Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

sona14g

Talumpating binigkas sa rali noong 2014 State of the Nation Address

Mga kababayan, si Noynoy Aquino kandidato raw para sa Nobel Peace prize. Tama ba yun? Naniniwala po ba kayo na si Aquino ay nagtataguyod ng kapayapaan sa bansa?

Narinig naman po natin ang mga naunang tagapagsalita. Malinaw nilang pinaliwanag ang pananagutan ni Aquino kung bakit lalong tumindi ang kahirapan, kawalan ng katarungan, at korupsiyon sa bansa. Paano magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung ang pinuno ng bayan, ang pamahalaan mismo, ay hindi binibigyang solusyon ang mga ugat ng karahasan sa lipunan?

Ang tunggalian sa ating bayan ay hindi naman po mahirap intindihin. Kaya may lumalaban dahil may nangangamkam ng lupa. Kaya may nag-aarmas ay dahil may nandadahas. Kaya may digmaan ay dahil ang inaapi ay naghahanap ng alternatibo, ng pagbabago, ng katarungan.

At sa halip na baguhin ang sistemang mapang-api, ang ginagawa ni Aquino, mula sa simula, ay agresibo itong ipagtanggol. Sa halip na trabaho, dagdag sahod, kabuhayan, pabahay, kalusugan, edukasyon, malinis na pamayanan – ang dala ni Aquino ay demolisyon, militarisasyon, pribatisasyon. Kaunlaran para sa iilan, ang dusa ay para sa karamihan. Kagutuman, kawalan ng trabaho, tumataas na presyo ng bilihin, maduming kapaligiran – hindi po ba ito ang tunay na karahasan na dapat gapiin ng pamahalaan?

Ang gusto ni Aquino ay kapayapaan ng katahimikan. Kaya kapag ang mamamayan ay lumalaban, tumitindig para sa karapatan at tunay na pagbabago, mabilis po itong winawalis ng pamahalaan. Ang mga kumukontra ay kinakasuhan, dinudukot, at pinapaslang.

Walang kapayapaang maasahan sa pangulong utak-pulbura. Walang kapayapaan kung ang pamahalaan ay bulag sa kahirapang dinaranas ng mamamayan.

Hindi tapat si Aquino sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan. Ayaw kilalanin ang mga pinirmahang kasunduan, ayaw talakayin ang adyenda ng panlipunang reporma, at sa halip na palayain ang mga bilanggong pulitikal ay patuloy ang pag-aresto sa mga consultant ng National Democratic Front. Paano susulong ang kapayapaan kung tinalikuran ni Aquino ang proseso ng usapang pangkapayapaan?

At kahit po ang pinirmahang kasunduan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front ay kumakaharap pa ng maraming usapin. Habang nakikipagnegosasyon, ay tuluy-tuloy ang pamahalaan sa pagnakaw ng yamang likas sa Mindanao. Binubukas ang mga lupain ng Lumad sa dayuhang pandarambong. Sunud-sunod ang pagbobomba sa mga komunidad sa kanayunan, lalo na sa mga plantation at mining areas. At dahil ang ugat ng kahirapan at sigalot sa Mindanao ay hindi tinutugunan, walang ibang alternatibo ang mamamayang Moro kundi patuloy na ipaglaban ang kanilang hangarin para sa tunay na pagbabago at kaunlaran.

Si Aquino ang numero unong hadlang upang makamit natin ang isang lipunang maunlad at payapa. Si Aquino ang dahilan kung bakit hindi umuusad ang usapang pangkapayapaan. At sa halip na tulungan ang mahirap, sinisisi pa ang mahirap kung bakit sila lumalaban.

Mga kababayan, para sa tunay na kapayapaan, para sa tunay na pagbabago, dapat nang patalsikin ang pangulong kurakot, pabaya, at pasista.

Leave a Reply