Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Thank you Bishop Fabriquier for reading my solidarity message last February 14 during the anti-mining rally in Odiongan, Romblon.

Maalab na pagbati sa lahat!

Nagpupugay ang Kabataan Partylist sa mamamayan ng Romblon sa inyong matapang na paglaban at mahigpit na pagkakaisa laban sa planong malakihang pagmimina sa isla ng Tablas. Kasama ninyo ang kabataan sa labang ito. Bakit? Dahil ang laban ng Romblon ay laban ng lahat ng tutol sa pagkasira ng kalikasan. Ito ay makatwirang laban para sa kinabukasan.

Kasama ninyo ang kabataang sisigaw para tutulan ang proyekto ng Ivanhoe. Titiyakin natin na ang sigaw ng Romblon ay maririnig ng buong sambayanan at ng buong mundo. Dadalhin natin ang isyung ito sa Kongreso. Ipapaalam natin sa buong kapuluan ang panganib na bitbit ng proyektong ito sa inyong probinsiya. Kikilos ang kabataan sa mga paaralan, komunidad, at kahit sa internet upang pigilin ang pagmimina sa Tablas.

Hindi naman tayo tutol sa pagmimina dahil mahalaga ang industriyang ito. Pero marami tayong tanong. Sino ba ang nakikinabang sa pagmimina? Sila, silang mga malalaking negosyante kasama ang mga kurakot. Iilan ang yumayaman samantalang ang marami ay naghihirap. Tapos ang pinsalang dulot ng pagmimina sa kalikasan ay permanente na. Sila bang nagnakaw at nakibanang sa ating likas na yaman ang sasagip sa atin kapag ang hagupit ng kalikasan ay rumagasa sa ating mga komunidad?

Huwag nating kalimutan ang nangyari sa Marinduque. Nasaan na ang Marcopper? Lumipad na paalis ng bansa. Hanggang ngayon ramdam ng mga taga Albay ang negatibong epekto ng pagmimina sa isla ng Rapu Rapu. Ilang dekada na ang pagmimina sa Cordillera pero nananatiling mahirap ang rehiyong ito.

Kailangan ba talagang sirain ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad? Hindi! Aanhin pa ang salapi kung ang kapalit nito ay buhay at kinabukasan ng ating mga minamahal?

At dapat nating igiit na ang ating pagtutol sa pagmimina sa Tablas ay isang pagtatanggol ng kalikasan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon. Ginagawa natin ito dahil mahal natin ang ating bayan, mahal natin ang Inang Kalikasan.

Ngayon ay araw ng pag-ibig. Araw din ito ng paglaban. Pula ang kulay ng puso. Pula din ang kulay ng pakikibaka para sa kinabukasan. Sama-sama tayo sa labang ito dahil lahat tayo nagmamahal. Hanggang sa tagumpay!

Rep. Mong Palatino
Kabataan Partylist

Leave a Reply