Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

Ilang piling bahagi ng aking talumpati sa graduation ng STI Meycauayan. Bulacan Provincial Gym, Mayo 16, 2014

Bakit ba may graduation samantalang pwede namang kunin na lang ang diploma sa registrar? Dahil ang okasyong ito ay spesyal. Una, para ito sa inyo na mga magsisipagtapos.

Nararapat lamang na batiin kayo pagkatapos ng mahabang panahong nilagi ninyo sa loob ng paaralan mula kinder, elementary, hayskul, hanggang kolehiyo. Hindi biro ang maupo sa loob ng klasrum ng maraming taon at magkunwaring nakikinig sa lecture, o kaya’y tiisin ang paghihintay sa recess (ang paboritong subject ng lahat) o uwian. Pero nagawa ninyo ito, at naipasa ang mga exam (kahit marami sa mga sagot ay hula lamang), natapos ang term paper (salamat sa magic formula na control a, control c, at control v), at nakakuha ng magandang grado kahit hindi mo tiyak kung sumobra na ang pagiging absent mo o late sa klase.

Puwera biro, dapat lang na ipagdiwang ang pagkuha ninyo ng diploma mamaya dahil ibig sabihin may dumagdag sa bilang ng mga kabataan na may kasanayan, kapabilidad at kahandaang tumanggap ng mas mabibigat na hamon sa buhay na pakikinabangan ng komunidad. Ginagawa natin ang ritwal na ito taun-taon upang ipakita sa lahat – sa inyong pamilya, mga guro, mga kaibigan – hindi lamang ang inyong tagumpay bilang bagong graduate kundi pati ang inyong pagsang-ayon na mula ngayon, gagampan kayo ng mas maraming responsibilidad.

Pero bago natin pag-usapan ang mga dapat ninyong gawin pagkatapos ng buhay estudyante, kailangan muna nating kilalanin ang mga taong nagsakripisyo at nagbuhos sa atin ng sobra-sobrang pagmamahal upang kayo ay tuluy-tuloy na makapag-aral. Sa totoo lamang, ang graduation ay higit para sa kanila kaysa sa inyo.

Kung may Napoles List, dapat may listahan din kayo. Pero hindi listahan ng utang at lalong hindi listahan ng mga ninakaw na pork barrel. Ang tinutukoy ko ay listahan ng mga taong dapat ninyong pasalamatan, mga taong nag-ambag ng malaki sa inyong pag-aaral, mga taong humubog sa inyong pagkatao, mga taong hindi nagduda sa inyong kakayahan at karakter.

Sinu-sino sila? Hindi si tanda, sexy, at pogi. Pero marami sa kanila may katandaan na, dating sexy o maaaring hanggang ngayon ay sexy pa rin sila, at pwede rin namang pogi pa rin. Nangunguna sa listahan ang inyong mga magulang at kamag-anak. Nandito sila bilang saksi sa inyong tagumpay. Batch 2014, bigyan ninyo ng pinakamalakas na palakpak ng pasasalamat ang inyong mga magulang at kamag-anak.

Kung masaya kayo dahil graduate na kayo, tinitiyak ko sa inyo na mas nag-uumapaw sa galak ang inyong mga magulang. Lahat ng kanilang paghihirap ay biglang gagaan mamaya pag nakita nila kayong kukuha ng diploma. Lahat ng pagod at gutom ay kanilang tiniis upang maibigay sa inyo ang pinakamahalagang pamana na pwede nilang ipagkaloob; at ito ang inyong edukasyon.

Marahil yung iba nagtrabaho pa sa ibang bansa, at kinaya nila ang mapalayo sa inyo, dahil mas tinimbang nila ang inyong kapakanan at pag-aaral. Walang magulang ang gustong mawalay sa kanilang anak subalit kailangang gawin upang mas mas guminhawa ang inyong buhay.

Mamaya, please lang, umamin na kayo, sabihin ninyo na minsan yung baon ninyo ay pinanlaro ninyo ng dota. At yung mahal na school project na ang pangalan ay Google at Wikipedia ay wala naman talagang bayad. At yung field trip sa isang luxury hotel, ay swimming lang ng inyong barkada.

Mamaya, pusta ko sa inyo, mga magulang ninyo ang mangunguna sa pagkuha ng selfie dito sa stage. Sila rin ang unang mag uupload ng pictures sa social media. Kung mayroon mang selfie na dapat ipagmalaki, ito yun.

Sunod sa listahan ng mga dapat pasalamatan, ang inyong mga guro. Literal na mahirap ang maging guro: ilang oras nakatayo at nagsasalita. Tapos maingay pa o hindi nakikinig ang klase. Pag-uwi kailangang ihanda ang lesson plan. Batch 2014, bigyan ninyo ng malakas na palakpak ng pagpupugay ang inyong mga guro.

Sabi ng ilan, dahil sa teknolohiya, liliit ang papel ng mga guro sa loob ng paaralan. Bakit kailangan pa ng guro kung pwedeng i-google ang lahat ng tanong, instant ang komunikasyon, at mabilis ang transmisyon ng karunungan gamit ang iba’t ibang apps at mga sopistikadong gadget?

Tama, sa panahon ngayon, pwedeng i-fact check ang lahat. Subalit huwag nating isipin na iisa lang ang kahulugan ng impormasyon at katotohanan. Marami ka ngang nakikitang biswal na datos sa computer subalit hindi ibig sabihin ay karunungan na ito o kaya’y katotohanan. Pwedeng nabasa mo ang mga artikulong minungkahi sa google result subalit paano kung ito pala ay mga maling impormasyon. Sa Internet, maraming spam at trash. Ang kailangan natin ay batayang kasanayan upang matukoy ang tama at mali.

Dito pumapasok ang napakamakabuluhang ambag ng ating mga guro. Natuto ka ng ABC hindi dahil may makinang nagturo sa iyo kundi dahil may nagtiyagang guro upang malaman mo kung paano magbasa at magsulat. May gumabay sa iyo kung anong mga paksa ang dapat mong pag-aralan, ano ang mga usaping dapat mong unahin, paano ang tamang tugon sa iba’t ibang sitwasyon. At higit sa lahat, may nagtiwala sa iyong galing at potensiyal kahit na minsan o madalas ay hindi mo siniseryoso ang pag-aaral.

At ngayong gagraduate na kayo, masaya din ang inyong mga guro. Hindi dahil aalis na ang mga maiingay at makukulit, kundi dahil nagbunga ang kanilang trabaho, sakripisyo, at pagmamahal. Hindi ninyo sila pinili, hindi rin nila kayo pinili, subalit nagtiwala kayo sa isa’t isa at nagtulungan upang higit na mapayaman ang inyong karunungan.

Mamaya, magselfie kayo kay Ma’am at Sir. At bago kayo tuluyang umalis ng paaralan, ay huwag kalimutang magpasalamat sa kanila.

Sunod sa listahan na dapat pasalamatan, ang inyong mga kaklase. Masaya mag-aral kung kasama mo ang iyong mga kaibigan. Masaya ang buhay kolehiyo dahil marami kayong pinagdaanan na kasama ang iba pang mga tao na pareho ninyo ng edad, sirkumstansiya sa buhay, at pare-parehong may matatayog na pangarap.

Marami sa kanila naging katunggali ninyo, kakumpetisyon, kabiruan, kasintahan. Kung ano mang mapait na karanasan na mayroon kayo na may kinalaman sa kanila, isipin ninyo na lang na bahagi ito ng pagtanda. Habang bata, matuto sa mga pagkakamali. Sa paglipas ng taon, magiging mas kumplikado ang buhay. Pagtatawanan ninyo lang ang mga sinayang na oras sa pakikipag-away sa mga bagay na hindi naman talaga mahalaga.

Pagkatapos ng araw na ito, marami sa kanila ay hindi ninyo na muling makikita sa mahabang panahon. Siguro sa tulong ng FB, magtutuluy-tuloy ang inyong ugnayan. May reunion once or twice a year.

Pero sa tuwing magkikita kayo sa hinaharap, huwag gawing batayan ng tagumpay ang mga materyal na bagay. Hindi sa kotse, taas ng sahod, laki ng bahay nasusukat ang kaligayahan sa buhay.

Paumanhin pero sa yugtong ito ay gusto kong talakayin ang aking buhay. Wala akong kotse, wala akong mansion, wala akong mamahaling ari-arian subalit kahit kanino pwede kong ipagmalaki ang naging direksiyon ng aking buhay.

Nagiging makabuluhan ang buhay hindi dahil nabibili mo ang lahat ng gusto mo kundi dahil inaalay mo ito sa mas dakilang layunin. At kasama mo sa byaheng ito ang iba pang mga tao na may pareho ding perspektiba.

Para sa akin, hindi sapat na ang edukasyon ay gawing pamamaraan lamang upang makakuha tayo ng tarabaho sa hinaharap. Nag-aral tayo upang maging mas mabuting tao, upang maunawaan natin ang kasaysayan ng ating sibilisasyon, upang ang nakasanayang gawi sa pag-aaral ay maging panghabang buhay na aktitud.

Magtrabaho kayo pero huwag kalimutan ang tuluy-tuloy na pag-aaral. Magbasa, magsulat, alamin ang mga bagong kasanayan. Hindi humihinto ang sabik sa mga karunungang kapaki-pakinabang.

Huwag matakot mabigo, huwag malungkot kapag nagkakamali, huwag isipin na ang dominanteng pamantayan sa lipunan ang siyang pwede lang nating gamitin.

Si Van Gogh sikat na pintor sa buong mundo pero isang painting lang ang nabenta niya noong siya ay nabubuhay. Si Francisco Balagtas namatay na mahirap pero bawat Pilipino ngayon ay binabasa ang kanyang akda.

Nabubuhay tayo sa panahon na bawat galaw natin ay nalalaman ng lahat. Hindi maiwasang makumpara ang buhay ng bawat isa. Imbes na tangkaing lagpasan ang nakamit ng kaibigan sa FB, hindi ba’t mas tama kung may sarili tayong pamantayan o kaya’y nangangahas tayong magtakda ng mas malalaking misyon sa buhay?

Nabubuhay tayo sa panahong malakas, napakalakas ng impluwensiya ng indibidwalismo. Na ang pag-angat sa sarili ay nangunguna imbes na isipin kung paano aangat ang lahat.

Isipin na lang natin, nag-aral tayo ng ilang taon, at ilang dekada lang ang ating ilalagi sa mundong ito, ibig sabihin ba ang buong buhay natin ay walang katapusang paghahangad lamang ng pansariling kaginhawaan? Pangulo ka ng bansa ngayon pero bukas pwedeng nasa kulungan ka; oops hospital arrest pala.

Bukod sa ating edukasyon, mayroon tayong kayamanan na wala na si Enrile at iba pang matatanda. Ito ang biyaya ng oras. Mayroon tayong panahon, sapat na panahon, upang makamit natin ang ating mga pangarap. At ang payo ko sa inyo, ang aking apela, na sana ay isama natin sa pangarap natin kung paano ang susunod na henerasyon ay hindi na mararanasan ang mga paghihirap na dinanas natin.

May mali sa ating lipunan, pansinin natin at huwag talikuran. Paano? Magpakahusay sa pipiliing karera sa buhay subalit maglaan ng panahon upang makisangkot sa mga usaping pambayan.

Batch 2014, huwag lang magdala ng foods sa condo. Huwag maniwala sa lahat ng sinasabi ni Kris Aquino. Huwag maging Napoles. Huwag tularan si tanda, sexy, at pogi at lahat sila na kurakot at abusado. Huwag mawalan ng pag-asa. Si Bonifacio, ang kanyang alyas ay Maypagasa. Tayo ang pag-asa. Kayo ang pag-asa. Batch 2014, binabati ko kayo. Maghasik kayo ng mas marami pang karunungan para sa bayan. Batch 2014, isigaw at ipagyabang sa lahat: Boom Panes!

Leave a Reply