Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Talumpating binigkas sa pagtitipon ng UP Multisectoral Alliance, College of Engineering, Marso23.

Ilang segundong katahimikan po ang ialay natin para kay Kristel, isang Iskolar ng Bayan na pinagkaitan ng karapatang makatapos sa pamantasan ng bayan…..

Binabati ko ang lahat ng kalahok sa makasaysayang pagbubuo ng Multisectoral Alliance ngayong hapon. Alam kong marami sa ating mga kasamahan ay kasama ng pamilya ni Kristel ngayong oras; pero kailangan din nating ituloy itong napakahalagang pagtitipon na isinasagawa natin ngayon dahil ang layunin nito ay para din sa pangmatagalang interes ng mamamayan, lalo na ng mahihirap, na nag-aaral dito sa tinatawag nating pamantasan ng bayan.

Napangiti po ako nang mabasa ko ang imbitasyon kasi nakasulat dun na ang institusyonalisasyon ng MSA ay sinimulan ng student council noong 2000, ito yung schoolyear na kung saan ang inyong lingkod kasama ang STAND-UP ay pinamunuan ang USC. Landslide po ang pagkapanalo namin noon.

Sa totoo lang po, nakalimutan ko na ang mga detalye ng pagbubuo ng Community Rights and Welfare (CRAW) at ng MSA. Pero para sa nakakabatid ng oryentasyon at programa ng STAND-UP, hindi na dapat ipagtaka kung bakit kasama sa aktibidad ng USC ang pagtataguyod sa kapakanan ng buong komunidad ng UP.

Noong bago ako sa STAND-UP, ipinaunawa agad sa amin na dapat magkaisa ang lahat ng sektor sa loob ng pamantasan. Bilang bagong estudyante, medyo naguluhan ako. Hindi ba ang pamantasan ay binubuo lang ng estudyante, guro, at mga administrador?

Kaya naiba ang mundo ko at ang pagtingin ko sa mga bagay-bagay nang ipinaliwanag sa amin ang elitistang batayan ng ganitong pagtingin. Pinamulat sa amin na ang UP ay isang komunidad, isang dinamikong komunidad na binubuo ng iba’t ibang sektor. At ang mga mag-aaral ay hindi dapat hinihiwalay ang sarili sa ibang mga sektor. Dahil magkakaugnay ang ating sitwasyon, dahil bahagi tayo ng isang pamayanan, dahil sa ating pagsasama ay mas tumitibay ang ating hanay.

Naalala ko, kapag nagpaplano ang mga aktibistang grupo noon, miyembro po ako ng Center for Nationalist Studies, hindi lang naming binibilang at hinahanay ang mga kolehiyo kundi pati mga komunidad sa paligid ng kampus.

Naging Basic Masses Integration officer ako ng STAND-UP. Noong halalang 1998, sa komunidad namin binuo ang Kalakap o Kabataan Laban sa Karahasan at Pandaraya sa eleksiyon. Taong 1998 din binuo ang Anakbayan, ang komprehensibong organisasyon ng mga kabataan; at marami sa mga kasapi nito ay mga mag-aaral ng UP at mga kabataang naninirahan sa paligid ng kampus.

Nasabi ko kanina halos hindi ko na tanda ang mga detalye ng MSA nang kami ay mamuno sa USC. Pero ang alam ko, kasama namin ang guro, empleyado, manininda, at mga drayber sa panawagang patalsikin si Erap. Bago yun may koalisyon laban sa kartel ng langis. Regular ang mga pulong kung paano palalakasin ang laban ng mga sektor – kampanya para sa badyet sa edukasyon, kampanya para sa dagdag na benepisyo ng mga kawani ng pamantasan, kampanya laban sa demolisyon, at iba pang panggigipit sa mga komunidad palibot ng UP.

Ang pormal na pagbubuo ng MSA ngayong araw ay tunay na makasaysayan. Pormal nating inaanunsiyo sa buong bayan na dito sa pamantasan ng bayan, nagbubuklod ang lahat ng sektor para isang tinig at isang hanay tayong titindig sa mga susunod na laban. Ipinagpapatuloy natin ang progresibong tradisyon na kung saan ang mga iskolar ng bayan ay nakikipagkapit bisig sa mga manggagawa at iba pang aping uri ng lipunan.

Marahil isa rin itong pagtatangka o pamamaraan upang itama ang mga kasalanan ng UP. Ang UP na umagaw ng lupa sa mga magsasaka at mga maralitang naninirahan noon dito sa Diliman, Tandang Sora, Katipunan at Krus na Ligas. Kinamkam ng estado ang lupain para pag-aralin ang mga kabataan – magandang layunin pero hindi sapat na dahilan upang isang tabi na lamang ang mga taong umaasa sa lupang ito para sa kanilang buhay at kabuhayan. Sana ituring natin itong pagbubuo ng MSA bilang pagbibigay galang din sa mga maralitang pinatahimik at tinaboy ng estado upang itayo ang matayog na pamantasan ng bayan.

Pormal nating binubuo ang MSA ngayon pero sa totoo lang, kahit wala pa ang MSA, marami na rin tayong tagumpay na nakamit. Dahil sa matagalang paggigiit na ang UP ay isang malaking komunidad na binubuo ng iba’tibang sektor, napagtagumpayan natin na kilalanin ng administrasyon ng UP sa maraming pagkakataon ang boses ng mga sektor na ito. Siguro mamaya, iisa-isahin ng mga susunod na magsasalita ang mga matatagumpay nating kampanya. At yung iba ay nakasulat sa ating orientation paper.

Ang natatandaan ko, pagkatapos ng Edsa Dos, kasama namin ang mga kawani na nagbigay ng hamon sa bagong pangulo ng bansa, si Gloria Arroyo, dun mismo sa palasyo ng Malakanyang.

Dapat ipagmalaki ang pagbubuo ng MSA. Kakaiba ito, natatangi sa bansa, at radikal na hakbang. Saan ka makakahanap ng alyansa sa loob ng pamantasan na kung saan may boses at representasyon ang mga labandera at manininda?

At dapat lang, dahil ang UP ay may tungkuling patuloy na maghapag ng mga mapangahas na panukala at mga aksiyon na ang layunin ay para gawing mas demokratiko ang buhay at pag-aaral dito sa loob ng kampus. Sa UP unang minungkahi ang pagkakaroon ng student regent; at ilang dekada itong pinaglaban. Ngayon mayroon ng batas na dapat may student regent sa Board of Regents ng lahat ng state universities. Tapos sumunod ang faculty regent. Ngayon ang UP ay may staff regent. Ang pagtataguyod sa MSA ay kaugnay ng mga naunang panukalang nabanggit ko. Ibig sabihin, ang MSA ay isang paghahamon sa estado sa isang banda, at sa kabilang bahagi naman, ito ay pagpapakilala sa publiko at paalala sa iba pang pamantasan na possible, posibleng-posible, ang pagsilang ng isang alyansang kinabibilangan ng mga inaakalang magkakahiwalay na grupo o sektor sa loob ng isang malaking pamantasan.

Walang lugar ang MSA sa isang intelektuwal na institusyon, sa isang pamantasang may kumplikadong burukrasya? Hindi ba’t ganyan din ang argumento noon nang tinutulan ng estado ang pagkakaroon ng student regent at faculty regent? Mag-aral na lang daw ang mga estudyante, magturo ang mga propesor. Huwag ng makialam sa pamamahala ng kampus. Kaya tunay na magandang balita ang pagbubuklod natin ngayon dahil ito ay magiging modelo para sa iba pang pamantasan. Pagpupugay sa inyo na bahagi ng makasaysayang pagtitipon ngayong araw.

At napakamakabuluhan ng napili ninyong tema: Magbuklod para itaguyod ang pamantasan ng bayan, para sa bayan. Dalawang magkaugnay na paksa ito: Una, dapat ang UP ay manatiling pamantasan ng taongbayan, nagbibigay serbisyo sa taongbayan, at pinag-aaral ang mga matatalinong kabataan lalo na ang mga nanggaling sa mga mahihirap na pamilya. At pangalawa, dapat pinaglilingkuran ng UP ang interes ng bayan, hindi ng kapital, hindi ng malalaking negosyante, hindi ng mga pulitiko, at mga aroganteng teknokrata.

Tinutumbok ng inyong tema ang tinahak na direksiyon ng UP nitong mga nakalipas na dekada. Tila ang pamantasan ng bayan ay naging pamantasan ng mayayaman. Nakalimutan ng marami, lalo na ng mga namumuno na ang pamantasan ay dapat para sa bayan. At para sa akin, ang dapat sisihin ay walang iba kundi ang kaisipang neoliberalismo na ugat ng polisiya na magbawas ng pondong bayan para sa mga serbisyong lipunan, kasama ang edukasyon. Ito ang lason na bumulok sa kaisipan ng mga ating mga lider, burukrata, at mga teknokrata – mga mababait na indibidwal pero hinubog ng ideolohiyang elitista. Ang edukasyon, tulad ng ibang serbisyo, ay tinuring na kalakal na hindi dapat ibigay ng estado kundi dapat ipagbili. Handang ipagkait sa mamamayan at ibigay lamang sa kayang magbayad, sa mga mayayaman.

Nitong mga nakalipas na taon ay nasaksihan natin ang mga mapapait nitong manipestasyon: budget cut, tuition increase, pagbenta ng mga ari-arian, at iba pang porma ng komersyalisasyon. Pawang papatindi ang komodipikasyon ng edukasyon sa pamantasan ng bayan.

Tama na gawing prayoridad ng MSA ang pagtataguyod sa isang pamantasan ng bayan, para sa bayan. Labanan ang tangkang isapribado ang iba’t ibang serbisyong dapat binibigay ng libre o abot-kaya para sa ating mamamayan.

At mga kasama, sa pagbubuo ng MSA, ay may tagumpay na tayong nakamit. At patuloy tayong aani ng tagumpay. At patuloy na titibay ang ating ugnayan. Ang UP, ang UP na tahanan ng mga board topnotchers, senador, mga pangulo ng bansa, ang UP na binubuo ng 493 ektarya, pero higit sa lahat, ang UP na binubuo ng 24000 students, 1500 teachers, 1369 employees, 1800 contractuals, 394 drivers, 63 small vendors, at 20000 residents. Ito ang UP na nakikita ko ngayong araw. Ito ang kinakatawan ng MSA, ang pinakamahalagang alyansa sa loob ng kampus.

Leave a Reply