Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Talumpating binigkas sa UP Manila…

Siyam na Sona. Walong taon. Marami na bang pagbabago sa bansa? Dahil huling Sona na ni Arroyo ngayong taon, balikan natin ang kanyang mga naging pangako. Ano ang mga di malilimutang eksena sa mga nakalipas na Sona?

Sona 2001 – Katatapos lamang ng People Power II. Mahigit isang oras nagsalita si Arroyo – ito ang kanyang pinakamahabang Sona. Ang kanyang gimik: Mga bata mula sa Payatas na nagpadala ng mga bangkang papel na nakaabot diumano sa Palasyo ng Malakanyang. Nangako si Arroyo na lalabanan niya ang korupsiyon at magpapatayo siya ng paaralan sa bawat barangay.
Sa labas ng Batasan, isang “jack in the box” effigy ang ginawa ng mga rallyista.

Sona 2002 – Dito binanggit ni Arroyo ang kanyang programang Strong Republic. Ang mainit na isyu noon ay ang pagkakadakip sa mag-asawang Burnham ng mga Abu Sayyaf. Kinilala ni Arroyo sa Sona ang mga iba pang biktima ng kidnapping na naligtas ng gobyerno. Sa labas ng Batasan, ang effigy ay isang “Gloria Anay” kasi ang tawag ni Arroyo sa mga kritiko ng pamahalaan ay mga termites. Nagdala kami ng mga flip-flops para paluin ang anay.

Para sa akin, ang Sona 2002 ang pinakamatino sa lahat ng Sona ng pangulo. Kahit paano may vision (Strong Republic), wala masyadong gimik na aksaya sa oras, nagpokus siya sa mga nagawa ng kanyang administrasyon at hindi sa mga proyekto na gagawin o ginagawa pa lamang.

Sona 2003 – May gera ang US sa Iraq, nagrebelde ang mga Magdalo sa Oakwood kaya naman ang tema ng Sona ni Arroyo ay “war against terrorism.” Dito sinimulan ni Arroyo na gamitin ang audience bilang bahagi ng kanyang presentasyon. Bago matapos ang kanyang talumpati ay inisa-isa niya ang ilang mga sikat na Pilipino tulad nina Josette Biyo at siyempre, Manny Pacquaio. Sa labas ng Batasan, isang “Running Glo” ang hinanda ng mga aktibista. Sabi kasi niya hindi siya tatakbo sa halalang 2004 pero walang naniniwala sa kanya noon. At tama nga ang marami, siya nga ay tumakbo sa pagkapresidente.

Noong 2003, ang sabi namin, huling Sona mo na GMA. Kasi nakatakda na siyang bumaba sa puwesto pagkatapos ng ilang buwan. Yung ibang oposisyon naniwala sa kanya. Nagkamali kami. Ngayong 2009 ang sabi natin, huling Sona mo na GMA. Ano sa tingin ninyo? Baka sa susunod na taon, bumalik ako sa UP Manila tapos ang ating paksa ay hindi ang ikasampung-Sona ni President Arroyo; kundi ang unang Sona ni Arroyo bilang Prime Minister.

Sona 2004 – Unang Sona ni Arroyo pagkatapos niyang talunin si Da King (Salamat sa kanyang phonepal na si Hello Garci). Lumaya si Angelo dela Cruz sa Iraq pagkatapos pauwiin ni Arroyo ang mga tropang Pilipino sa Middle East. Kaya naman sabi ni GMA, siya ay kaibigan ng masa. Eto ang sinabi niya: “You have a government – indeed, you have a country – that cares. Your life is held more dearly than international acclaim. And you have a president who is your friend …” Ang kanyang slogan ay Mamamayan Muna pero sa totoo lang nagkamali siya dahil ang talagang gusto niyang sabihin ay Mayayaman Muna.

Sa labas ng Batasan ang effigy ay isang “Gloria mechanical eagle/fighter plane” bilang simbolo ng suporta ni Arroyo sa gera ng US sa Iraq.

Sona 2005 – Pinakamaikling Sona ni Arroyo. Mainit na isyu noon ang Hello Garci at Jueteng payola. Ang buong Sona ay inilaan sa pagkukumbinsi sa Kongreso na suportahan ang Charter Change. Ang daming gimik sa Sona na ito – ang oposisyon namahagi ng peach roses bilang simbolo ng impeachment (eto yung impeachment na talagang seryoso at pwedeng manalo) tapos nagwalk-out sila; ang mga pro-GMA may suot na blue ribbon bilang tanda raw ng kanilang kagustuhan na magkaroon ng kapayapaan; ang suot ni Arroyo ay isang lumang terno na pagmamay-ari ng kanyang ina; pagkatapos magsalita ay bumaba si Arroyo at nilapitan siya ng kanyang anak na si Luli Arroyo (hindi si First Gentleman), magkahawak kamay silang lumabas ng plenary. Bakit si Luli? Kasi siya lang sa mga kamag-anak ni Arroyo ang di pa nasasangkot sa kontrobersiya

Sa labas ng Batasan, ang effigy ay isang “Gloria Kapit Tuko” sa Malakanyang. Malaki ang rali, sa katunayan pinakamalaking Sona rali ito pagkatapos ng 1986.

Sona 2006 – Ang Strong Republic ay pinalitan ng Super Regions, bahagi ito ng Enchanted Kingdom script ng pangulo. Nagawang manatili ni Arroyo sa kapangyarihan kaya nagpasalamat siya sa lahat ng sumuporta sa kanya. Ang dami niyang binati noong Sona, kabilang si Jovito Palparan na nasasangkot noon sa napakaraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Kaunti na lamang ang mga sumusuporta kay GMA at lahat sila ay nagkasya sa loob ng Batasan. Kaya naman nakaya niyang batiin ang bawat isa.

Sa labas ng Batasan ang effigy ay isang “Gloria Hitler”. Kinumpara si GMA kay hitler dahil sa pagdami ng bilang ng mga extrajudicial killing, enforced disappearance, at kaso ng torture sa bansa.

Sona 2007 – Tulad noong 2006, may powerpoint presentation si GMA. Binati na naman niya ang kanyang mga kaibigan sa Kongreso. Parang tourist guide si Arroyo at binida niya ang mga proyekto ng kanyang gobyerno sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Medyo nagyabang si Arroyo dahil ilang beses niyang nabigo ang tangka ng oposisyon na siya ay patalsikin sa puwesto. Kaya sa pagtatapos ng kanyang talumpati, aniya “Inyong lingkod, Gloria Macapagal Arroyo, Pangulo ng Republika ng Pilipinas.” Siguro yung speechwriter nanood ng pelikula ni Michael Douglas na The American President, parehong-pareho kasi ang linya.

Sa labas ng Batasan ang effigy ay isang “Gloria Manananggal”. Kapapasa lang noon ng Anti-Terrorism Bill. Ang ating sumbat: si Gloria ay manananggal, manananggal ng karapatang-pantao.

Sona 2008 – Matindi ang kagutuman, may rice crisis. Kaya ang Sona ni Arroyo ay pinaksa ang mga programa ng pamahalaaan sa agrikultura. Wala namang bago. Mga dinoktor na numero, mga proyektong di pa nagagawa, mga pangakong bula lamang. Sa labas ng Batasan ang effigy na ginawa ay pinakamalaki sa lahat: isang papalubog na barko at isang GMA na nakasakay sa eroplano. Bakit ganito ang effigy? Kasi kahit may trahedya noon sa bansa, nakuha pang lumabas ng bansa ni Arroyo.

Sona 2009 – Ano ang mga sasabihin ni Arroyo? Isusulong niya ang Chacha. Ipagmamalaki niya ang ekonomiya (Sino ang niloko niya?). Maaaring sabihin niya na hindi na siya tatakbo ulit (Bumenta na yan!). Babanggitin niyang napalaya na ang mga bihag ng Abu Sayyaf (lagi naming lumalaya ang mga bihag kapag malapit na ang Sona). Tulad ng dati, iisa-isahin na naman niya ang mga kaibigan niya sa Kongreso. Ang malinaw, wala na siyang kredibilidad. Sinayang niya ang walong Sona para patunayan na isa siyang repormistang lider.

Ang Sona ay hindi lang dapat report card ng administrasyon, hindi lamang paglalahad ng plano ng pangulo. Dapat isa itong okasyon para pagkaisahin ang lipunan sa iisang direksiyon, pukawin ang interes ng kabataan sa pamumuno ng bansa, magsilbing insipirasyon sa lahat na lumahok sa proseso ng pagbubuo ng isang progresibong lipunan. Kaso iniba ni Arroyo ang layunin ng Sona. Ginawa niya itong okasyon para pasalamatan at purihin ang mga loyalista ng administrasyon.
Inako ni Arroyo ang lahat ng nagawa ng mga ahensiya ng pamahalaan. Laging naiipit si Arroyo kasi kahit hindi pa tapos ang isang programa o proyekto ay babanggitin na niya ito sa Sona. Kaya tuloy ang Sona ay kasingkahulugan ngayon ng kasinungalingan.

Ang Sona ay hindi lamang tungkol sa pangulo at ang kanyang mga nagawa o di nagawa. Ito ay patungkol din sa atin. Kaya makatwiran ang mga rali sa labas ng Batasan. May karapatan tayong magpahayag kung ano ang tingin natin sa tunay na kalagayan ng bansa.

Taong 2001 unang Sona ni Arroyo. Noong 2001 kayo marahil ay mga elementary student pa lamang, tama? Kayo ay naghayskul, nagbinata’t nagdalaga, pumasok sa kolehiyo pero ang lider sa Malakanyang ay si Gloria Arroyo pa rin. Ngayong malapit na kayong mag graduate, si Arroyo pa rin ang pangulo. Sana, sana, huwag kayong pumayag na sa inyong pagtanda, sa pagkakaroon ninyo ng trabaho, sa pagbubuo ng sarili ninyong pamilya ay tatawagin ninyo pa ring presidente o prime minister si Arroyo.

Para sa amin na naging bahagi ng Edsa Dos, ang nakalipas na walong taon ay parang bangungot. Bakit ang People Power president ay naging “halimaw sa banga”? Bakit nangyari ang mga hello garci, NBN-ZTE, fertilizer scam, extrajudicial killing?

Taong 2001, People Power ang ating sigaw sa kalye. Taong 2009, People Power ang ating sigaw …sa Facebook. Taong 2001, uso pa ang makipag-usap sa bawat isa, naghahawakan tayo ng kamay, alam natin ang ibig sabihin ng kapit-bisig. Taong 2009, wala nang nag-uusap, nakafacemask na ang lahat, hindi pwedeng maghawakan ng kamay dahil sa swine flu. Kung gusto natin ng pagbabago, isarado ang computer, ilagay sa bulsa ang cell phone, iuwi ang PSP, at sumama sa mga pagkilos sa kalye. Sama-sama, hindi ako mismo, hindi myspace, hindi me na me, kundi tayo mismo.

Kung ako ay tatanungin kung anong imahen ang pinakaakma sa gobyerno ni Arroyo, eto ay ang lumubog na barko ng MV Princess of the Stars. Ganyan ang nangyari sa bansa, lumubog o papalubog sa panahon ni Arroyo. Pero ang imaheng ito ay hindi lamang tungkol sa trahedya. Ito ay simbolo ng rebolusyon. Ito ay simbolo rin ng pagbabago.

Sa mga unang pahina ng nobela niyang El Filibusterismo, sinabi ni Rizal na ang kaayusan sa bapor Tabo ay kahalintulad ng kalagayan sa lipunan. Ang ilalim ng bapor ay mga mahihirap at ordinaryong mamamayan. Samantalang ang nasa ibabaw ay mga mayayaman at mga banyaga.

Kung titingnan natin ngayon ang MV Princess of the Stars, ang ibabaw ay nasa ilalim. Ang ilalim ay nasa ibabaw. Sabi nga ng Buklod, na inulit ni Bamboo, baligtarin ang tatsulok. Kadalasan ang mga barko, lumulubog na lamang. Pero ang MV Princess of the Stars ay nag-iwan sa atin ng nakakatakot na imahen. Hindi kaya ito ay isang pangitain ng hinaharap? Na ang lipunan ay lulubog pero mga nasa ilalim ay mapupunta sa ibabaw.

Gusto natin ng pagbabago. Pero walang pagbabagong magaganap kung gagayahin natin si Lola Techie, isang kaawa-awang lola Nag-iisa, malungkot, naghahanap ng atensiyon, aktibo’t matalino pero nilalaan ang oras sa internet.

Related entries:

Lola Techie
Con-ass
MV Princess of the Stars
SONA 2007

Leave a Reply