Sinulat para sa Manila Today
Dahil nagtitiwala siya sa masa; dahil kinakalinga siya ng masa
Kaibigan ng mga inaapi, kaaway ng mga ilustradong kontrabida sa lipunan. Hindi umaastang bayani, sa halip ay nakasandig sa lakas ng mamamayang pumipiglas. Mayroon siyang barkada na ang tawag niya ay kolektib, mayroon siyang ugnay mula siyudad hanggang probinsiya na tinukoy niyang mass base, at ang motto niya sa buhay ay sundin ang linyang masa. Sabi niya, hindi habag (at hashtag) ang kailangan ng mahirap kundi ang pagsulong ng kanilang pakikibaka. Tinanong siya minsan ng crush mo, pwede ba akong lumahok sa pakikibakang ito? At ang kanyang sagot, palayain mo muna ang puso kong binihag mo.
Dahil siya ay palaban; dahil siya ay lumalaban
Hindi naman siya basag-ulo at bodybuilder pero lagi siyang nang-aaway. Wala siyang pasensiya sa mga kurakot, sa mga pulitikong abusado sa kapangyarihan, sa mga nangangamkam ng lupa, sa mga nanghahamak sa karapatan ng manggagawa, sa mga sunud-sunuran sa dikta ng dayuhan. Tila hindi sapat para sa kanya ang magpahayag ng galit; sa tuwina ay may kasunod itong pagkilos, pag-oorganisa, pagbaklas. May nagliliyab na poot sa kanyang dibdib. At ang hangad niya ay pasiklabin ang apoy na ito at paramihin ang mga pusong umaalab hanggang magluwal ng bagong liwanag sa lipunan.
Dahil prinsipyo ang kanyang ginto
Halos walang bisyo at hindi sabit sa mga uso dahil kadalasan kulang o walang pambili ng luho. Dahil wala naman siyang romantikong pagtingin sa buhay mahirap; sadyang natutunan na lamang niyang huwag sambahin ang mga materyal na bagay. Kung gayon, ano ang kanyang pinagmamalaking yaman? Dunong-paaralan, diploma? Kahit trapong pulpol mayroon niyan. Pero ang prinsipyong di-nabibili, yan ang kanyang sinisikap isabuhay at higit na pinagyayaman. Natatangi dahil may paninindigang marupok at mapagkunwari. Pero ang kanyang pamantayan ay maging tunay na lingkod bayan at rebolusyonaryo. Lagi niyang sambit, simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Paano yan, romantiko na’y mandirigma pa.
Dahil marunong siyang umako ng kanyang kahinaan at pagkakamali
Kaugnay ng sinundang talata, maaaring isiping nagpapanggap na perpektong karakter ang aktibista. Subalit hindi. Tao rin na may kapintasan. At maraming masusumbat sa kanya: sa kanyang pakikitungo sa kapwa, sa kanyang aktitud sa mga praktikal na usapin, sa kanyang tila malagim na tanaw sa buhay. Pero may silbi ang husga dahil pinagmuni-munian niya ito at umakma sa mga punang natanggap. Ang tawag niya dun ay pagpapanibagong-hubog. Minsan may dinaluhan siyang group therapy na kung saan ang mga sumali ay nagpuna sa aktitud ng iba habang nagpuna rin sila sa kanilang sarili. At pagkatapos nito’y tila higit na tumibay ang motibasyong makibaka, lumaban, at umibig.
Dahil binabaka niya ang pyudal na kultura at pagsasamantala
Pwede bang maging “maginoo pero medyo bastos”? Magalang pero lihim na arogante sa relasyon? Bukas ang isip sa mga bagong ideya pero hindi sa kasarian? Inaangat sa pedestal ang kababaihan subalit ayaw silang pakawalan sa kulungan ng kusina’t kama? Ang palusot ng marami ay pamana diumano ng depektibong kultura; hindi pa daw tayo handa sa makabagong sensibilidad. Subalit umaalma ang aktibistang tutol sa diskriminasyon. Kung pyudal ang kaisipan, bakit hindi ito baguhin? Kung ang kultura ay mapang-api’t dekadente, bakit hindi ugatin ang sanhi nito at pangibabawan? 2015 na, kahit ang burgis na pananaw sa pakikipagrelasyon ay dapat ng ibasura.
Dahil habang pinaglilingkuran niya ang sambayanan, inaalay niya ang natitirang lahat-lahat sa kanyang iniirog
Hindi kaya siya napapahandsgod magmahal? Mahal niya ang manggagawa, ang magsasaka, ang masang lumalaban, at iba pang mga taong hindi niya kakilala subalit kakapit-bisig niya sa parlyamento ng kalye. Namamangha ka’t di makapinawala na pagkatapos magpamalas ng pag-ibig sa bayan, siya ay nakapaglalaan pa ng pambihirang pag-ibig sa isang indibidwal, sa kanyang sinisinta. May puwang sa kanyang puso na hindi pwedeng angkinin ninuman, kahit ni Inang Bayan. Ang puso ng tibak ay alay sa bayan subalit ang tibok nito ay para lamang sa kanyang pinakaiisang minamahal.
Dahil pangmatagalan ang kanyang perspektiba kaya’t handa siyang maghintay hanggang magtagumpay
Mahaba raw ang pakikibaka, matagalan daw ang digmang bayan, at siya ay buong loob na magpapakatatag. Handa raw niya ialay ang lahat-lahat sa kilusang masa habang bitbit ang pangako ng pag-ibig. Kung hindi pa ukol ngayon, bakit manlulumo samantalang hindi pa nasusulat ang kuwento ng hinaharap. At bakit hihintayin ang wakas samantalang pwedeng umusbong ang pagmamahalan sa panahon ng digma. Maraming sangandaan sa mahabang byahe, at ang daan ay tigib ng panganib, subalit sa kahuli-hulihan ang kanyang katapatan sa ideya ng rebolusyon at pag-ibig ang huhubog ng kanyang bukas.
Dahil dalisay at dakila ang kanyang pag-ibig
Paalala ni Bonifacio: “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?” Wagas dahil bakit mo mamahalin ang isang daang milyong nilalang na hindi mo pa naman nakikita. Dagdag pa’y walang katiyakan na makakatanggap ka ng gantimpalang mangingibig. Subalit patuloy ang pag-alay ng buhay para sa bayan. Mga bayani at karaniwang tao – lahat sila, lahat tayo nagmamahal kahit pilit dinudungisan ng mga mapang-api ang pagsangkot sa pakikibaka ng masa. Ang gusto ng ilan, pag-ibig na mababaw, pakitang-tao na gumagampan diumano ng tungkulin para sa bayan. Subalit para sa aktibistang nagmamahal, hindi uubra ang mga ganitong simbolismo at posturang walang silbi. Dapat tapat sa panata. Dapat ramdam ng mamamayang bumubuo sa bayan. Dapat pag-ibig na marubdob, mabagsik subalit matamis.
Dahil ang pag-ibig niya ay mapagpalaya
Tulad sa telenobela, masayang pagtatapos ang pangarap niya. Pero ligaya na hindi pangdalawang tao lamang. Pag-ibig na mapagbigay, nagsasariling mundo subalit bumabago ng mundo. Aanhin ang saya ng dalawang puso kung mayroong dalawang bilyon na lugmok sa pagdurusang pwede namang maiwasan o tapusin. Kaya ang pag-ibig niya ay para sa isa at para rin sa lahat. Pag-ibig na bumibihag at nagpapalaya. Sa isang lipunang marahas, pag-ibig at pakikibaka ang tanging pag-asa na magpapalaya sa lahat.
Leave a Reply