Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Published by the official student publication of Isabela State University in 2015

Nasaan ba ang Mamasapano? Sa Maguindanao, pero saan yun sa mapa? Kaya ang unang gagawin sa smartphone o laptop, hanapin ang lugar ng engkwentro. Magsaliksik ukol sa Tukanalipao. Magbasa ng balita tungkol sa mga komunidad na apektado ng kaguluhan. May mga paaralan bang ginawang evacuation center? Ano ang nangyari sa mga barangay sa Mamasapano pagkatapos ng trahedya noong Enero 25?

At dahil impormasyon ang hanap natin, i-download ang ulat ng Board of Inquiry ng Philippine National Police at opisyal na rekomendasyon ng Senado. Isa-isahin ang mga kongklusyon ng dalawang ulat. Alamin kung bakit may mabigat na responsibilidad si Pangulong Noynoy Aquino.

Para balanse, balikan ang mga talumpati ng pangulo hinggil sa isyu. Ang teksto ng mga ito ay mababasa sa gov.ph. Huwag magtaka kung iba-iba ang sinasabi ng pangulo sa kanyang mga pahayag. Minsan si Purisima ang may sala, minsan si Napenas, pero kailanman hindi tinukoy ang sariling responsibilidad at maging papel ng mga sundalong Amerikano.

Higit na lalabo ang mga pangyayari kung isasama ang palitan ng text ni Aquino at Purisima. Ano ba talaga ang totoo? Ang hindi maikakaila, tuwirang nakipag-usap si Aquino kay Purisima, isang suspendidong heneral. Ilegal ito at malinaw na paglabag sa chain of command.

Bago tuluyang mawalan ng interes sa Mamasapano dahil hindi na masikmura ang mga kasinungalingan, maglaan ng panahon upang alamin ang kalagayan ng mga bakwit sa Maguindanao at iba pang lugar sa Mindanao. Kahit napatay na si Marwan, nagpapatuloy ang kaguluhan sa probinsiya. May de facto all-out war na pinasiklab ng pamahalaan. Ayon sa mga ulat, mahigit 120,000 residente ang lumikas na ng kanilang mga tahanan dahil sa gera.

Bakit ba may gera?

Kaugnay ng tanong na ito, bakit ba nag-aaklas ang mga Moro? Dakila ang kanilang pagtanggol ng kanilang lupain at kultura mula pa noong panahon ng mga dayuhang kolonyalista. At hindi natapos ang sigalot kahit lumaya na ang Pilipinas. Nagpatuloy ang kahirapan, kawalan ng katarungan, at pang-aapi sa Mindanao. Kung tutuusin, kahirapan at hindi ang kinakatawan ng mga tulad ni Marwan ang orihinal na terorismo sa isla. Para matapos ang gera, dapat mawala din ang sistematikong pang-aabuso sa mga Moro.

Sa isang banda ay tinutugunan na ito ng nagpapatuloy na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front. Pero dapat ang kapayapaan ay nakabatay sa katarungang panlipunan. Kaya pagkatapos balikan ang kasaysayan ng Moro, isunod ang pagrebyu sa mga dokumento na may kinalaman sa ARMM at Bangsamoro Basic Law. Solusyon ba ng BBL o lilikha lamang ito ng panibagong kaguluhan?

Pag-isipang mabuti kung bakit interesado ang Amerika sa usapang pangkapayapaan. Pero huwag palampasin ang naging susing papel nito sa naganap na trahedya sa Mamasapano. Dapat maging kritikal na tayo sa lumalawak na pakikialam o panghihimasok ng Amerika sa mga usaping lokal. Nangyayari ito kasi may mga kasunduang nagpapahintulot nito tulad ng Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement. Kailangang ibasura na ang mga dokumentong ito o kaya sa minimum ay rebyuhin ng pamahalaan.

Sana hindi matapos sa indibidwal na pagbabasa ang pakikisangkot natin sa usaping ito. Pagkatapos matutunan ang mahabang pakikibaka ng Moro, at pagkatapos maunawaan ang sinapit ng mga nagdaan at kasalukuyang negosasyon para sa kapayapaan, sikaping ibahagi sa iba ang impormasyong nakalap natin. Mag-organisa ng mga talakayan, porum, debate, at mga aksiyong pangkampus bilang pagpapakita ng ating suporta sa adyendang pangkapayapaan.

Tunay at pangmatagalang kapayapaan

Idagdag natin ang ating boses sa panawagang ilabas ang katotohanan. Nasaan ang pananagutan? Katarungan? Dapat ituloy ang pagdinig sa Kongreso dahil may mga detalyeng kailangang isiwalat tulad ng naging papel ng Amerika sa operasyon.

Maghanap ng mga lider Moro sa loob at labas ng ating mga komunidad at sila’y kausapin hinggil sa kanilang pagtingin sa isyu. Kapag may pagkakataon, makipamuhay sa mga komunidad na Moro. Malakas ang kontra-Moro na kamalayan sa maraming Pilipino at mabisa itong mababasag kung personal nating uunawain ang buhay at kulturang Moro.

Makipag-ugnayan sa ibang paaralan, tumulay sa mga grupong kabataan tulad ng Youth Act Now, at sama-samang magplano kung paano ba palalawakin ang hanay ng mamamayang sumisigaw para sa kapayapaan, katotohanan, katarungan, at pananagutan.

Maraming paraan at pamamaraan kung paano ito itatambol sa ating rehiyon at maging sa pambansang lebel. Pwede sa tri-media, nariyan din ang Internet, pwede rin naman ipadaan sa tulong ng lokal na pamahalaan, at mga institusyong pangsimbahan. Kabigin ang suporta ng karaniwang mamamayan. Ipaliwanag sa kanila kung bakit ang trahedya sa Mamasapano ay pambansang usapin o kung ano ang kahulugan nito sa ating pagpapalakas ng demokrasya, kapayapaan, at katarungan sa bansa.

Kahit malayo ang Mamasapano, hindi mahirap intindihin ang maraming usaping nakadikit dito. Kahirapan? Kawalan ng lupa? Korupsiyon? Bagsak na kabuhayan? Militarisasyon? Hindi ba’t mga maiinit na usapin din ito sa Luzon? Kaya ngayong panahon ng tag-init, tumungo tayo sa mga komunidad at sumabak sa laban ng maralita, pesante, at karaniwang mamamayan.

Huwag na sanang maulit ang trahedya sa Mamasapano. At huwag na nating hintyain na pumutok ang bagong Mamasapano, sa Mindanao man o sa Luzon.

Paano isusulong ang kapayapaan sa bansa? Simulan natin sa ating mga komunidad. Ito ang ating munting ambag upang ang sakripisyo ng maraming Pilipinong nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan at pagbabago, noon hanggang ngayon, ay hindi mawalan ng saysay.

Leave a Reply