May breaking news kaninang umaga at binulabog nito ang buong mundo. Apektado rin ako ng balitang ito. Biruin ninyo, naglabas ng pahayag ang Sanrio na si Hello Kitty raw ay hindi pusa. Tama po ang inyong narinig, hindi pusa si Hello Kitty. Siya pala ay isang batang babae. Kaya kung noong bata kayo ay inisip ninyo na pusa si Hello Kitty, mali ang inyong inisip o mali ang tinuro sa inyo.
Binabanggit ko ito ngayon dahil marami tayong natutunan noon; at nababasa, napapanood, at naririnig ngayon na akala natin ay tama subalit wala palang katotohanan. Halimbawa, isa sa mga lumason sa isip ng mga kabataan at maging sa iba nating mga kababayan ay ang pagturing sa mga dolphin show at paglalagay ng mga marine mammal sa marine park bilang positibong ambag sa edukasyon at pagtatanggol ng kalikasan. Oo, nakakaaliw; Oo, pambihira ang singkronisadong galaw ng mga dolphin; Oo, walang kaparis na karanasan para sa bata ang makakita ng buhay na marine mammal. Subalit, ang ating aliw ay katumbas ng malupit na pagmamaltrato sa mga hayop. At ano ang iniiwang aral sa mga bata? Na ang marine mammal ay pwedeng ikulong? Na ang mainam na pagkalinga sa mga marine mammal ay iaasa sa pagtatayo ng mga komersyalisadong marine park?
Sana makatulong ang documentary na ating panonoorin upang makita natin ang tago at tinatagong malubhang kalagayan ng mga marine mammal sa mga marine park. Sana ay magbunsod ito ng pagbabago sa ating pananaw at makaimpluwensiya ng marami pang paaralan upang maunawaan ng ating mga kabataan na kung totoong mahal natin ang mga dolphin at balyena, dapat tiyakin natin na malinis at ligtas ang kanilang tirahan; at ang kanilang tirahan ay hindi sa marine park kundi ang malawak na karagatan. Mapalad tayo sa Pilipinas at napapaligiran tayo ng mga katubigan. Doon sa katubigan ay samahan natin ang ating mga kaibigan at kamag-anak at sabay-sabay nating pagmasdan at humanga sa kagandahan at magiliw na paggalaw ng mga dolhin sa kanilang likas na tirahan.
Mayroon tayong kongkretong magagawa dito sa Metro Manila. Tumulong tayo na linisin ang Manila Bay, bawasan ang basura sa baybay, at huwag tangkilikin ang mga dolphin show. (May coastal clean up sa Setyembre 13 sa Freedom Island). Mahalaga din na itulak natin ang pagpapatupad ng mga batas at programa para sa komprehensibong pagtatanggol ng kalikasan sa kabuuuan. Hindi lamang dapat daang matuwid, dapat daang malinis din. Totoo, masaya sa mga dolphin show. Pero ayon nga sa isang sikat na slogan ngayon, #itsmorefun – #itsmorefun kung ang mga dolphin at balyena ay malalayang nabubuhay sa malawak na katubigan.
Leave a Reply