Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

*Binigkas sa Asian Institute of Tourism, UP Diliman, noong Hulyo 16, 2019

Binabati ko ang mga bagong kasapi ng National Service Training Reserve Corps (NSTP). Nagagalak akong magsalita ngayong umaga sa inyong harapan dahil isa po ako sa mga nagtaguyod ng NSTP Law.

Pumasok ako sa Diliman noong 1996. Tinapos ko ang Reserved Officers Training Corps (ROTC) ng dalawang taon para walang abala sa aking upper class years. Sinimulan na noon ang mga programang Community Welfare Training Service at Literacy Training Service bilang alternatibo sa military drills ng ROTC. Bahagi pa rin kami ng infantry division pero may mga linggo na sa halip sa ilalim ng araw ang aming parada ay sa loob kami ng DMST complex, nakikinig sa iba’t ibang lectyur tungkol sa samu’t saring paksa.

Fast forward sa taong 2001. Pagkatapos ng People Power II, biglang pumutok ang isyu ng pagpaslang sa isang ROTC officer sa UST na whistleblower noon sa isyu ng korupsiyon. Nabigla ang marami sa balita, napalitan ito ng galit, at di malaon ay sumiklab ang isang malawak at maingay na panawagang buwagin na ang ROTC.

Nagwalk out ang mga kadete ng UST, at mabilis kumalat ang aksyong ito gamit ang libreng SMS. Nagkaroon bigla ng walkout ng mga ROTC units sa University Belt. At papahuli ba ang mga taga Diliman? Siyempre hindi. Sa isang iglap, isang pambansang kilusan ang nabuo na may partikular na kahilingan. At nagtagumpay ito.

Susi ang pagkilos ng mga kadete. Mahalaga rin ang suporta ng mga guro at admin. At lumikha ito ng pampublikong opinyon na pabor sa pagbuwag ng ROTC. Tinuntungan nito ang ilang taon, ilang dekadang kahilingan ng marami na rebyuhin na ang pangangailangan para sa isang programang nais maghubog ng mga kabataang may disiplina, pagmamahal sa bayan, at malasakit sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasanay militar.

Isang mahalagang salik din sa tagumpay ng kampanya ay ang suporta ng bagong pamahalaan ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Katatapos lang noon ng Edsa Dos at Edsa Tres at sariwa pa sa balita at alaala ng marami ang imahen ng libu-libong kabataang nagmartsa sa kalye para patalsikin si Estrada.

Kaya masasabi natin na ang pagbuwag sa ROTC ay isa sa mga pamana ng People Power.

Hindi naging madali ang pagsulat ng bagong batas na ipapalit sa ROTC. Ang mga argumento noon ay naririnig ko ulit ngayon sa balita. ‘Yung mga nagtutulak ng mandatory ROTC ay nagsasabing kailangan ito upang idebelop ang ating depensa, magbigay ng bagong kaalaman sa kabataan, maglinang ng mga kadeteng pamilyar sa operasyong militar, at turuan ang nga kabataan na magdebelop ng disiplina, patriyotismo, at paglilingkod sa mga komunidad.

Sa Kongreso ay isa-isa nating sinagot ang pangamba na sa pagkawala ng ROTC ay tuluyang mawawaglit sa isip ng mga kabataan ang halaga ng disiplina, paggalang sa awtoridad at batas, at paglilingkod sa kapwa Pilipino. Hinain natin ang mga alternatibong programa na may layong pukawin ang interes ng kabataan at bigyan sila ng motibasyon na magbigay serbisyo sa bayan. Ituro ang konsepto ng boluntarismo, community integration, social responsibility. Itulak ang mga kabataan na aralin ang kalagayan ng bayan, bigyan sila ng oportunidad na alamin ang pang-araw-araw na buhay ng karaniwang tao, at hikayatin silang mag-ambag ng panahon at ialay ang talino upang baguhin ang lipunan.

At mula dito ay nabuo ang NSTP.

Meron tayong kompromisong ginawa. Hindi tinanggal ang ROTC subalit isa na lang siya sa mga programa na pwedeng kunin o di kunin ng mga kabataan sa kolehiyo. Kaya hindi totoo na nawala ang ROTC. Binigyan lang natin ng kalayaan o choice ang mga pamantasan at mga estudyante kung anong programa ang bibigyan nila ng prayoridad.

Halos dalawang dekada na pala ang NSTP at marami na itong pinagdaanang pagbabago. Pinalawak ang saklaw nito, dinagdagan ng mga paksang pinag-aaralan, inangkla sa mga napapanahong usaping bayan, at nagdisenyo ng mga modyul bilang tugon sa mga bagong hamon at adyenda tulad ng disaster-preparation, good governance, gender equality, at anti-illegal drugs. Isama na natin ang media literacy.

Nalulungkot ako na ang mga balita tungkol sa mandatory ROTC ay hindi sinasama ang komprehensibong saklaw ng NSTP. Na para bang binibitin natin ang edukasyon ng mga kabataan kung hindi sila kukuha ng ROTC. Na may malaking kawalan kung hindi sasabak sa ROTC ang lahat ng mag-aaral sa kolehiyo o senior high school.

Isang mabisang argumento laban sa panunumbalik ng mandatory ROTC ay patunayang sapat na ang NSTP upang magpatapos ng mga estudyanteng ginagabayan ng diwa ng pagmamahal sa bayan at pagkalinga sa kapwa.

Ano ba ang ating papel sa panahon ngayon?

May agresyon sa West Philippine Sea, sinasalaula ang ating yamang likas, tumitindi ang kahirapan, namamatay sa gutom ang ating mga magsasaka at mangingisda, patuloy na lumilikas ng bansa ang ating mga propesyunal. Ano ang ating tugon?

Sasabihin ng mga pulitiko na mahalaga ang boto ng kabataan. Pero hanggang pagboto na lang ba tayo?

Pasasayahin tayo ng ads ng mga korporasyon at hihikayating bumili ng mga produkto. Pero mga malalaking negosyo lang ang nakikinabang sa purchasing power ng lumalagong youth market.

At pangangaralan tayo ng ating pamilya na humanap agad ng trabaho pagkatapos mag-aral. Pero hindi ba ito makitid na pamantayan kung ano ang halaga ng edukasyon sa buhay ng tao?

Kaya para sa akin, ang taglay na lakas ng kabataan ay humubog ng pampublikong opinyon, lumikha ng mga bagong katotohanan, at hamunin ang namamayaning diskurso ng mga nasa kapangyarihan.

Sa darating na Hulyo 22 ay ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Duterte. Mainam na pagkatataon upang ihapag natin ang tunay na kalagayan ng bayan. Samahan natin ang iba’t ibang sektor at pakinggan ang kanilang mensahe sa araw na ito.

Sa pagbubukas ng bagong kongreso ay silipin ang adyenda ng mambabatas. Payag ba tayo na ibalik ang death penalty, alisin ang term limit ng mga pulitiko, payagang magmay-ari ng lupa ang mga banyaga, at isulong ang pederalismo?

Sa panahong inaatake ang media, ginagawang krimen ang aktbismo, at ang fake news ay pinapakalat ng mga nasa pamahalaan, kailangan natin ng bata-batalyon na mga fact checker at mandirigma ng katotohanan.

Ang ating buhay ay hindi dapat ginu-Google kundi ginugugol sa isang dakilang layunin. Madaling sabihin subalit mahirap gawin dahil sa totoo lang, napakalakas ng hatak ng indibidwalistang pantasya at makasariling konsepto ng pagmamahal sa bayan. Kaya ang aking payo sa inyo ay labanan ito o kaya’y pahinain ang atake nito sa ating pag-iisip. At malaking tulong kung kalahok tayo sa isang advocacy, campaign network, o kilusan na may layong lumikha ng pagbabago sa pamamagitan ng mga kolektibong aksyon. Sa sama-samang pagkilos ay malulugar natin ang ating sarili sa pag-usad ng kasaysayan kasama ang iba pang tumatahak sa landas na ito. Kaya mahalagang pinag-aaralan natin kung ano ang nangyari noon, pero mas mahalaga ay lumikha ng bagong kasaysayan.

Pagbati sa inyong pagtatapos at hangad kong makasama kayo sa marami pang pagtitipon at laban sa labas ng pamantasan.

Leave a Reply