon habang ang mayorya ay nasasadlak sa kahirapan.
Binabati ko ang lahat ng isang mapagpalayang hapon subalit nais kong ibigay ang aking pinakamatikas na saludo sa mga Lumad na naglakbay pa mula Mindanao, binagtas ang silangang Visayas, tumawid ng dagat, binaybay ang Bikol, dumako sa Timog Katagulagan, at nagmartsa mula timog Metro Manila papuntang UP DIliman, at nandito ngayon sa Maynila. Araw-araw nagrereklamo tayo sa trapik, siksikan sa MRT, at byaheng nakakahilo; subalit ang mga kapatid nating Lumad, pambihirang paglalakbay ang kanilang ginawa upang ipaabot lamang ang kanilang mensahe sa pamahalaan at sa ating lahat.
Pinaunawa sa atin ng mga Lumad na ang problema ng Pilipinas ay hindi lamang ang mabagal na Internet, tanim bala at trapik sa kalsada kundi mas malala pa: kahirapan sa lahat ng panig ng bansa – at ito ay ramdam na ramdam ng mga magsasaka at mangingisda sa kanayunan. Sinu-sino sila? Sila lang naman ang mga taong nagpapakain sa atin araw-araw.
Dagdag pa sa kahirapan ay ang karahasan sa kanayunan. Mahirap na nga ang buhay, pinapalayas pa sa kanilang lupang tinubuan. At kapag lumaban, pinaparatangang kriminal o kalaban ng gobyerno.
Sa pelikulang Avatar, nais patalsikin ng isang korporasyon ang tribong Na’vi sa kanilang tinitirhan dahil gusto nitong minahin ang kagubatan. Pamilyar ito sa mga Lumad dahil nasa Mindanao ang mining capital ng bansa. At tulad ng mga Na’vi, pinapaalis din ang mga Lumad sa kanilang lupa ng mga gahamang transnational corporation kasabwat ang armadong pwersa ng estado. Sino ang tunay na kriminal: ang mersenaryong korporasyon o ang katutubong nagtatanggol ng kanilang buhay at pamumuhay?
Ang karanasan ng Lumad kaugnay ng pagmimina ay di naiiba sa kuwento ng maraming komunidad na sinasalanta ng tinatawag nating development aggression. Mga aktibidad na mabuti raw ang epekto sa ating ekonomiya subalit kapalit naman ay habambuhay na pagdurusa ng mamamayan. Halimbawa: mining, logging, expansion ng mga plantasyon, agribusiness ng malalaking korporasyon, at land conversion para sa biofuel na pang-eksport.
Sa nakaraang dekada, lumobo ang industriya ng pagmimina. Gaano ba kalawak ang kasalukuyan at mungkahing mining operation sa bansa? Mga dabarkads, natataandaan ninyo pa ba ang Philippine Arena? Ayon sa grupong Kalikasan, kasinglaki ng 62,000 na Philippine Arena ang proposed mining areas sa bansa.
Hindi tayo tutol sa pag-unlad; tutol tayo sa pangangamkam ng lupa at pagkasira ng kalikasan habang ang yumayaman ay iilang indibidwal lamang. Ito ang karanasan ng Pilipinas sa nakalipas na siglo. Inubos na nila ang mga kagubatan, yumaman ba ang ating bansa? Noon, ang sabi nila huwag tumutol sa pagputol ng puno dahil kapalit nito ay dagdag kita ng mga komunidad. Magkakaroon daw ng mga kalye, paaralan, health center, negosyo at iba pang biyaya mula sa mga kumpanya ng troso. Ano ang nangyari? Kalbo na ang mga bundok subalit nanatiling atrasado ang ating ekonomiya. Sino ang yumaman? Silang mga nasa poder. Samantala, sino ang nagdusa? Tayong lahat.
Ngayon ang target naman nila ay ang ilalim ng bundok. Sa Mindanao, agresibo ang pamahalaan at mga dayuhang korporasyon sa pagbili ng lupa upang ito’y mabilis na pagkakitaan. Subalit ang kanilang modelo ng pag-unlad ay walang espasyo para sa ordinaryong mamamayan. Hindi rin holistiko ang idudulot na kaunlaran sa komunidad at sa bansa. Kung matutuloy ang kanilang disenyo, hindi magagamit ang yamang likas ng Mindanao upang madebelop ang mga industriya sa bansa. Magpapatuloy lang ang kalakaran kung saan sadyang nililimita lang ang ekonomiya ng Pilipinas sa pagsuplay ng hilaw na materyales na kailangan ng ibang bansa.
Kung bakit binabansot ang kakayahan ng ating lokal na ekonomiya ay may kinalaman sa mga preskripsyon ng mga kasunduang ating nilagdaan at mga pormasyong ating nilalahukan tulad ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC. Dahil sa APEC, lalong pinagtibay ang papel ng Pilipinas na maging supplier lamang ng murang lakas paggawa at hilaw na materyal. Inalis ang proteksiyon para sa mga produktong agrikultural at hinayaan ang pagbaha ng murang imported goods sa mga pamilihan. Nagresulta ito sa pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka na hindi kinaya ang kumpetisyon mula sa mas murang produktong galing sa ibang bansa. Ito rin ang dahilan kung bakit lumawak ang mga plantasyon, dumami ang mining application, at sinakop ang ancestral domain ng mga katutubo.
Unang naging host ng APEC ang bansa noong 1996 at kasunod nito’y ratsadang imposisyon ng mga patakarang liberalisayson, deregulasyon, at pribatisasyon. Kung ang pamantayan ay pagbukas ng mga oportunidad para sa malaking negosyo at dayuhang kapital, masasabing nagtagumpay ang APEC. Kung susuriin ang buhay ng ordinaryong mamamayan lalo na ng manggagawang kontraktuwal, malinaw na higit pa sa delubyo ang idinulot ng APEC. Subalit kahit masaklap ang karanasan ng bansa sa pagsunod sa dikta ng APEC, nakatakdang gawin ang APEC summit sa Maynila sa susunod na linggo.
Sa pelikulang Jurassic World, nalaman natin na binuksan muli ang lumang Jurassic Park kahit na napatunayang nakamamatay ang ganitong klase ng theme park. Hindi ba’t ganito rin ang aktitud ng pamahalaan sa mga patakarang neoliberalisasyon na pinagtibay natin noong unang APEC? Lalong lumubha ang kalagayan ng ekonomiya subalit eto ulit ngayon ang pamahalaan, tagasuporta pa rin ng APEC. Kontraktuwalisasyon pa more. Mababang sahod pa more. Taas singil sa kuryente, tubig, at pamasahe para sa mga kumpanyang pag-aari dati ng estado na ngayo’y kontrolado na ng pribadong interes. Sa pelikulang Pacific Rim, ang tawag sa mga halimaw ay Kaiju; para sa akin yan ang APEC: halimaw na pumapatay at mapaminsala sa Asya-Pasipiko.
Isa sa malagim na pamana ng APEC ay ang mabilis na pagkasira ng kalikasan. Kinamkam at sinira ng maraming dayuhang korporasyon ang ating yamang likas, kabilang ang lupang ninuno ng mga katutubo. Sa mga mining areas, nilason ang tubig at hangin. Nilamon ang mga kagubatan, ang luntian ay naging putik.
Kaya mahalagang basahin muli ang Laudato Si ni Pope Francis. Napapanahon ang kanyang paalala na ang pag-unlad ay dapat nag-aambag sa maaliwalas na buhay at pagkalinga sa kapaligiran.
Marami sa mga kalamidad na humagupit sa bansa nitong mga nakalipas na taon ay naganap sa Mindanao tulad ng bagyong Sendong at Pablo. Sa kasaysayan nito, bihirang daanan ng malalakas na bagyo ang Mindanao. Subalit dahil sa climate change, mukhang nagiging madalas na ang pagdating ng mga kalamidad sa isla. Gayunpaman, ang pinsala sa kalikasan ay nagdudulot ng mas malaking trahedya sa buhay ng tao. Dahil sa expansion ng mga plantasyon sa Bukidnon, ang dating kagubatan ay ginawang taniman ng pinya, saging, at iba pang export crops. Ganito rin ang nangyari sa timog Mindanao. At nang rumagasa ang bagyo, lumikha ito ng flashflood at mudslide na pumatay ng marami.
Hindi natin kailangan ng ‘guardians of the galaxy’; sapat na ang ‘guardians of the gubat’ upang maibalik ang sigla ng kabundukan. Sa mahabang panahon, ginampanan ito ng mga Lumad subalit nanghimasok ang estado at tinaboy ang mga katutubo. Hinati ang hanay ng Lumad at sinilaw ang ilan ng alok ng kapangyarihan at salapi. Minaliit ang sinasabing makalumang kultura ng Lumad at pilit na pinalit ang pangako ng modernisasyon.
Agad nagdulot ito ng kaguluhan at pagwasak sa lupang ninuno ng mga Lumad. Ito ang dahilan kung bakit marami sa mga Lumad ay lumikas papuntang sentrong bayan o kaya’y mariing tumutol sa mga proyektong sumisira sa kalikasan.
Kung uunawain natin ang buod ng kahilingan ng mga Lumad, simple at makatwiran lang naman ang kanilang mensahe: hayaan silang mabuhay nang mapayapa sa kanilang komunindad.
Hindi ito mahirap ipatupad lalo na kung ang pamahalaan ay nakikinig sa boses ng mamamayan. Ang problema, ang tunay na ’boss’ ng pamahalaang Noynoy Aquino ay hindi ang karaniwang tao kundi mga campaign donor, malaking negosyo, at dayuhang interes. Kaya ang bilis ng aksiyon kapag may dinadaing ang mga kaibigang oligarkiya. Mining permit, approved. Tax exemption, approved. Private armies, approved. Military escort, approved. Pero nang Lumad na ang may hinahapag na usapin, sinisi pa ang Lumad kung bakit nagpapagamit daw sa NPA.
Totoo, marami sa mga problema ng Lumad ay deka-dekada na ang tagal. Totoo, minana ito ni Pnoy. Subalit, ang daming pananagutan ni Pnoy: Bakit pinagpatuloy niya ang mapaminsalang pagmimina? Bakit pinayagan niya ang militarisasyon sa mga mining areas? Bakit hindi inatras ang mga patakarang nagpatindi sa paghihirap ng magsasaka at katutubo? At bakit sa halip na kapayapaan ay pinili niya na maghasik ng dahas sa kanayunan?
Kung pinagpatuloy lang sana ni Pnoy ang usapang pangkapayapaan kasama ang National Democratic Front, isa sana itong pagkakataon upang resolbahin ang ilan sa mga isyung bitbit ng Lumad. Nasa adyenda dapat ng peace talks ang mga sosyo-ekonomikong isyu na mahalaga sa Lumad tulad ng repormang agraryo, pag-unlad sa kanayunan, pagplano ng ekonomiya, at pagrespeto sa ancestral domain.
Tinalikuran ni Pnoy ang peace talks at sa halip ay hinarap sa katutubo ang brutal na mukha ng pasismo. Nagdeploy ng bata-batalyong sundalo at pinalawak ang counterinsurgency gamit ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Marami sa mga serbsiyong pinamimigay ay nakaangkla sa misyon na magkondukta ng surveillance at pahinain ang tinatayang support base ng mga rebelde sa mga komunidad.
Kinakailangan pa bang maging conflict area ang isang lugar para lang mabigyan ito ng mga kaukulang serbisyo mula sa pamahalaan? Hindi ba’t responsibilidad ng estado na magtayo ng paaralan o pagamutan sa bawat barangay, ito man ay may malaki o maliit na bilang ng botante o iniimpluwensiyahan man o hindi ng mga rebelde?
Subalit walang interes ang pamahalaan ni Pnoy na ugatin ang sigalot sa kanayunan kung kaya’t ang stratehiya nito ay talunin ang mga rebelde sa pamamagitan ng militarisasyon sa mga komunidad. At nang hindi ito umubra upang talunin ang rebolusyon, inakusahan ang mga sibilyan bilang protektor ng NPA o kasabwat ng mga rebelde. Kabilang sa mga sinasangkot sa rebelyon ay ang mga Lumad.
Nagtayo ng paaralan ang mga Lumad, subalit sa mata ng estado, paaralan daw ng NPA. Tumutol ang mga Lumad sa pagmimina, subalit para sa militar at malaking negosyo, pakana daw ng NPA.
Tanggapin natin ang argumento na nasa likod ng mga Lumad ang NPA, ang solusyon ba ay gibain ang mga eskuwelahan? Patayin ang mga guro? Magsunog ng mga bahay, nakawin ang mga pananim, at sirain ang kabuhayan ng mga katutubo?
Kung tinuloy lang sana ni Pnoy ang peace talks, pwede niyang singilin nang harapan ang NPA at NDF kung ano ang katotohanan sa bintang na pumapatay ng Lumad ang mga rebelde. Sa pamamagitan ng peace talks, pwedeng pagkasunduan ng magkabilang panig ang mga kongkretong hakbang na makakatulong sa panunumbalik ng normalidad sa buhay ng Lumad.
Ngunit sadyang utak-pulbura ang nasa pamunuan o kaya nama’y tila mas nanaisin pa ng pamahalaan na lumikas ang mga Lumad upang tumigil na rin ang oposisyon sa pagmimina at iba pang operasyon ng mga oligarikya sa Mindanao.
Tama si Cardinal Tagle sa kanyang pahayag na itigil ang militarisasyon sa mga komunidad ng Lumad. May mga mungkahi siyang hakbang na pwedeng pag-usapan ng NPA-NDF at pamahalaan ni Aquino.
Samantala, habang hindi umuusad ang usapang pangkapayapaan, igalang natin ang karapatan ng Lumad na ipabatid sa lahat ang kanilang sitwasyon. Nandito sila dahil ang kagyat na sagot sa kanilang problema ay nakasalalay sa mabilisang aksiyon ng pamahalaan ni Aquino. Idagdag natin ang ating boses sa mamamayang nakikiisa sa laban ng Lumad. Iparating natin hanggang Malakanyang ang ating suporta para sa pinaglalaban ng Lumad. Medyo lakasan natin ang ating mga sigaw kasi si Pnoy baka abala sa mga kasalan at hindi niya tayo mapansin.
Marami akong pelikulang nabanggit ngayong hapon tulad ng Hunger Games at Avatar. Sa dalawang pelikulang ito, tampok ang matapang na pag-aklas ng mamamayan. Kabigha-bighani, di ba? Madali tayong napahanga kahit ito ay mga likhang sining lamang. Kaya bakit magkakasya lamang sa pantasya kung nariyan at pinatunayan ng mga Lumad na nagpapatuloy ang pakikibaka. Dun tayo sa totoo.
Ngayong taon, sumikat sa bansa ang pangalang Duterte bilang lider na pwedeng mamuno. Binigyan niya ng pag-asa ang marami. Isa ako sa may respeto kay Duterte pero sa totoo lang, hindi siya ang maningning na liwanag na natatanaw natin sa Mindanao. Ang liwanag na ito ay buhat sa sulo na hawak ng mga Lumad habang magiting nilang tinataguyod ang paglaban para sa tunay na kalayaan, katarungan at panlipunang pagbabago.
Leave a Reply