*Mensaheng binigkas sa pambansang kumbensiyon ng Kabataan Partylist noong Setyembre 28, 2015
Natutuwa po ako at mukhang maraming bagong mukha sa araw na ito; ibig sabihin, bukod sa tumanda at gumradweyt na ang aming batch, ay patuloy ang pagdami ng kasapian ng Kabataan Partylist (KPL).
Natutuwa din po ako na makita ngayong araw ang mga pamilyar na mukha at pangalan; mga baguhan noon sa KPL na nanatili at piniling maging aktibo sa sektor ng kabataan. Ilan sa kanila sa Facebook ko na lang nakikita pero marami din sa kanila ay nakakasama natin sa iba’t ibang laban dito sa Kamaynilaan at iba pang rehiyon ng bansa.
Nagsimula po tayo noon na iilan lang ang tsapter, ang mga coordinator natin ay nangangapa sa pagpapagana ng isang partylist, wala tayong rekurso, at medyo mahirap ikampanya ang isang partylist na hindi kilala at wala pang rekord sa Kongreso.
Minsan nagpatawag tayo ng Kabataan Party meeting sa Negros, ang dumating ay mga bata, kasi ang ibig sabihin ng kabataan dun ay bata, kaya akala nila ang Kabataan Party ay ‘children’s party’. Minsan isang oras nagpapaliwanag kung bakit kailangang iboto ang KPL, pagkatapos sa open forum, itatanong ang apelyido ng ating nominee para ilalagay daw sa balota. May mga balotang nasayang kasi ang nakashade ay hindi lang Kabataan kundi pati Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela.
Ibang-iba talaga ang ating partylist: Saan ka nakakita na ang watcher ay walang bayad? Ang mga kampanyador ay teenager at karamihan ng coordinator sa siyudad, probinsiya at rehiyon ay hindi lalagpas sa edad na 23. Yung partylist ng mayayaman, nagbabayad ng boto, namimigay ng pagkain at regalo. Tayo, tayo minsan ang binabayaran ng botante kasi naaawa sa atin, pinapakain tayo ng mga masa sa komunidad, nililibre tayo ng mga estudyanteng nirerekrut natin, at tanging polyeto/leaflet/brochure ang ating pinamamahagi.
Bakit ba tayo nananalo? Siyempre masisipag ang mga KPL members and volunteers. Buong araw kung mangampanya tapos pag-uwi tuloy ang social media campaigning. Gigising ng madaling araw para magdikit ng poster.
Wala naman tayong secret formula. Yung iba kasi, nangangampanya para magkaposisyon lang, magkapera, rumaket, maging bahagi ng elitistang kongreso. Pero tayo, lumalahok tayo sa halalan kasi may pinaglalaban tayong adyenda. Adyenda ng kabataan adyenda ng mamamayan, adyenda para sa pagbabago. At manalo man o matalo, tuloy ang laban. Parang student council lang di ba, pero ibang level na ito, kasi sa Kongreso na ang labanan at ang sakop ay buong bansa.
Binabati ko ang lahat ng bumubuo ngayon sa KPL mula sa pamunuan hanggang sa mga bagong miyembro. Sa ngalan ng KPL alumni, salamat at patuloy ninyong tinataguyod ang simulain ng ating partylist. Salamat at patuloy ang paglawak ng ating naaabot at paglago ng ating prestihiyo.
Siyempre hindi kayo pwedeng tumanda sa KPL, kaya nga kabataan di ba, pero sana, at ito ang iniiwan kong munting hamon sa inyo, tumanda kayo habang pinaglilingkuran ang sambayanan; magkaedad kayo habang patuloy na kumikilos para sa pagbabago.
Mga apo ni Bonifacio, mga apo ni Heneral Luna, mga anak at katuwang ng Kabataang Makabayan, mabuhay kayo! Sulong sa mas marami pang tagumpay!
Leave a Reply