Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Sinulat para sa Pinoy Weekly

Sa kabila ng pandemya at krisis sa ekonomiya, ang unang batas na pinirmahan ng administrasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ang Mandatory SIM Card Registration Act. Wala ito sa kanyang adyenda noong kampanya; hindi rin ito nabanggit sa kanyang proklamasyon at kahit noong State of the Nation Address. Marami ang kanyang sinasabing prayoridad ngunit mas matimbang ang naging aksyon. Pahiwatig ito kung paano mamumuno si Marcos.

Mahalagang balikan ang maikling kasaysayan kung paano ito naging batas. Una itong naging batas sa gobyerno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Pinawalang-bisa sa kalagitnaan ng halalan dahil may agam-agam daw siya sa implikasyon nito sa karapatan ng mga indibidwal. Kakatuwa para sa utak ng Tokhang na gamitin ang argumentong ito. Kaduda-duda rin dahil nakapakete ang panukala sa pagpasa sa Anti-Terrorism Act.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang SIM Card Registration bilang panlaban sa mga krimeng gamit ang cellphone. Solusyon daw ito upang masawata ang mga call at texting scam. Hindi kumbinsido o kaya’y hindi batid ng mga mambabatas na walang korelasyon ang SIM Card Registration at pagbaba ng krimen, batay sa karanasan ng maraming bansa. Manipestasyon ito ng bulag nilang pagkiling sa teknolohiya upang itama ang mali sa lipunan. Simplistiko ang kanilang suri sa krimen na tila depekto ito na maaaring ayusin sa pamamagitan ng paglapat ng isang burukratikong regulasyon. Hindi nila makita o ayaw nilang kilalanin ang ugnay ng mga krimen gamit ang cellphone sa mas malawakang mga salik o penomenon sa lipunan. Sa madaling salita, sapat na sa kanila ang solusyong magbibigay sa kanila ng kontrol sa datos ng mga indibidwal imbes na ugatin ang sanhi ng mga problemang kaakibat sa malaganap na paggamit ng cellphone sa bansa.

Kahit hindi nila layon, at sa kabila ng kanilang hangaring lutasin ang mga krimen, ang bagong batas ay maaaring maging dahilan pa upang tumindi ang nakawan ng mga cellphone, ID, at rehistradong SIM Card. Hindi malayong magkaroon ng ‘black market’ para sa mga ito na gagamitin ng mga kriminal upang mangbiktima nang mas marami.

Bago ito, unang malaking suliranin ang “disenfranchisement” ng ilang milyong Pilipino kung hindi nila marehistro ang kanilang mga SIM Card. Automatic ang deactivation ng mga hindi rehistrado. Seryosong usapin ito dahil hindi naman lahat ay may ID mula sa pamahalaan o kaya ay may access sa internet upang magrehistro. Alam dapat ng mga mambabatas ang mababang internet penetration rate sa bansa. Napatunayan ito noong sinarado ang mga paaralan at umasa sa online distance learning ang mga mag-aaral. Marami ang naapektuhan ang pag-aaral dahil sa mabagal ang koneksyon o kaya’y walang access sa internet.

Binigay sa mga kompanya ng telekomunikasyon o ‘telco’ ang responsibilidad ng pagrehistro. Ibig sabihin, sila ang magdedesisyon kung tatanggapin ang ID ng may-ari ng cellphone at kung paano ang alituntunin ng pagrehistro sa internet. Ang transaksiyon ay sa pagitan ng isang indibidwal at ng mga pribadong entitad. Hindi ito natatapos sa pagrehistro dahil bawat palit ng SIM Card at telepono ay kailangang ulitin ang proseso. Kapag namatay ang isang rehistrado, dapat iulat ito ng kanyang kaanak kundi ay magiging ‘ghost’ cellphone user siya na magtutuloy ang buhay sa virtual na mundo.

Wala raw itong dagdag gastos sa tao. Subalit walang katiyakan na ang bibilhing security software at iba pang kagamitan ng mga telco sa pangangalap ng datos ay hindi ipapasa sa cellphone user sa hinaharap sa pamamagitan ng mga tagong bayarin.

Kung hindi makasunod o lumahok ang cellphone user sa proseso ng pangangasiwaan ng telco, kagyat ang parusa na SIM Card deactivation. Inaasahang apektado ang ilang milyong cellphone user. Hindi ito biro. Sa isang iglap, puputulan ng komunikasyon ang mga pamilya na may kaanak sa malayong lugar. Mapapatid ang ugnay ng maliliit na online seller sa mamimili. Ipagkakait ang impormasyon at balita sa mga tao. Pormula ito ng kaguluhan, kalituhan, at pagkawatak-watak sa lipunan.

Sa kabilang banda, biglang nagkaroon ng pambansang database ang mga institusyon na naglalaman ng sensitibong impormasyon ng mga tao. Gagamitin daw pangontra sa krimen subalit puwedeng nakawin, bilhin, at manipulahin ng mga may masasamang balak. Hindi lang hacker ang puwedeng gumawa nito kundi mga tao o grupo na may rekurso para sa ganitong operasyon. Kabilang dito ang estado. Hindi malayong posibilidad kung sisilipin ang rekord ng pamahalaan kung paano ang burukrasya ay ginawang makinaryang surveillance. Unang tatargetin ang mga kritiko ng pamahalaan.

Banta kung gayon sa privacy ng tao. Banta sa datos ng tao at kung saan ito nakatago. Dahil alam ng tao na ang kanyang totoong pangalan at iba pang impormasyon ay hawak ng kung sino man at maaring mapasakamay ng mga nasa kapangyarihan, magdadalawang isip siya sa gagawin niyang aktibidad sa cellphone. Ang iniisip ng mga awtoridad ay mga kriminal o phone scammers lang ang magbabago ng gawi. Hindi nila kayang unawain ang chilling effect sa tao. Sa halip na malayang magpahayag, magpipigil ang marami sa takot na maparusahan o pag-initan ng gobyerno.

Wala silang pagkilala kung ano ang halaga ng anonymity sa isang demokrasya. Kailangan ito ng media upang protektahan ang kanilang informant. Kailangan ito ng mga whistleblower. Kailangan ito ng karaniwang mamamayan upang magsalita at tumindig nang walang takot na sila ay gagantihan o babantaan.

Pagkatapos ng SIM Card Registration ano ang kasunod? Sa balita, may mga panukalang gawing krimen ang paglathala ng ‘fake news’ at may nais ibalik ang kontrobersyal na social media registration. Mga batas na magpaparusa sa mga netizen sa halip na unahin kung ano ang kanilang mga panawagan: mabilis at abot-kayang internet, pagtanggol sa digital rights, media at digital literacy, pagtigil sa cyber attacks at surveillance ng mga puwersang may ugnay sa estado.

Nasa likod ng paghain ng mga mapanupil na panukala ay takot sa tao. Gusto daw nilang habulin ang mga kriminal subalit ang ayaw aminin ay nais nilang supilin ang palabang boses ng mamamayan gamit ang cellphone at internet. Sa huli, nakasalalay sa atin kung paano hahamunin at bibiguin ang sistematikong planong kontrolin ang impormasyon sa bansa.

Si Mong Palatino ay isa sa mga mambabatas na bumoto labansa Anti-Cybercrime Law noong 2012. Awtor siya ng librong “IT Is Out There: Politics and Digital Resistance in the Philippines’.

Leave a Reply