Talumpating binigkas sa porum ng League of College Councils ng UP Diliman.
Ang daang matuwid ni President Noynoy ay walang pinagkaiba sa dating daan ni President Gloria. Imbes na mag-u-turn slot, ayun nagroad widening lang. Wala ngang wangwang sa kalye, pero baluktot pa rin ang daan. Ano ang tinutukoy ko? Gawin nating halimbawa ang 2011 budget:
– Ang Conditional Cash Transfer program ni Arroyo ay pinalawak pa ni PNoy. Kung may peace bonds noon, may CCT ngayon si Sec. Dinky Soliman ng DSWD.
– Tulad noon, lumobo ang budget para sa utang panlabas. Binabayaran pa rin natin hanggang ngayon ang mga utang na hindi natin pinakinabangan tulad ng proyektong Telepono sa Barangay.
– Pinaganda ni PNoy ang pangalan ng programang pribatisasyon; tinawag niya itong Public-Private Partnership. At may itatayo pang Public-Private Partnership Center. Ang sabi niya nung SONA walang piso, walang sentimong gagastusin sa PPP. Pero sa budget deliberation, inamin ng DBM na gagastos tayo ng P15bilyon para sa PPP.
– Noong Miyerkules nagprotesta ang mga mambabatas mula sa Visayas at Mindanao. Dalawa ang reklamo nila: mababa ang alokasyon para sa kanilang mga rehiyon; at pangalawa, nalulula sila sa malaking lump sum fund ng pangulo. Bukod sa wala ng congressional insertion, nagtataka ang marami kung bakit tumaas ang pork barrel ng pangulo.
Eto ang ilang paghahambing:
Noong 2001, napakulong ni Arroyo si Erap tatlong buwan mula nang maging pangulo siya ng bansa. Ngayong 2010, nasaan si Arroyo? Kahapon nasa Batasan siya. At nagawa pa nga niyang umeksena sa New York noong MDG Summit.
Bumagsak si Erap noong 2000 dahil sa jueteng. Ngayon may jueteng pa rin. At mga taong malapit pa rin sa pangulo ang dinadawit dito.
Noong Hunyo 30, buong mundo ay pinalakpakan si PNoy at mga Pilipino dahil sa matagumpay at mapayapang halalan. Pinuri ang inaugural address ni PNoy sa Luneta. Pagkatapos ng dalawang buwan, pinagtawanan tayo ng buong mundo dahil sa palpak na hostage rescue sa parehong lugar.
Kahapon ay nagbigay si PNoy ng ‘Report kay Boss’ sa La Consolocion. Mahusay naman ang pagsasagawa ng scripted town hall meeting. Tatlo ang totoo sa nangyari kahapon: ang protesta ng mga estudyante, ang nakakatawang pag-upo ng guro, at ang buhok ni PNoy.
Hinambing ni PNoy ang nakaraang pamahalaan sa tatlong matsing na bingi, bulag at kumakatha ng sariling katotohanan. Tama siya. Pero siya ang bagong matsing. Siya ay bingi at bulag sa iba’t ibang isyu sa bansa tulad ng jueteng, repormang agraryo at karapatang pantao. Sa administrasyon ni PNoy, hindi lang isa ang kumakatha ng katotohanan: iba ang katotohanan ng Samar Group, iba ang katotohanan ng Balay Group. Iba rin ang gusto ng Kamag-anak Inc. at Classmates Inc.
Binanggit ni PNoy na ‘bulok ang sistema’. Hindi ba’t ang sarap pakinggan ang pag-amin ng pangulo ng Republika na bulok ang sistema. Pero sa kanyang talumpati ang tinutukoy lamang naman pala niya ay ang PAG-ASA.
Maraming pinagyabang si PNoy na may kinalaman sa budget. Isa-isahin natin:
Tinanggal na raw ang Kilos Asenso at Kalayaan Barangay Fund. Mabuti yun. Kaso hindi niya sinabi na may bagong pondo ang DILG na halos walang pinagkaiba sa kinaltas na pondo na tinuturing na pork barrel ng Malakanyang para sa mga LGU. Ito ay yung Performance Challenge Fund.
Tumaas daw ang pondo ng DOH. Tama. Pero binawasan niya ng P500milyon ang pondo para sa family planning. Akala ko ba isa siya sa mga tagapagsulong ng Reproductive Health?
Pinakamataas daw ang budget ng DepEd. Taun-taon naman ay ganito ang sitwasyon dahil mahigit kalahating milyong guro ang pinapasuweldo ng ahensiya. Pero inamin ni Sec. Armin Luistro sa budget deliberation sa kongreso na maliit pa rin ang pondo para tugunan ang pangangailangan ng ating mga paaralan. At tulad noong panahon ni Arroyo, ang budget sa edukasyon ay kumakatawan lamang sa 12-13 percent ng national budget. Ang minimum dapat na budget ng sektor ng edukasyon ay 20 percent para sa isang developing country. Hindi ko na babanggitin ang budget cut sa mga state universities. Basahin ninyo na lang ang collegian.
Sabi pa ni PNoy “walang maiiwan” na Pilipino. Ang hirap paniwalaan nito dahil cell phone nga niya ay naiwanan niya nang pumunta siya sa Amerika. Kidding aside, marami ang maiiwan sa ilalim ng pamahalaang ito dahil ang sentrong programa para lutasin ang kahirapan ay pamimigay lamang ng dole-out.
Iwanan muna natin si PNoy dahil ang buhay sa bansa nitong nakaraang 100 araw ay hindi lang naman umikot sa kanya. Kung rerebyuhin natin ang mga balita, marami at dumarami ang mga aksiyong radikal sa kalye at mga matatapang na pagkilos ng iba’t ibang sektor.
Nariyan ang banta ng welga ng mga empleyado ng PAL. Kalimutan ninyo na ang dancing flight attendants ng Cebu Pacific. Bantayan natin ang kaso ng PAL. Sana maunawaan ng marami, lalo na ng mga kabataan, ang silbi ng pagkakaroon ng unyon at kung bakit mahalagang kumilos at mag-alsa kung kinakailangan, para ipagtanggol ang karapatan ng mga manggagawa.
Nariyan ang barikada ng mga residente ng San Roque sa Quezon City. Pinatigil ang demolisyon ng korte at ng Malakanyang mismo dahil lumaban ang mga maralita.
Nagwalk-out ang mga mag-aaral para ipanawagan ang pagtaas ng budget sa education. Naglightning rally sa loob ng Kongreso, nagprotesta kahapon sa kalagitnaan ng town hall meeting ni PNoy.
Binato ng paint bomb ang opisina ng DOTC bilang pagtutol sa pagtaas ng pamasahe. Nagcamp-out ang mga magsasaka sa Mendiola at DAR para sa tunay na reporma sa lupa. Kahit ang simbahan nagbabanta ng civil disobedience kung ipapasa ang RH Bill. Tinapatan ito ng Damaso gimik ng isang tour guide.
Welga. Barikada. Walk-out. Camp-out. Lightning rally. Civil disobedience. Ito ang esensiya ng People Power. Sa sama-samang pagkilos ay nagkakaroon ng hugis kung anong pagbabago ang makakamit natin. Huwag nating hayaan ang kampon ni PNoy na ilimita ang kapangyarihan ng People Power sa pagsusuot lamang ng yellow ribbon.
Pero bakit may mga mapangahas na pagkilos eh hindi na naman pangulo si Arroyo? Dahil tulad ng sinabi ni PNoy dapat dun tayo sa daang matuwid. Pero nakalimutan niyang sabihin na tayo mismo ay pwedeng pumili at gumawa ng ating daang matuwid. At ang mga kolektibong aksiyon ay nagpapatunay na ang ating kinabukasan ay hindi hinihintay, ito ay ipinaglalaban.
Related articles:
even though negartive things had been enlisted, i am still proud to be a Filipino….
Martin
October 8th, 2010
Mong, irepost namin sa Anakbayan website!
anton
October 8th, 2010
[…] Note: The following is a speech by Kabataan’s Cong. Mong Palatino at a forum of the UP Diliman League of College Councils last Oct. 8, 2010. It was first posted in Mong’s personal blog. […]
REPOST: PNOY@100 « Anakbayan Online
October 8th, 2010