Mensahe sa piyesta ng Baler, Aurora
Binabati ng Kabataan Partylist ang mga kababayan natin sa Baler, Aurora na kamakailan lamang ay buong siglang pinagdiwang ang ika-403 taon ng pagkakatatag ng inyong bayan.
Isang malaking karangalan ang maging panauhing tagapagsalita sa inyong piyesta. Sa aking unang pagbisita sa Baler, agad kong nasaksihan ang mayamang kultura, kasaysayan, at mga tanyag na tanawin ng inyong bayan. Napamangha ako sa mga kuwento ng pagsisikap ng mga taga-Baler na itaguyod ang komunidad sa kabila ng maraming hamon, balakid, at mga pagsubok sa nakalipas na 400 taon.
Angkop ang pagtukoy sa pagkalinga sa kalikasan bilang tema ng piyesta ngayong taon. Ang yamang likas at biyaya ng lupa ay dapat bigyan ng proteksiyon para sa susunod na salinlahi. Dapat itong gamitin hindi para sa kapakinabangan ng iilan kundi para ipamana sa bagong henerasyon. Mainam na simulan ang paglinang ng maka-kalikasang kaisipan sa hanay ng kabataan.
Saksi tayo sa maraming sakuna nitong nakaraang dekada na kumitil ng buhay ng marami at sumira sa ating mga kabuhayan. Kalakhan ng mga trahedya sa bansa ay dinulot ng maduming aktibidad ng tao at ng ating mababaw na pagpapahalaga sa kalikasan. Nawa’y naunawaan na ng lahat, lalo na ng ating mga lider sa bansa, ang malubhang galit at ganti ng kalikasan kung hahayaan natin ang pagsalaula sa mga bundok at tubigan.
Kadugtong ng tema ng piyesta ay ang panawagan na magkaisa ang lahat upang ang kapaligiran ay manatiling malinis at payapa. Tunay na dapat maging iisa ang ating tinig sa ating pagsusulong ng pag-unlad na may respeto sa karapatan at kalikasan. Pag-unlad hindi polusyon. Pag-unlad para sa lahat.
Ang hamon ay para sa mga kabataan na pangunahan ang laban para sa kinabukasan na maaliwalas at malinis. Nag-aaral habang naglilingkod sa bayan; nagtataguyod ng maunlad at malinis na pamayanan; lumalaban para sa tama habang winawaksi ang mga maling gawi.
Ang modelo ng Baler ay dapat patuloy na pagyamanin. Isang bayan na hindi nakakalimot sa aral ng nakaraan habang nililikha ang kasalukuyan mula sa sama-samang pagkilos ng mamamayan.
Maraming salamat sa pagkakataon na maging bahagi ng inyong selebrasyon ngayong taon. Ituring ninyo ang inyong lingkod at ang Kabataan partylist bilang inyong dagdag na boses at kinatawan sa Kongreso.
Sulong Baler!
[…] Mensahe sa piyesta ng Baler, Aurora Binabati ng Kabataan Partylist ang mga kababayan natin sa Baler, Aurora na kamakailan lamang ay buong siglang pinagdiwang ang ika-403 taon ng pagkakatatag ng inyong bayan. Isang malaking karangalan ang maging panauhing tagapagsalita sa inyong piyesta. Sa aking unang pagbisita sa Baler, agad kong nasaksihan ang mayamang kultura, kasaysayan, […] Read more… […]
Sulong Baler | Philippines-News.com
October 30th, 2012