Talumpating binigkas sa Earth Day celebration, Quezon Memorial Circle. May mga ginawang dagdag-bawas sa teksto
Binabati po natin lahat ng mga naging bahagi ng ating isang linggong selebrasyon para sa Earth Day. Mula sa ating exhibit, forum, muzikalikasan, mga aksiyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ngayon sa ginagawa nating kapit-bisig sa Quezon Memorial Circle – maraming salamat po at mabuhay ang lahat ng nagmamahal sa kalikasan.
Ayon sa Department of Tourism, #itsmorefuninthephilippines. Tama. Pero ang dagdag natin, it’s more fun in the Philippines if it’s clean and green. Hindi po ba’t mas masaya kung sariwa ang hangin? Mas masaya kung malinis ang tubig; mas masaya kung malawak ang kagubatan.
Ang henerasyon natin di na naabutang malinis ang Manila Bay. Lumaki tayong madumi na ang Pasig River. Umiinom tayo sa bottled water dahil wala tayong tiwala sa kalinisan ng tubig gripo sa Metro Manila. Kaya kailangan ng aksiyon. Kailangang kumilos para ipagtanggol ang kalikasan. Gusto nating ipagmana sa susunod na henerasyon ang isang malinis na kapaligiran.
Baka sa halip na mga puno, ang maabutan ng susunod na henerasyon ay mga shopping mall at parking lot. Sa halip na white sand beaches, mga maduduming isla. Sa halip na malinis na dagat, puno ng basura at polusyon.
Tayo ay handang kumilos. Tayo ay hindi naman nagkukulang sa mga batas, programa, at inisyatiba para sa pagtatanggol ng kalikasan. May Earth Hour at Earth Day. Popular ang mungkahing reduce, reuse, recycle. Laging may paalalang huwag magtapon ng maliliit na basura sa kalye. Gumamit ng reusable bags kapag namimili. Magpalit ng lightbulbs. Huwag sanaying gumamit ng plastic at styrofoam. Dahil tayo’y responsableng mamamayan, at dahil mahal natin ang kalikasan, tiwala akong gagawin natin ang mga nabanggit kong mga inisyatiba. Bawat isa, bata o matanda, may ambag, may magagawa para sa kalikasan. May pag-asa habang tuluy-tuloy ang edukasyon at pagbibigay impormasyon sa publiko.
Pero ang isa pang mensahe ng Earth Day ay nakatuon sa pamahalaan. Malaki ang magagawa ng pamahalaan para mapigilan ang mabilis na pagkasira ng kalikasan. Panahon na upang ibasura ang mga batas tulad ng Mining Act of 1995. Dapat ikansela ang mining and logging permits. Dapat irebyu ang mga batas para sa proteksiyon kuno ng kalikasan. Epektibo pa ba ang mga ito? Paano ito pinapatupad? O baka nagagamit para sa higit na pagkasira at pagdumi ng kalikasan. Bakit pinagpapatuloy ng administrasyong Aquino ang mga pulisiya ng nagdaang rehimen tulad ng agresibong pagtutulak sa mining, pagtatayo ng coal plants, at pribatisasyon ng ating yamang likas? Daang matuwid o daang madumi?
Hindi kikilos nang kusa ang ating mga lider. Kadalasan ang sinusunod nila ay pera; ang pinapakinggan nila ay mga dambuhalang korporasyon. Kaya napakahalaga na tayo ay magsalita, magkaisa, at kumilos. Dapat itulak ng mamamayan ang ating mga lider na magpatupad lamang ng mga programang magtitiyak sa kalinisan ng paligid.
Inspirasyon ang pagkilos ng mamamayan ng Baguio City. Pagkatapos magprotesta ang mahigit 4,000 katao sa Session Road, napigil ang plano ng SM na magputol ng 182 pine trees. Kagagaling ko lang po sa isla ng Romblon at kinuwento sa akin ng ating mga kababayan dun ang pagkilos ng mahigit 10,000 tao nung isang taon kaya’t napigilan nila ang pagpasok ng isang mining corporation sa kanilang probinsiya. Saludo tayo sa maraming komunidad sa bansa na tumitindig laban sa mga proyektong sumisira sa kalikasan. Nakakalungkot at kadalasan ang tugon ng pamahalaan ay karahasan.
Ngayong Earth Day, patunayan natin na ang pinakamainam pa ring solusyon sa pagtatanggol ng kalikasan ay ang pagkilos, sama-samang pagkilos ng mamamayan. Ang lakas ng bayan ay ating gamitin para sagipin ang daigdig.
Sa ilang saglit ay matatapos ang ating programa pero sa pagbalik natin sa ating mga komunidad ay tuluy-tuloy ang ating mga gawain para sa higit na pagkakaisa ng mamamayan para sa pagtatangol ng kalikasan.
Nanggaling tayo sa iba-ibang grupo, iba-iba ang ating mga hilig o interes, libu-libo ang ating mga kaibigan, kabilang tayo sa maraming social networks, pero iisa lamang ang ating daigidig. Pinagbubuklod tayo ng hangaring mailigtas ang ating kapaligiran. Para sa bayan, para sa kalikasan, para sa mas malinis na kinabukasan.
http://fearlessblogging.com/post/view/12129
Anung ginagawa mo sa kongreso kung ito hindi mo alam. Ginagago na ang kabataan hindi ka pa kumikilos???
totoo ako
April 23rd, 2012
Ano?
AngeL
February 19th, 2015