Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Talumpating binigkas sa UST, Oktubre 24, 2013

Mahigit 20 milyon ang mag-aaral sa Pilipinas, mula kinder hanggang post-grad. Subalit hindi lahat nakakatapos ng pag-aaral. Mataas ang drop-out rate mula elementary hanggang kolehiyo. Sa kolehiyo, hindi lalagpas sa kalahating milyon ang nakakatapos taun-taon samantalang 4 milyon ang enrolment kada semestre. Sana ang grupong ito ay maging bahagi ng statistika ng mga mag-aaral na magtatapos sa kolehiyo.

Sa ating kasaysayan spesyal ang sektor ng edukasyon. Spesyal dahil hindi lahat nakakamit ito. Sa mahabang panahon, at kahit sa kasalukuyan, ang mataas na kalidad na edukasyon ay pribilehiyong pinagkakaloob sa mga pinagpalang indibidwal. Kapag sinasabing pulitikal ang edukasyon, tinutukoy nito ang makauring distribusyon ng karunungan sa lipunan. Gamit ang iba’t ibang arbitraryong pamantayan, dinidikta ng naghaharing kaayusan kung sinu-sino, saan, at kailan pag-aaralin ang mamamayan.

Noong mga huling dekada ng pananakop ng mga Kastila, anak ng mga ilustrado ang nagkaroon ng access sa edukayon. Mula sa hanay nito ay umusbong ang mga prominenteng propagandista na nanguna sa laban para sa reporma hanggang sa kalayaan ng ating bansa.

Masasabi natin na ang nakaraang siglo ay isang mahabang panahon ng paggigiit ng mamamayan upang kilalanin ng estado ang karapatan sa edukasyon. Tayo ay nagkaisip sa panahong mayroon nang unibersal na pagkilala na karapatan ang edukasyon. Dapat hindi natin makalimutan ang matagal at nagpapatuloy na laban upang ipagtanggol ang ating karapatan sa edukasyon. Sa ating Konstitusyon, 1987 lang tinukoy na dapat compulsory ang elementary at libre ang hayskul.

Sa totoo lang walang libreng edukasyon. Kahit libre ang tuition, kailangang kumain ng estudyante. Kailangan niyang bumili ng uniform o school supply. Kailangan ng pamasahe at paminsan-minsang paglalaro ng DOTA. Alam ito ng estado kaya naglalaan ito ng mga programa upang makapagbigay ng tulong pinansiyal sa mga piling kabataan. Nagtutukoy ito ng mga mag-aaral na maaaring idebelop bilang mga susunod na kawani at lider ng burukrasya.

Kilala natin ang Pensionados, mga Pilipinong pinag-aral ng pamahalaan sa Estados Unidos. Ngayon wala ng Pensionados subalit mayroon pa ring mga iskolar ang pamahalaan.

Habang bumulusok ang kalidad ng edukasyon sa bansa, naapektuhan din ang scholarship program ng pamahalaan. Pinakamainam na halimbawa ay ang scholarship o student assistance na binibigay sa pamamagitan ng pork barrel o PDAF. Ayon sa ilang mambabatas, kapag tinanggal daw ang PDAF ay hindi na makakapag-aral ang maraming kabataan. Paano daw ang mga scholar? Paano daw ang mahihirap?

Ang panawagan natin ay hindi naman sunugin ang pera kundi ilipat sa mga ahensiyang may tuwirang kinalaman sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Bakit kailangang pumila sa opisina ni congressman o senador?

Sa totoo lang ang PDAF ay patunay na di pantay, di maayos, at di sistematiko ang distribusyon ng pera sa bansa. Hindi demokratiko ang pagbibigay ng tulong at serbisyo sa mamamayan. Kung may efficient na mekanismo ng pagkakaloob ng mga subsidyo sa tao, hindi na sana kailangan ng PDAF.

Ang PDAF ay isa pang patunay na may malaking mali sa ating scholarship program. Una, nakabatay ito sa political patronage. Scholar ka kapag kakampi ng pulitiko. Paano naman yung ibang matalino subalit mahirap, at higit sa lahat, walang koneksiyon sa pulitiko? Pangalawa, ginawang tingi-tingi ang pondo sa scholarship. Kadalasan ang binibigay sa bata ay mumo o barya na kasya lamang para sa ilang bahagdan ng tuition. Sa ibang bansa ang scholar ay nakakatanggap ng kumpletong tulong, kasama ang living allowance, may stipend pa. Pangatlo, napakaraming scholarship programs ng maraming ahensiya at kahit sa mga LGUs subalit walang koordinasyon ang mga ito; at higit sa lahat, walang malawakang pagbibigay ng impormasyon sa publiko kung paano maging kwalipikado dito.

Panahon na upang i-overhaul ang scholarship program sa bansa. Sa minimum, dapat alisin ang malaking impluwensiya ng pamumulitika sa distribusyon ng scholarship. Kahit saan at kahit kailan may bahid ng pulitika ang edukasyon subalit hindi makatwiran ang pagpapatuloy ng isang sistema na legal ang tuwirang pakikialam ng pulitiko kung sino ang dapat bigyan ng scholarship sa bansa. Isa pa, nagagamit ang pag-aaral ng kabataan upang nakawin o kamkamin ang pera ng bayan. Hindi ito katanggap-tanggap.

May scholarship dahil mataas ang ating pagpapahalaga sa edukasyon. Kinikilala natin na marami ang may talino, kasanayan, at determinasyon subalit walang sapat na yaman upang makapag-aral. Sa lipunang hindi pantay, hindi sapat ang sipag at tiyaga. Kailangan talagang makialam ang estado sa pamamagitan ng affirmative action upang makatulong sa inaapi. Ang scholarship ay binibigay dahil tinuturing nating public good ang edukasyon. Ibig sabihin, lahat nakikinabang kapag may pinag-aralan ang mamamayan. Ayon sa NSO noong 2006, aabot sa 65% ang mahirap sa mga hindi nakatuntong sa paaralan; 44% sa nakatapos sa elementary; 23% sa hayskul; at 2.3% lamang sa kolehiyo. Malinaw na may korelasyon ang pag-aaral at kahirapan. Isang mabisang sandata ang edukasyon upang labanan ang kahirapan.

Subalit mayroon pa ring mga Kristel Tejada na dahil sa sobrang kahirapan ay hindi nakamit ang pangarap na makatapos ng pag-aaral.

Ang edukasyon ay kinikilalang karapatan. Subalit para sa pamahalaan, hanggang basic education lang ang pwedeng ilibre. Ang kolehiyo daw ay pribilehiyo. Ayon sa kanila, indibidwal lang daw ang nakikinabang sa kolehiyo at hindi ang komunidad. Mas makatwiran daw kung ibubuhos ang ating suporta sa basic education. Wala akong pagtutol sa huling punto. Subalit may habol ako sa argumento na minimal lang ang ambag ng kolehiyo sa komunidad. Tayong lahat panalo kung pinag-aaral ang maraming kabataan sa kolehiyo. Aangat ang komunidad kung may kolehiyo na nagbibigay ng mas mataas na karunungan at kasanayan sa kabataan.

Marahil ang pagtingin na hindi nalulubos ang investment sa kolehiyo ay dahil sa pag-alis ng mga bagong graduate papuntang ibang bansa. Sa isang banda, dapat hikayatin ang mga iskolar na manatili sa bansa at mag-ambag sa pag-unlad ng mga komunidad. Subalit dapat tiyakin na may sapat ding oportunidad at karagdagang edukasyon para sa ating mga graduate.

May tatlong papel na pwedeng gampanan ang ating mga scholar:

Bilang scholar, bilang akademiko, pilosopo, siyentista. Magpakadalubhasa at mag-ambag ng dagdag karunungan. Magturo, magresearch, magpublish, magpatent.

Bilang scholar, leader. Public intellectual. Philosopher king. Tagapayo sa mga lider, consultant sa mga pampublikong proyekto. Kritiko ng mga pulisiya. Naghahain ng mga kongkretong ideya. Namumuno sa mga laban. Lumalahok sa halalan.

Bilang iskolar ng bayan, ng masa at mahirap. Nakikipamuhay sa batayang masa. Inaalam ang kalagayan at kasaysayan ng ating mga kababayan. Nagbibigay opinyon sa ikabubuti ng interes ng nakakarami at hindi lamang ng malalaking korporasyon. Inilalaan ang talino at pangalan upang ipagtanggol ang kapakanan ng ordinaryong mamamayan.

Sobra-sobra ang ating mga suliranin na dapat bigyan ng atensiyon. Hindi tayo mauubusan ng pagkakaabalahan. Ang kailangan natin ay mga scholar na buong panahong nagbibigay prayoridad sa mga isyung panlipunan.

Halimbawa: Distaster preparation, climate change, corruption, inequality, poverty, food security.

Walang ibang panahon upang kumilos kundi ngayon. Isipin natin kung ano ang ating ipapamana sa susunod na henerasyon.

Nakakalungkot at may kabataang nanalo sa kompetisyon subalit nakaw pala ang kanyang akda. May mga batang chief of staff ang ilang mambabatas subalit kasabwat pala sa nakawan. Matuto tayo sa aral ni Emilio Jacinto, ang batang ‘utak ng katipunan’:

“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.

“Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan ay di na muli pang magdadaan.

Buhayin ang mapanlabang diwa ni Jacinto, Bonifacio, at iba pang bayani ng ating lahi.

Leave a Reply