Lahat ng rehimeng nagdaan ay nagtangkang buwagin at talunin ang New People’s Army (Bagong Hukbong Bayan). Lahat ay nagsabing sila’y magtatagumpay. Lahat sila’y nabigo. Ano ang nasa likod ng misteryong lakas ng NPA? Paano ito nagpunyagi sa nakalipas na limang dekada? Walang sikreto maliban sa puspusang pakikibaka habang sinusulong ang pulitika ng rebolusyon. Walang kakaibang doktrina maliban sa paglingkuran ang sambayanan hanggang magtagumpay ang pambansang demokratikong pakikibaka. Bakit hindi matatalo ang NPA? Narito ang ilang dahilan….
1. Dahil ang hukbong bayan ay kakampi ng mga magsasaka sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Sa minimum, binababa ang upa sa lupa at pinatataas ang kita ng magsasaka mula sa benta ng kanilang ani; at sa maksimum ay pamamahagi ng lupa. Kaya naman ang masa kinupkop ang NPA bilang kaibigan, kaanak, at kasama.
2. Dahil tagapagtanggol sila ng kalikasan. Kalaban ng mapanirang pagtotroso, malakihang pagmimina, at mga dayuhang korporasyong nagkakalat ng dumi sa kapaligiran. Kaya hindi nakapagtataka kung ang karaniwang tao ay sumasaludo sa malinis na rekord ng NPA.
3. Dahil ang NPA ay lubog sa pang araw-araw na buhay ng mamamayan sa kanayunan. Pwersang militar subalit mas abala sa pagtulong sa bukid, gawaing produksiyon, at pagtataguyod ng mga batayang serbisyo sa baryo tulad ng edukasyon, kalusugan, seguridad, at patubig.
4. Dahil bahagi ito ng pagbubuo ng gobyernong bayan; haligi ng pulang kapangyarihan sa mga pinalayang purok. Gobyernong may masaklaw na teritoryo, nagtatakda ng sariling batas, nagtatayo ng mga paaralang bayan at pagamutan. Pinagkakaisa ang hanay ng mamamayan upang wakasan ang pamumuno ng mga oligarkiya sa bansa.
5. Sumbungan ng bayan. Ang orihinal na 911 at 8888 sa kanayunan. Para sa mga problemang walang aksyon ang burukrasya, idinudulog sa NPA upang magkaroon ng mabilis na tugon at hustisya. Pwersang nagpaparusa sa mga despotikong panginoong maylupa, abusadong pulitiko, mabagsik na warlord, sundalong may utang na dugo, at mga kriminal tulad ng mga magnanakaw ng kalabaw. Nagpapatupad ng kaayusan, kapayapaan, at kumikilala sa pakikibakang masa sa kanayunan.
6. Bihira o halos walang NPA na kinamumuhian ng masa. Minsan ang tawag sa kanila ay ‘Nice People Around’. Bakit? Dahil may disiplinang gabay ang NPA na ang tawag ay tres-otso. Halimbawa, bawal magnakaw sa mga tinutuluyang pamayanan, isauli ang hiniram sa masa, igalang ang mga kababaihan at matatanda, magbayad ng tama sa bawat biniling produkto, at huwag manira ng pananim. At kapag may labis sa gawi at paglabag sa alituntuning pangdisiplina, malayang punahin ng masa ang NPA. At ang NPA marunong humingi ng paumanhin sa komunidad.
7. Dahil isa itong rebolusyonaryong grupo na may rebolusyonaryong tindig sa lahat ng usapin. Lagi itong may matalas na pagsusuri sa kalagayan ng bansa at pandaigdigang ekonomiya. Pinag-uusapan pa lang ang diborsyo at same sex marriage sa Kongreso samantalang matagal na itong pinapatuad sa hanay ng NPA. Tagapagpadaloy ng abanteng kultura at proletaryadong pananaw. Tagapagtaguyod ng pambansang wika, linangan ng katutubong kultura.
8. Dahil ang kalabang pwersa nito ay pinamumunuan ng mga kurakot at pulpol na heneral. Mismong opisyal ng estado ang nagbunyag na may ‘pabaon generals’, at kamakailan ay pinangalanan ang mga heneral na protektor ng mga drug lords. Pasista na nga, kurakot pa. Habang bulag na sumasamba sa teknolohiyang pandigma ng Estados Unidos at kakutsaba ng imperyalista sa pagmamaniobra sa pulitika ng bansa.
9. Dahil ang panlipunang krisis ay patuloy na lumulubha at walang hinahaing signipikanteng solusyon ang mga nagdaang rehimen upang tapusin na ang pananalasa ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Tumitindi ang kahirapan at pambubusabos, patuloy na tinataboy ang magsasaka sa kanyang lupang sinasaka, dinadahas ang mga katutubo, at laganap ang kagutuman samantalang iilan lamang ang gumiginhawa ang buhay at kumakamal ng yaman ng bansa. At kapag lumaban ang mamamayan, kamay na bakal ang sagot ng estado. Kahirapan at kawalan ng hustisya – ito ang di-nakikitang karahasan na nagbibigay matwid sa pambansang demokratikong rebolusyong binabandila ng NPA.
10. Dahil pulitika ng rebolusyon ang nangingibabaw na prinsipyo ng NPA. Dahil sinasabuhay nito ang diwa ng Katipunan. Dahil pinagpapatuloy nito ang laban nina Bonifacio. Dahil ginagabayan ito ng teoryang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Hukbong nasa kolektibong pamumuno ng uring manggagawa. Mga gerilyang nakabase sa kanayunan; nagpapalawak ng hanay at lakas bago ang paglusob sa mga sentrong lungsod. Hukbong humamon sa diktaturyang Marcos, hukbong nanatiling pwersa ng rebolusyon sa kabila ng mabangis at sunud-sunod na militaristang atake ng estado, hukbong gerilya sa isang bansang binubuo ng maliliit na isla. Hukbong nagpapakahusay sa kasanayang militar habang nagpapakadalubhasa rin sa teorya’t praktika ng digmang bayan.
11. Dahil sa panahon ng ligalig at nawawalang pag-asa, nananatiling maningning na pwersa ng paglaban at pagbabago ang NPA. Hukbong bayan ng mga inaapi, kalaban ng mga nang-aapi, at kumikilos upang wakasan ang pang-aapi ng tao sa kapwa tao. Hukbong may kumprehensibong tanaw at plataporma para sa panlipunang pagbabago. Hukbong kasama natin sa pagpapalaya ng bayan. Hukbong pwersang nakikibaka upang baguhin ang lumang mundo.
Leave a Reply