Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Bahagi ito ng leadership module na inihanda ng Kabataan Partylist para sa mga bagong miyembro ng Sangguniang Kabataan.

Malaki ang papel ng kabataan sa pagbabago sa lipunan. Sa katunayan, tampok ang naging ambag ng kabataan sa pagtatayo ng ating Republika. Si Rizal ay 25 taong gulang lamang nang isinulat niya ang Noli Me Tangere; si Bonifacio, 28, nang itinatag niya ang Katipunan; si Jacinto, 20, nang maging ‘utak’ ng Rebolusyon.

Maraming kabataan at estudyante ang nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa, mula sa paglaban sa pananakop ng mga dayuhan hanggang sa paghamon sa Batas Militar. Ang kinikilala nating mga beterano ng World War II ngayon ay mga teenager lamang noong 1940s. Karamihan sa mga martir ng pakikibaka laban sa diktaturyang Marcos ay mga mag-aaral.

Mahalaga din ang pagkilos ng kabataan noong Edsa 1986. Sinundan ito ng sama-samang pagbabasura sa US Bases Treaty noong 1991. Tumindig laban sa korupsyon ang maraming kabataan noong Edsa 2001.

Nitong nakaraang dekada ay naging saksi tayo sa mga mapanlikhang pagkilos ng mga estudyante’t kabataan. Ginamit ang texting noong People Power, naging tanyag ang ‘Hello Garci’ ringtone noong 2005, at naging daluyan ang cyberspace upang ipalaganap ang kritikal na boses ng kabataan sa iba’t ibang isyung panlipunan.

Napatunayan na natin ang mabisang pagkilos ng kabataan upang baguhin ang kasaysayan. Nananatiling buhay ang aral na ito sa kasalukuyan. Kailangan ang talino, lakas, giting, at kasanayan ng kabataan sa pag-unlad ng komunidad. Kailangan ang aktibong pakikilahok ng kabataan sa pagpapanday ng isang mas maaliwalas na kinabukasan. Upang maisakatuparan ito, mahalagang batid ng kabataan ang kanyang tungkulin bilang isang makabayang mamamayan ng lipunan na may malasakit sa kapwa. Kasama dito ang kanyang dakilang misyon na maging kritiko ng mali sa lipunan at ahente ng tunay na pagbabago.

Ano ang lugar ng Sangguniang Kabataan sa mga usaping ito?

Inaamin natin na itinatag ang SK upang ilayo ang kabataan sa radikalismo. At para sa ilan na kaaway ng reporma, ito pa rin ang kanilang motibo sa pagsusulong ng mga gawain ng SK. Totoong may kontradiksiyon ang paglalagay ng SK bilang ekstensiyon ng pamahalaan. Likas sa kabataan ang maging mapanuri’t mapanghamon sa sistema tulad ng itinuturo ng kasaysayan kung kaya’t tama ang pagtingin na tila isang anomalya na ang kabataan ay nasa loob ng isang konserbatibong burukrasya.

Bukod sa nalilimita ang pananaw ng ilang SK kung ano ang pwedeng maging ambag ng kabataan sa pagbabago sa lipunan, may panganib na sila’y ‘lamunin’ ng sistemang tradisyunal. Sa halip na magpalaganap ng bagong perspektiba sa pulitika, baka sila ang mabiktima ng bulok na pulitika.

Kung may bantang lubhang pahinain ang kritikal na kaisipan at pagkilos ng kabataan, dapat na bang buwagin ang SK?

Nasa panig ang Kabataan Partylist na makakatulong sa SK kung babaguhin ang oryentasyon nito mula sa pagiging pandayan lamang ng mga susunod na pulitiko tungo sa pagsusulong ng mga makabuluhang reporma sa lipunan. Sila ay maaaring magsilbing mata at tainga ng bayan sa mga nagaganap na katiwalian sa lokal at pambansang pamahalaan. Nasa bentahe ng SK kung bibitbitin at ipagpapatuloy nito ang prinsipyadong uri ng paglilingkod sa bayan.

Kasama sila sa panawagan para sa tunay na pagbabago sa sistemang pulitikal sa bansa. Kaisa sila ng mas malawak na kabataang Pilipino na ang hangarin ay isang malinis na pamahalaan, mapayapang komunidad, at maunlad na bayan.

Bawat henerasyon ay may kongkretong ambag sa kasaysayan. Ang hamon sa bagong SK ay maging sandigan ng mamamayan, lalo na ng mahihirap, sa pakikibaka para sa isang bagong Pilipinas.

Sulong SK! Sulong kabataan!

2 Responses to “SK at pagbabago sa lipunan”

  1. maganda at maayos

    her

  2. […] SK at Pagbabago Araw ng kabataan Reorient the SK […]

    Mong Palatino » Blog Archive » Hamon sa SK

Leave a Reply