Dumaan sa ilang dagdag-bawas ang talumpating ito dahil binigkas sa iba’t ibang okasyon at lugar: SK Ilagan (Abril 1), SK Occidental Mindoro (Abril 12), SK Rehiyon III (Abril 11), SK Laguna (Abril 17), SK Candaba (Abril 21), SK Surigao del Sur (Abril 28)
To my fellow public servants, my co-workers in government, my fellow youth leaders, magandang araw
Sa diwa ng Araw ng Kagitingan na ating ipinagdiwang noong Lunes, ilang segundong katahimikan ang ialay natin para sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaang tinatamasa natin ngayon.
Mamaya po tatalakayin ko ang ugnayan ng kabataan at kabayanihan. Mag-uulat muna ang inyong lingkod sa parliamentary status ng mga panukalang batas na may kinalaman sa Sangguniang Kabataan. Palaging tinatanong sa akin: Mabubuwag ba ang SK? O reporma ba ang gagawin? May term extension ba? May halalan ba sa susunod na taon?
Una, bakit ba tayo tutol sa mungkahing buwagin ang SK? Dahil ang akusasyon nila sa SK tulad ng korupsiyon, na kahit tama sa maraming pagkakataon, ay higit na dapat ituro pabalik sa mga mas nakakatanda sa pamahalaan. Hindi SK ang pasimuno ng korupsiyon sa bansa. Hindi SK ang nabigo kundi ang bulok na sistemang pulitikal na nagkulang na magbigay ng mga wastong halimbawa para sa mga bata. Bakit SK lang ang bubuwagin kung korupsiyon lang ang dahilan? Buwagin ang Kongreso. Buwagin ang AFP. Walang ahensiya ng pamahalaan ang bukas sa mungkahing reporma maliban sa SK. Hindi tinatanggi ang problemang bumabalot sa SK pero hindi solusyon ang abolisyon.
Kamusta na ang SK sa Kongreso? Nasa technical working group pa rin ang pending bills ukol sa SK. Pero sa yugtong ito ay pwede na nating masabi na nabigo na ang tangka ng ilang mga pulitiko na buwagin ang SK. Gayunpaman, may mga banta pa rin tayong dapat bantayan.
Oo, pumayag na ang mga abolitionist sa pananatili ng SK. Pero, ang kondisyon, gusto nilang tanggalin ang kabataan sa mga konsehong bayan. Nais nilang bawiin ang tagumpay ng ating sektor na may boses at boto sa mga lokal na pamahalaan. Layunin nilang itansporma ang SK mula sa isang institusyong may pambansang saklaw at may potensiyal na pag-isahin ang interes ng kabataan tungo sa mga maliliit na samahan na lang ng mga kabataan sa mga barangay. Kung may Boy Scout sa mga paaralan, SK ang katumbas sa mga komunidad. Walang mali sa intensiyong itulak ang SK na maging mas aktibo sa mga usaping panglokal, pero hindi ba’t pag-atras ang pagpayag na alisan ng boses at boto ang mga kabataan sa mga konsehong bayan? Pinaglaban ng mga nauna sa atin ang karapatan ng kabataang magkaroon ng kinatawan sa mga lokal na pamahalaan; bakit natin ito ngayon ibabasura?
Isa pang argumento ng ating mga katunggali: kasi daw ang boto ng SK sa konseho ay nabibili, pinag-aawayan ng mga pulitiko. Tama. Pero bakit yung boto ng ABC ayaw tanggalin? At kung ang problema ay korupsiyon at pakikialam ng mga pulitiko, bakit ang solusyon ay alisin ang voting power ng kabataan? Ipagbawal ang pamimili ng boto, harangin ang interbensiyong ilegal ni Mayor o Governor. Totoo na sa kasalukuyan ang boto ng SK ay hindi nagagamit para sa mas malawak na kapakinabangan ng sektor. Pero kung nasa tamang oryentasyon ito, at matapang na tumitindig ang SK bilang boses ng kabataan, ang isang boto bawat konseho ay may potensiyal na magamit sa pagsulong ng interes ng mga kabataan sa komunidad.
May ilang mga kasunduang pinagtibay na sa bahagi ng mga mambabatas na bumubuo sa reform bloc. Anu-ano ang mga repormang isusulong natin? Una, ang edad ay itataas natin sa 18-24. Pangalawa, may financial autonomy ang SK subalit may responsibilidad itong magpatupad ng mga transparency measure. Pangatlo, tatlong ex-officio member ang ihahalal na magsisilbi sa konseho ng isang taon. Palalakasin natin ang Katipunan ng Kabataan bilang sangay na may malakas na boses sa pangangasiwa sa mga gawain ng SK. Hinigpitan natin ang kuwalipikasyon ng magiging SK: dapat walang kamag-anak na pulitiko sa bayan, dapat nag-aaral o nagtatrabaho sa probinsiya, at dapat handang maging ex-officio member kahit walang sahod. Nais nating patingkarin ang diwa ng boluntarismo o paglilingkod sa komunidad sa hanay ng mga kabataan habang sinasanay sila sa paraan ng pamamahala sa bansa. Nais din nating ilapit ang SK sa mga grupong nagsasabuhay ng alternatibong paraan ng pamumuno.
May mga mungkahing silipin din ang civil service eligibility ng SK, rebyu sa pagpapatupad ng scholarship para sa SK sa mga pampublikong pamantasan at pagbibigay ng iba pang non cash incentives sa mga kagawad.
Sapat ba ang mga repormang ito para tuluyang mailayo na sa kasamaan at kapahamakan ang SK? Hindi. Hangga’t ang sistema sa kabuuan ay hindi nababago, wala dapat asahan na pundamental rin na pagbabago sa SK bilang bahagi ito ng reaksiyonaryong kaayusan. Gayunpaman, bilang kabataan, bilang lider-kabataan, pwedeng tumindig ang SK sa iba’t ibang isyung pambayan. Pwede itong maging konsiyensiya ng pamahalaan. Be young whistleblowers in the local government. Dapat kritikal, progresibo, at mapangahas ito sa lahat ng aspeto.
Para sa akin, hindi yung SK Reform Bill ang susi sa pananatili ng SK sa pamahalaan. Kailangan tanggap at unawa ng publiko o ng nakararami ang silbi ng SK. Dapat makita nila ang kawastuhan ng pagkakaroon ng boses ng kabataan sa mga konsehong bayan. Paano? Dapat kumawala ang kasalukuyang SK sa makitid at tradisyunal na pamantayan at pamamaraan ng pamumuno. Pwede sa simula ay magbalangkas ng plano ang SK kung paano ito tutugon sa ilang mahahalagang usaping pambayan tulad ng pagtanggol ng kalikasan, paglunsad ng voters registration at voters education, paglahok sa debate ukol sa K-12 ng Department of Education, pagsugpo sa korupsiyon, at pagbandila ng nasyonalismo.
Kamakailan lang ay galling ako ng Baguio at nabalitaan ko na naglabas ng manipesto ang SK Baguio laban sa plano ng SM na magputol ng 182 pine trees para sa itatayo nitong multilevel parking. Binati ko ang SK kasi ang LGU ng Baguio hindi man lang naglabas ng resolusyon hinggil sa usaping ito.
Kausapin ninyo na ang DENR kung paano kayo lalahok sa National Greening Program. Alamin ninyo mula sa Deped at Ched kung paano ituturo ang climate change sa mga paaralan at komunidad. Tutol ba kayo sa mining? May mining applications ba sa inyong lugar? Ano ang tindig ng kabataan dito?
May bagong kurikulum na ipapatupad ang DepEd ngayong Hunyo. Baka pwedeng humingi kayo ng pormal na oryentasyon kung paano ang paghahanda ng DepEd sa inyong lugar. Dapat makialam ang mga bata sa usaping ito kasi may kongkreto itong epekto sa pag-aaral ng inyong constituents.
Lapitan ninyo rin ang Comelec kung paano kayo tutulong sa voters registration. Magpanukala kayo ng satellite registration sa inyong lugar.
Noong 1990s nakilala ang SK sa kanyang anti-drugs advocacy maliban sa mga paliga tuwing summer. Panahon na upang maging mas aktibo ang SK sa usapin naman ng pagtatanggol ng kalikasan. Ramdam na natin ang negatibong epekto ng climate change sa bansa. Kung gusto nating manahin ang isang mas malinis na kinabukasan, dapat ngayon pa lang ay handa na tayong umaksiyon. Bukod sa tree planting at coastal clean-up, marami pang pwedeng gawin ang kabataan upang buhayin ang bagong kaisipan at gawi hinggil sa pagligtas ng kapaligiran.
Hindi sapat na tuwid ang daan. Zigzag ang daan papuntang Baguio. Tuwid nga ang daan pero substandard pala ang materyales na ginamit, walang punong matatanaw sa gilid, sa halip ang makikita’y tarpaulin ads at mga epal billboard, walang bahay na madadaanan dahil eyesore daw para sa mga turista, tuwid na daan kahit binabaha at laging may landslide. Ang hamon sa atin, dapat tiyakin na ang daang matuwid ay para sa lahat at pakikinabangan ng lahat (hindi lang sa mga may hacienda, Porsche, at mga kabarilan).
Huwag kayo pumayag na sa inyong termino magkaroon ng pinal na desisyon na buwagin ang SK. Huwag kayo pumayag na sa inyong termino mawalan ng boses at kinatawan ang kabataan sa mga konsehong bayan. Hindi lumang SK ang pinagtatanggol natin kundi ang karapatan ng susunod na henerasyon.
Sana magpatuloy kayo sa paglilingkod sa komunidad at bayan kahit tapos na ang inyong termino. Hindi sa SK natatapos ang ating ambag para mas maging maliwanag ang kinabukasan ng lahat. Patunayan ninyo na SK man o hindi, kayo ay tapat sa inyong panata na maging tunay na makabayan at maaasahang anak ng bayan. Tatlong daang libo ang SK; ito rin dapat ang bilang na handang kumilos sa lansangan o kung saan man kung kinakailangan para ipakita sa lahat na ang kabataan ay nagmamahal sa inang bayan.
Ang kabataan dapat tulad ng ibon – nag-aasam maging malaya; dapat tulad ng agila: mataas ang lipad, matayog ang pangarap, malawak at masaklaw ang pananaw. Mula kay Matanglawin sa nobela ni Rizal, Ibong Mandaragit na sinulat ni Amado Hernandez, tapos noong 1986 narinig natin ang awiting Bayan Ko at ang popular na linyang ‘Ibon man may layang lumipad’, at ngayon mayroon tayong mga Angry Birds. Mga kabataan, I want you to be like the angry birds. Labanan ang tiwali, isuplong ang mga baboy sa pamahalaan (paumanhin sa mga baboy), at higit sa lahat gamitin ang galit, ang ideyalismo, at tapang ng kabataan para sa tunay at makabuluhang pagbabago sa lipunan.
Related articles:
Great blog!
Tama ka. Kung gustong ayusin ang SK dapat ayusin sa pinakaugat, ito ay ang sistema ng pamamahala hindi lang sa barangay kundi sa local government din.
mandy
May 4th, 2012
ano ung batas na pinapanukala mo about sa religiion?bat di ka gumwa ng batas para sa kabataa hindi ung pagbbawal mo magdasal bago ang office hours..bobo ka!
Marc
June 17th, 2012
Mong,
Better give-up your bill (6330) and focus on other important and urgent concern of the Filipinos if you really want to help. This will not do good to you and the people.
Al
June 22nd, 2012