Talumpating binigkas sa isang porum na inorganisa ng Social Sciences and Humanities Association ng San Beda College.
Change? Tama. Sino ba ang may ayaw ng pagbabago. Pero hindi lahat ng change ay kaakit-akit, katanggap-tanggap o ninanais ng lahat. Paano kung charter change, climate change, sex change, change of citizenship?
Mula sa baluktot na daan, ang tatahakin na daw natin ay daang matuwid. Paano kung matuwid nga ang daan pero overpriced naman, at substandard na materyal ang ginamit? Matuwid na daan ang Diosdado Macapagal Boulevard pero pinakamahal na kalsada sa buong mundo. At dapat nating tandaan na hindi lang isa ang daang matuwid. Ibig sabihin, hindi lang ang daang matuwid ni PNoy ang pwede nating gamitin. Pwede tayong gumawa ng sarili nating daang matuwid. May tamang daan ang Iglesia, dating daan ni Bro. Eli. Kayo anong klaseng daan ang gusto ninyo?
Ang sabi nila, the road to hell is paved with good intentions. Dapat bantayan natin ang daang matuwid, baka mamaya papunta ito sa impiyerno. Baka matulad ito sa isang tulay sa Loboc, Bohol na hindi natapos ang konstruksiyon dahil tinutumbok nito ang isang lumang simbahan. O kaya para mabigyang-katwiran ang paggawa ng isang tulay sa Iloilo, gumawa sila ng ilog.
Paano nagiging masama ang isang mabuting tao? Ayon kay William Ryan, “in order to persuade a good man to do evil, it is not necessary first to persuade him to become evil. It is only necessary to teach him that he is doing good.” Hindi sapat na maganda ang iyong intensiyon. Tayo, tayo ang huhusga kung naging mabuti ba ang ating mga pinuno.
Hindi dapat tayo agad maniwala sa layunin ng daang matuwid. Madalas banggitin ni PNoy ang kanyang ina, ang dating pangulong Cory Aquino, bilang kanyang inspirasyon o modelo. Mabuting tao si Tita Cory, pero hindi lahat ay nagkakaisa sa paniniwala na naging epektibo siyang lider.
Eto ang sabi ni Joker Arroyo noong 1992; si Joker ay nagsilbing executive secretary ni Tita Cory: “When I was still in the Guest House, I asked for the logs which listed those who had visited President Marcos. I compared them with those visiting President Aquino. They were the same people – they came from the same companies, shared the same business views, the same mindset, and they went to the same parties.”
Pagbabago ba ito?
Eto naman ang pag-amin ni Tita Cory: “I knew when I assumed office that poverty alleviation should be the primary concern of my administration. I must admit, however, that we didn’t have a clear idea of how to go about it.”
Aral: huwag hayaan ang mga lider na mamili ng daan para sa atin. Tayo ang boss, hindi ang Balay faction, hindi ang Samar faction, hindi si Danding, hindi ang Tsina, hindi ang Estados Unidos. Dapat tayo ang magtakda kung anong pagbabago ang gusto natin.
Maaaring tanungin ninyo, ano ang pwede naming gawin? Bumoto na kami, di pa ba sapat yun? Hindi sapat ang eleksiyon. Karamihan ng nananalo sa halalan ay mga lords: jueteng lords, drug lords, gambling lords, warlords, landlords, at mga praise the lords. Huwag nating ikahon ang pulitika sa pagpili lamang ng mga pinuno. Gawin natin itong sandata ng taong bayan para makamit natin ang tunay na pagbabagong inaasam natin. At ang pulitika ay nagiging mabisa, makapangyarihan kung ito ay pinapanday ng sama-samang pagkilos ng mamamayan.
Ilang dekadang ninais ng mga estudyante na matanggal ang ROTC. Nagtagumpay tayo noong 2001 nang magprotesta ang mga ROTC cadets. Natakot si Gloria dahil katatapos lamang noon ng People Power II kung saan aktibong lumahok ang maraming kabataan. Ang naging resulta, pinalitan ang ROTC ng NSTP. At ngayon, hindi na mandatory para sa lahat ang pagpasok sa ROTC.
Paano nabalik ang student council, student publication, mga campus organization noong panahon ni Marcos? Pinaglaban ito ng mga mag-aaral. Kumilos sila para kilalanin ang ating mga karapatan sa loob ng paaralan.
Matagal nang gustong magpataw ng text tax ang pamahalaan. Pero ang pumipigil sa kanila ay ang banta ng texters’ revolt.
Huwag nating kalimutan na ang ating Republika ay tinatag ng mga bata. Si Rizal ay 25 lamang nang sinulat niya ang Noli Me Tangere. Si Bonifacio ay 28 nang pinamunuan niya ang Katipunan. Si Aguinaldo ay 29 nang idineklara niya ang ating kalayaan noong 1898. Si Emilio Jacinto ay 20 lamang nang maging utak siya ng Katipunan. Maraming kabataan ang sumapi sa Huk noong World War II para labanan ang mga mananakop. Ang dinadakila nating War Veterans ngayon ay mga kabataang lumaban para sa kalayaan noong 1940s.
Hindi nagtapos ang kasaysayan noong 1946. Ang kinikilala nating mga bagong martir ay mga kabataang lumaban sa diktaturang Marcos. Ang mga salitang People Power, Welgang Bayan, Boykot, Noise Barrage ay naging popular lamang nitong nakalipas na tatlong dekada. Ibig sabihin, kapag sinasabi nating dapat kumilos ang kabataan, ang batayan natin ay ang iba’t ibang porma ng pag-aalsa ng mamamayan sa modernong panahon.
Noon at lalo na ngayon, mahalaga ang kolektibong aksiyon sa mga pampublikong espasyo. Gayunpaman, kinikilala ko na maraming balakid ang humahadlang para mangyari ito. At dapat natin itong tukuyin para maunawaan natin ang mga hakbang na dapat nating gawin o baguhin upang epektibo nating magampanan ang ating mga tungkulin bilang mga dakilang pag-asa ng bayan.
1. Nagiging spectacle na lang ang pulitika para sa marami. Parang sports yan: may mga propesyunal at amateur. Nanonood tayo ng tennis o football; hinahangaan ang mga propesyunal na manlalaro. Hanggang panonood na lang ang ating ginagawa. Hindi tayo nangangahas na maging propesyunal na manlalaro.
Ganun din sa pulitika. Hinahayaan natin ang mga propesyunal na maging dominante sa pulitika. Tayo ay nagkakasya na lamang sa pagiging amateur dahil ayaw natin makisawsaw sa pulitika. Tayo ay may mga pulitikal na opinyon pero ano ang ginagawa natin para baguhin ang uri ng pulitika sa bansa?
2. Malakas ang kultura ng indibidwalismo ngayon. Halos nawawala ang sense of collective solidarity. Masyadong nagpopokus sa kompetisyon imbes na bayanihan. Nawawasak ang mga panlipunang institusyon na nagbubuklod sa mga indibidwal.
Halimbawa, hiwa-hiwalay ang pamilyang Pilipino dahil ang mga nanay at tatay ay nangingibang-bayan. Karamihan sa mga kabataan ay hindi batid ang kahalagahan ng pag-uunyon. Palibhasa uso ngayon ang mga trabaho sa service sector tulad ng mga call center company na bawal ang pag-uunyon. At kapag sinabi mong unyon, ang una nating iniisip ay welga, at hindi ang benepisyong binibigay nito sa pangkalahatang kagalingan ng mga manggagawa.
Hindi na rin uso ang pagsali sa mga kooperatiba. Sa katunayan, ang panawagan ngayon ng pamahalaan sa mga magsasaka ay maging farmer-entrepreneur.
Sa paghina ng mga batayang institusyon tulad ng pamilya, unyon at kooperatiba, naaapektuhan din ang pulitikal na pananaw ng mga tao. Wala ng komunidad, mga indibidwal na lamang. Wala ng sama-samang pagkilos, sariling diskarte na lamang ang uso.
3. Pati ang teknolohiya ay nagiging kasangkapan para pahinain ang pulitikal na pakikisangkot ng kabataan. Makikinig na lang ako ng mga kanta sa aking iPod. Maglalaro ng portable playstation. Mag-iinternet at magbubukas ng Facebook.
Malaki ang epekto nito sa pulitikal na kamalayan ng kabataan. Bukod sa nahahatak ang mga kabataan na maglaan ng oras sa mga ganitong aktibidad, tinuturuan din nito ang mga tao na pwede ang mapayapang paglahok sa pulitika kahit nasa bahay lamang.
Bakit ako pupunta ng rali eh pwede naman ako manood ng ANC o makinig sa radyo? Pwede ako mag-internet, basahin ang breaking news sa twitter. Ano ba ang top trend ngayon? Puntahan ang website ni PNoy at mag-iwan ng komento. Pumirma sa online petition.
4. Dapat labanan natin ang amnesia. Kahapon ay anibersaryo ng Martial Law. Kahapon napanood ko si Enrile sa jueteng hearing, pinapagalitan niya ang mga pulis. Kahapon napakinggan ko si Senator Bongbong, maganda raw ang buhay ng mga Pilipino noong Martial Law. Kahapon nakita ko si Imelda sa Batasan.
Ang Martial Law ngayon ay parang World War II ng aming henerasyon. Ang sabi sa amin ng matatanda, at ang turo sa paaralan, magulo daw ang Pilipinas noong gera. Mababagsik ang mga Hapon. Pero hindi namin maramdaman ang sinapit ng mga kababayan natin. Ang yugtong yun ng kasaysayan ay binasa na lang namin sa libro. Hindi rin nakatulong na ang mga Hapon noong kami ay mga bata ay hindi na tinuturing na mananakop kundi mga mababait na foreign investors at tourists. Ang tanging ugnay naming sa panahong yun na nagpapaalala sa amin sa malagim na karanasan ng mga Pilipino ay ang mga beterano at comfort women.
Ngayon ang martial law ay isa na lamang bahagi ng ating kurikulum sa paaralan. Si Imelda ay adik sa sapatos. Si Bongbong ay nagpatayo ng windmill sa Ilocos. At si Imee ay nanay ni Borgy. Kung may mga beterano at comfort women noong panahon ng Hapon, ang panahon ni Marcos ay may mga martial law victims, torture victims, political prisoners. Sila ang mga buhay na alaala ng martial law. They are the “walking wounded” of that dark, yet almost forgotten episode of the modern history of the Republic. Huwag natin silang kalimutan.
Ano ang dapat nating gawin?
Lumahok sa pulitika. Makisangkot. Makialam. Pero hindi lang dapat ito tulad ng pag volunteer natin sa mga charity events. Mahaba, masalimuot ang proseso ng pagbabago. Maraming sakripisyo ang dapat nating gawin. Hindi uubra na ang daang matuwid ay ipantay natin sa paggawa lamang ng mga bahay o pagpost ng mga witty comment sa twitter o FB.
Malapit kayo sa Malakanyang. Maririnig ni PNoy ang inyong mga boses. Huwag ninyong isipin na mababasa ni PNoy ang inyong mga komento sa kanyang website. Sa budget hearing sa Kongreso, inamin ni Secretary Coloma na hindi sa lahat ng panahon ay nababasa ni PNoy ang mga sinusulat natin sa kanyang FB account at official website.
Pag-aralan ninyo ang lipunan. Suriin ninyo ang buhay ng ating mga kababayang maralita at huwag lamang ang personal na buhay ng ating mga FB friends. Alamin ang kabuluhan ng land reform at hindi ninyo yan mauunawaan sa paglalaro lamang ng Farmville.
Nasa harapan ninyo lang ang Mendiola. Bakit ba nagrarali dito ang mga aktbista? Hindi yan tinakda ng batas. Noong 1970, naghanap ng daan ang mga estudyante kung paano ba makakalapit sa Palasyo. At ang natukoy nilang daang matuwid ay ang Mendiola. Mula noon, ito na ang naging altar ng masang naghahangad ng tunay na pagbabago sa lipunan. Ito ay makasaysayang espasyo. Ito ay simbolo ng tunggalian sa ating lipunan sa pagitan ng mga mapanupil na pwersang nasa kapangyarihan at mga pwersang demokratiko. Kaya ako ay nalulungkot, nagagalit diyan sa Peace Arch na tinayo sa Mendiola. Peace Arch pero sarado ang gate. Peace arch pero may CCTV cameras. Bakit hinarangan ang Mendiola? Bakit ayaw payagan ang taong bayan na magpahayag ng kanilang damdamin sa harap ng Palasyo. Sa US, nagrarali ang mga tao sa harap mismo ng White House. Kailan huling nakita ng mga Pilipino ang Malakanyang? Siguro kaninang tanghali nang mag-abot kayo ng bente pesos sa canteen.
Tayo ang magmamana ng lipunang ito. Ngayon pa lamang ay mag-ambag na tayo sa kilusang pagbabago. Baguhin natin ang lipunan. Baguhin natin ang mundo. Higit sa pagpili sa daang matuwid, pinakamahalaga ang panglilingkod sa kapwa.
*Ang ilang bahagi ng talumpati ay hango sa isang artikulong sinulat ko noong 2008
Leave a Reply