Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Talumpating binigkas sa 2009 National Convention ng Kabataan Partylist noong Nobyembre 18….

Mga kasama, mga kaibigan, mga pinagpipitagang panauhin, mga kababayan, mainit na pagbati sa inyong lahat! Sa ngalan po ng pamunuan at kasapian ng Kabataan Partylist, kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagdalo sa pagtitipong ito.

Mga kasama, taong 2007 noong huli tayong nagkasama-sama tulad nito. Noon ay nangangarap pa tayo na magkaroon ng kinatawan ang kabataan sa loob ng Kongreso. Ngayon, tayo po ay nagagalak dahil mayroon ng boses ang Kabataan Partylist sa Kongreso. Sa lahat po ng sumuporta at patuloy na nagtitiwala sa lakas ng kabataan, maraming salamat po.

Kinikilala natin ang mga organisasyong nagtatag ng ating partylist. Mga kasama bigyan din natin ng pinakamalakas na palakpak at pagpupugay ang mga martir ng ating organisasyon na nag-alay ng kanilang buhay habang sila ay nagsusulong ng bagong pulitika sa bansa.

Kahapon ay ginanap ang pambansang kumbensiyon ng Kabataan Partylist. Dinaluhan ito ng ating mga balangay sa lahat ng rehiyon. Tayo ay naghalal ng ating mga bagong pinuno at ang mga magiging nominado ng ating partylist. Mamaya po ay makikilala ninyo sila.

Pinagtibay kahapon sa kumbensiyon na ang Kabataan Partylist ay muling lalahok sa eleksiyon sa 2010. Tayo po ay sasabak muli sa halalan; at ang ating plano ay magpanalo ng hindi isa, hindi dalawa, kundi tatlong kinatawan sa Kongreso. Kailangan natin ng mahigit isang milyong boto upang manalo ang ating tatlong kinatawan. Kaya ba natin ito, mga kasama?

Kayang-kaya nating makuha ang isang milyong boto dahil tiwala tayo sa lakas ng ating organisasyon. Masisipag ang ating mga kasapian; mapanlikha ang ating paraan ng pangangampanya; at higit sa lahat, mayroon tayong kongkretong adyenda para sa pagbabago.

Malaki ang papel ng kabataang Pilipino sa darating na halalan. Mahigit 40 percent ng mga botante ay mga kabataan. Mahigit limang milyon ang first time voters. Sa totoo lamang kayang idikta ng kabatan ang resulta ng halalan. Kaya kailangan nating pukawin ang atensiyon ng kabataan upang aktibo silang lumahok sa halalan.

Inaasahan natin na lahat ng kandidato sa halalan ay tatangkaing makuha ang suporta ng kabataan. Tama lamang po ito. Pero hindi natin basta-basta binibigay ang ating boto kung kani-kanino lamang. Dapat nagkakaisa tayo sa plataporma. Dapat nagtutulungan tayo para sa ating mithiin na magkaroon ng pagbabago sa bansa.

Interesado tayo sa plataporma ng mga kandidato; hindi sa kanilang magulang, asawa, kapatid, kayamanan, o hacienda.

Mayroon tayong youth agenda sa 2010. Ito ang ating hamon sa mga kandidato, lalo na sa mga tatakbo sa pagkapangulo. Ano ang laman ng ating youth agenda?

Una, reporma sa sektor ng edukasyon. Mataas na badyet para sa mga pampublikong eskuwelahan. Edukasyon na abot-kaya ng lahat. Edukasyon na kailangan para sa pambansang kaunlaran. Edukasyon para sa mga Pilipino, hindi sa mga dayuhan.

Pangalawa, disenteng trabaho para lahat. Proteksiyon sa karapatan at kalusugan ng manggagawa. Itigil ang kontraktuwalisasyon. Pag-alis sa diskriminasyon sa pagawaan. Kung may sapat na trabaho sa bansa, hindi mangingibang-bayan ang maraming kabataan. Panahon na upang rebyuhin ang pulisiya sa ekonomiya.

Pangatlo, mabuting pamumuno. Kailangan natin ng mga lider na susugpuin ang korupsiyon sa lahat ng lebel ng pamunuan. Kailangan natin ng mga lider na titiyaking parurusahan ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan; lalo na ang mga opisyal sa gobyerno ni Gloria Arroyo.

Kailangan natin ng mga makabayang lider na uunahin ang interes ng bansa bago ang dayuhan. Kailangan natin ng mga lider na may mataas na pagkilala sa karapatang pantao. Ayaw na natin ng mga sunud-sunuran sa Kano; ayaw na natin ng mga pasista.

Pang-apat, ang susunod na presidente ay dapat may programa para sa pagtatanggol ng kalikasan. Itigil ang mapanirang pagmimina sa kanayunan. Magpatupad ng programa kung paano aangkop ang bansa sa negatibong epekto ng pagbabago sa klima ng mundo.

Sa pangkalahatan, kailangan natin ng mga bagong lider na may makabayang adhikain; mga lider na ang puso ay para sa mahihirap. Mga lider na sumusuporta sa hangarin ng kabataan na magkaroon ng magandang kinabukasan.

Sa 2010, may pagkakataon tayong bumoto para sa pagbabago. Higit sa lahat, nais nating ibalik ang pag-asa sa bansa. Maraming kabataan ang nawalan na ng tiwala sa kakayanan ng lahing Pilipino. Ibalik natin ang pag-asang ito.

Sa 2010 patutunayan nating mga kabataan na tayo ang pag-asa, tayo ang pagbabago.

Naghahanda na ang lahat para sa nalalapit na halalan. Tayo ay handa na ring sumabak sa bagong laban. Handa na tayong maging boses ng pag-asa. Handa na tayong lumahok sa halalan. Handa na tayong magkaroon ng aktibong papel sa halalan. Handa na tayong bumoto. Handa na tayong ipagtanggol ang ating boto. Handa na tayong ipanalo muli ang Kabataang Partylist. Handa na tayong ipanalo ang mga progresibong kandidato sa bansa tulad nina Ka Satur Ocampo at Ka Liza Maza para sa pagkasenador. Handa na tayong talunin ang mga kaaway ng sambayanan at biguin ang plano ng mga nasa kapanyarihan na manatili sa puwesto pagkatapos ng 2010.

Higit sa lahat, at ito ang ating pinakamahalagang tungkulin bilang kabataan, handa na tayong maging puwersa pagbabago. Itatakwil natin ang masamang sistemang namamayani sa bansa. Gagamitin natin ang ating lakas at talino, tayo ay magkakaisa upang itaguyod ang isang mabuting gobyerno. Mga kasama, mga kababayan, babaguhin natin ang lipunang ito.

Mabuhay ang Kabataan Partylist!
Mabuhay ang kabataang Pilipino!

Related articles:

2007 Thanksgiving speech
Pagmumuni-muni ng isang kandidato

4 Responses to “Handa na tayo”

  1. […] This post was mentioned on Twitter by mong palatino and Airah Cadiogan, Joey Alarilla. Joey Alarilla said: RT @mongster text of speech delivered during 2009 Kabataan Partylist national convention: http://mongpalatino.com/2009/11/handa-na-tayo/ […]

    Tweets that mention Mong Palatino » Blog Archive » Handa na tayo -- Topsy.com

  2. Social comments and analytics for this post…

    This post was mentioned on Twitter by mongster: text of speech delivered during the 2009 Kabataan Partylist national convention: http://mongpalatino.com/2009/11/handa-na-tayo/

    uberVU - social comments

  3. […] ang talumpati ni Kong. Mong Palatino sa pambansang kumbensyon ng kanyang party-list na Kabataan. Heto naman ang mga punto ni Dr. Carol […]

    Kalikot sa Dukot « Kapirasong Kritika

  4. bakit walang tungkol sa repormang agraryo sa agenda??

    diwa81

Leave a Reply