Talumpating binigkas sa Olongapo City Convention Center…
Ilang segundong katahimikan para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng….
Ako’y naimbitahang magsalita tungkol sa responsableng papel ng kabataan sa halalan. Napapanahon ang paksang ito dahil sa Pilipinas, may tatlong panahon: Wet Season, Dry Season, at Election Season. Walang duda, ramdam nating lahat ang papalapit na halalan.
Sinasabi nila, ang halalan ay pagkakataong bumoto ng pagbabago. Tumpak. Pagbabago. Pero ang tanong naman ng ilan, paano magkakaroon ng pagbabago kung madumi ang sistema; kung namamayani ang dayaan, karahasan? Malalim ang ugat ng problema.
Wala na bang pag-asa? Mayroon. Kung gayon, ano ang solusyon? Simpleng sagot sa mahalagang tanong: Bayanihan. Oo, bayanihan sa 2010. Hindi pwedeng ipakete ang solusyon; nakabatay dapat sa sama-samang pagkilos ang ating sagot sa problema.
Paano ba magbayanihan? Hindi ba ang bayanihan ay pagbubuhat at paglilipat ng mga bahay sa ibang lugar? Sa simpleng pakahulugan, ang bayanihan ay pagtutulungan, pagsasama-sama para gumampan ng isang gawain. Kinikilala ang bayanihan bilang kalakasan sa ating kultura. Tumitibay ang pagkakaisa sa mga komunidad kapag may bayanihan.
Nitong nakalipas na linggo, nasaksihan natin ang isang bagong bayanihan. Tatawagin ko itong Bayanihan 2.0. Sa totoo lang nagulat ako sa nasaksihan kong bayanihan na ipinamalas ng bawat isa sa atin. Hindi ko inaasahan na halos lahat ay tumindig, umaksiyon, nakipagkaisa para maging bahagi ng bayanihang ito. Ang tinutukoy ko ay ang pambihirang kabayanihan at kadakilaang ipinakita ng mga Pilipino sa harap ng trahedyang sumambulat sa bansa noong isang linggo. Dapat ipagmalaki, ipagbunyi, ipagpatuloy ang bayanihang nasaksihan natin.
Pagkatapos magbagsak ng mabigat na tubig-ulan si Ondoy, halos buong kamaynilaan ay binaha. Lubog din ang mga karatig na probinsiya. Mahigit 3 milyong katao ay apektado ng trahedyang ito. Naging mabilis ang ating tugon. Agad nagvolunteer ang mga kabataan, estudyante sa mga relief center. Sinimulan ang maraming relief drive sa mga eskuwelahan. Nagdonate tayo ng mga damit, pagkain, gamot, pera para sa mga biktima. Higit sa lahat, naglaan tayo ng oras, ng ating lakas para tumulong. Nagrepack, nagbuhat, nagluto, namigay ng mga relief goods. Nagpunta sa mga komunidad para magwalis, maglinis, magkalkal ng basura, magtanggal ng putik sa kalsada. Nakita natin ang pangangailangang tumulong kaya tayo ay mabilis na kumilos; at hindi natin binigo ang mga umaasa sa kabataan.
Akmang-akma, matalino, epektibo ang paggamit natin ng social media. Ginamit natin ang teknolohiya bilang kasangkapan para pabilisin ang proseso ng pagbibigay tulong sa mga biktima ng baha. Sa pamamagitan ng Twitter at Plurk, tinulungan natin ang mga awtoridad kung anong mga lugar ang nangangailangan ng tulong. Saang mga lugar ang mataas pa rin ang tubig baha; saan kulang ang mga relief; saan kailangan ng relief truck, ng volunteers, ng relief goods. Nagpalitan ng impormasyon sa internet kung anong tulong ang pinakakailangan sa mga nabahang lugar. Pinalaganap natin ang mga artikulong naglalaman ng mga datos na kailangan ng mga tao para sa kanilang kaligtasan. Tayo ay nagtweet, nagretweet, nagplurk, nag-email, nagblog.
Nag-upload tayo ng mga litrato, video na nagpakita ng lawak at lalim ng trahedya. Nakita natin sa Facebook ang iba’t ibang mukha, anggulo ng sakuna. Dahil dito, naunawaan ng buong mundo ang ating paghihirap kaya mabilis dumating ang tulong ng ating mga kababayan sa ibang bansa. Bumuhos ang simpatiya para sa Pilipinas.
Pero alam ninyo, hindi ito ang buong istorya ng Bayanihan 2.0. Ang mainam, ang kamangha-mangha, lumabas tayo ng ating mga bahay para tumulong. Hindi lang online bayanihan; aktibo rin tayo sa offline bayanihan. At ito ang pinakamahalaga. Nakipagkaisa tayo sa mga grupo’t indibidwal na hindi natin kakilala para gumawa ng kabutihan.
Hindi lang tayo nagtweet para humingi ng relief goods. Nagtext tayo ng mga kaibigan.Tumawag sa mga kamag-anak. Pumunta sa relief center. Hindi lang tayo tumulong sa harap ng kompyuter. Higit na mahalaga, nagbayanihan tayo, kasama ang mga kaibigan natin. Naputikan ang ating damit, lumusong tayo sa baha, pinawisan tayo, nagbigay tayo ng sakripisyo. Naging bahagi tayo ng isang kolektibong aksiyon. Sama-sama, iisa ang hangarin, tumulong tayo sa ating kapwa. Hinangad nating maging kapaki-pakinabang sa ating komunidad. Hindi kanya-kanya, hindi mga indibidwalistang inisyatiba, hindi ako, ako, ako, mismo.
Ito ang makabagong bayanihan. Bayanihan 2.0. Gamit ang modernong teknolohiya habang nagkakabit-bisig, nangangarap, kumikilos para sa pagbabago. Ito ang bayanihan na kailangan natin sa 2010.
Bayanihan para labanan ang maduming sistema ng halalan. Bayanihan para maging malinis, maayos, matagumpay ang halalan. Nagkaisa tayo noong isang linggo para linisin ang putik sa kalye. Ngayon naman magkaisa tayo para linisin ang putik sa gobyerno; at ipakain ang putik na ito sa mga tiwaling pulitiko.
Kung naantig ang ating damdamin sa trahedyang dinulot ni Ondoy at Pepeng, dapat higit tayong matakot sakaling magkaroon ng kaguluhan sa 2010. Gamitin natin ang bayanihan para harangin ang mga maitim na plano ng mga loko-loko sa gobyerno na sadyaing gawing palpak ang halalan. Mas malaking trahedya kaysa sa Ondoy kung hindi matuloy ang halalan o kaya’y manatiling madumi ang sistema ng pagboto at pagbilang sa bansa. Higit na matinding krisis ang kamatayan ng demokrasya.
Mahalaga na tayo ay maging mapagbantay, gamitin ang imahinasyon para maunawaan ang trahedya na pwedeng humagupit sa bansa sakaling maging bigo ang halalan.
Kailangang maging volunteers ulit tayo sa 2010. Kailangang makipagkaisa ulit sa mga taong hindi natin kakilala. Mga taong naghahangad din ng isang matagumpay na halalan.
Maging pollwatcher. Maglaan tayo ng oras, ng ating lakas para tumulong. Magrepack, magbuhat, magluto, namigay ng pagkain sa mga volunteer. Magpunta sa mga komunidad para walisin ang mga bumibili ng boto, linisin ang voter’s list para mawala ang mga flying voters, ghost voters at swimming voters. Magkalkal ng basura, ng baho ng mga sagad-sagaring kahiya-hiyang kandidato.
Gamitin ulit ang teknolohiya bilang kasangkapan para gawing mas sistematiko ang pagbabantay ng halalan. Gamitin ulit ang Twitter at Plurk para tukuyin ang mga lugar na laganap ang mga kaso ng dayaan at karahasan. I-maksimisa ang microblogging para malaman kung saang mga presinto nangangailangan ng pansin; saan nagkalat ang mga goons, saan ang bilihan ng boto, saan hinaharangang bumoto ang mga botante. Gamit ang datos na ito, gumawa ng interactive map. Magpalitan ng impormasyon sa internet kung anong aksiyon ang pinakakailangan sa mga election hotspot. Mag-upload ng mga litrato, video na magpapakita ng mga problema na may kinalaman sa halalan. Palaganapin natin ang mga artikulong naglalaman ng mga datos na kailangan ng mga tao para sa matalinong pagboto. Tayo ay magtweet, magretweet, magplurk, mag-email, magblog.
Kumpletuhin natin ang Bayanihan 2.0. Lumabas tayo ng ating mga bahay para bumoto at maging volunteer. Hindi lang online bayanihan; dapat aktibo rin tayo sa offline bayanihan sa 2010.
Hindi lang tayo magtweet para manawagang bumoto. Magtext tayo ng mga kaibigan.Tumawag sa mga kamag-anak. Pumunta mismo sa presinto. Huwag lang maging aktibo sa harap ng kompyuter. Higit na mahalaga, magbayanihan tayo, kasama ang mga kaibigan natin. Kung kinakailangang lumusong sa baha at maputikan ang damit para makaboto, gawin natin. Magsakripisyo. Maging bahagi ng isang kolektibong aksiyon. Sama-sama, iisa ang hangarin, tumulong tayo sa ating kapwa, sa ating komunidad, sa ating bansa.
Bayanihan 2.0 laban sa dagdag-bawas.
Bayanihan 2.0 laban sa guns, goons, gold.
Bayanihan 2.0 laban sa mga warlords, druglords, jueteng lords.
Bayanihan 2.0 para sa eleksiyon na may kredibilidad.
Bayanihan 2.0 para sa pagbabago.
Related articles:
Mayroong Himala at Jun Lozada
Kabataan Partylist thanksgiving speech
Leave a Reply