Panday Pira, Tondo, Maynila
Mawawalan na ng bisa ang 60-day TRO na ipinataw ng Korte Suprema sa dagdag singil ng Meralco. Bago dumating ang araw na ito, nangagailangan ng malakas at maingay na protesta upang itulak ang korte na maglabas ng desisyong tuluyang ibabasura ang sobra-sobrang paniningil ng Meralco at power companies.
Tayong mamamayan ang magdurusa kapag pinayagan ang Meralco na maningil nang sobra-sobra. Halos hindi na nga magkasya ang ating buwanang kita para sa pang araw-araw na pangangailangan ng ating pamilya ay papatungan pa ito ng di-makatwiran at ma-anomalyang taas ng singil sa kuryente.
At bukod sa mas mababang kita ng mga tao, may negatibong epekto rin ang mahal na presyo ng kuryente sa negosyo at mga serbisyong pambayan. Kung hindi magbawas ng manggagawa ay maaaring ipasa lang ng mga negosyante ang dagdag singil ng Meralco sa ating mga consumer. Samantala, maaaring bawasan ang operasyon ng mga institusyong pampubliko upang makatipid sa kuryente.
Bawas kita, bagsak kabuhayan, at mas matinding kahirapan. Ito ang idudulot ng mataas na singil sa kuryente. Walang makikinabang dito maliban sa iilang pamilyang nagmamay-ari ng Meralco at power companies, kasabwat ng mga kurakot sa pamahalaan. Paghahatian nila ang bilyun-bilyong piso kapalit ng dinukhang buhay ng ordinaryong mamamayan.
Imbes na dagdag sahod ay dagdag-gastos ang binibigay sa mamamayan ng administrasyon ni BS Aquino. Walang ginawa si BS Aquino upang pigilin ang sobrang paniningil ng Meralco. Sa katunayan, sinabi niyang walang magagawa ang pamahalaan upang kontrolin ang presyo ng kuryente. Ang totoo ay pinagtatanggol lamang niya ang dambuhalang tubo ng mga crony at negosyanteng nag-ambag sa kanyang kandidatura.
Dapat panagutin si BS Aquino sa price surge na humagupit sa buhay ng mga Pilipino. Bukod sa inutil at pabaya sa panahon ng kalamidad, ay walang malasakit sa mahihirap na pumapasan ng nagmamahalang presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Kaya sa Pebrero 17, inaanyayahan ang lahat na lumahok sa protestang ‘Kalampagin ang Malakanyang’ upang singilin si BS Aquino at upang itulak ang Korte Suprema na paboran ang petisyon ng mamamayan laban sa dagdag singil ng Meralco.
Tayo ay lumabas ng ating mga tahanan, sumama sa mga aksyong lansangan, at mag-ingay hanggang umabot ito sa Malakanyang.
Leave a Reply