Graduation speech, STI Meycauayan, Bulacan. Published by Bulatlat
Isa pong malaking karangalan ang mapiling tagapagsalita ngayong araw na ito. Ispesyal at di malilimutan ang pagtitipong ito. Para sa mga mag-aaral, lubos ang kasiyahan dahil natapos din natin ang kolehiyo sa kabila ng maraming pinagdaanang pagsubok, hindi po ba? Para sa mga magulang, walang papantay sa kanilang galak na makita kayo sa inyong pag-akyat sa entablado mamaya. At para sa mga guro, sulit ang pagod at inalay na dunong dahil nagbunga ang kanilang sakripisyo.
Hindi kayang isalarawan mamaya sa Facebook o Instagram ang nag-uumapaw na emosyon na ramdam ng marami ngayon. Kahit naka FB Live mamaya sa pagkuha ninyo ng diploma, walang app na uubra upang sukatin ang kaligayahan ng bawat isa sa bulwagang ito.
Ang seremonyang ito ay ginagawa hindi lamang upang bigyang pagkilala kayo, mga bagong graduate. Isa itong natatanging aktibidad upang sama-samang magdiwang at magpasalamat dahil nagawa ninyong tapusin ang isang mahalagang yugto sa buhay ng isang tao. Hindi lahat nakakatuntong sa kolehiyo, hindi lahat nakakatapos ng pag-aaral; pero heto kayo at ilang minuto na lamang ay ganap na kayong susulong sa bagong hamon sa buhay.
Kaya bago ang uwian, ang kainan, at pagpost ng litrato sa social media mamaya, dapat unahin natin ang pagkilala sa mga taong nag-ambag sa inyong pag-aaral at naging bahagi ng inyong paglalakbay mula kinder hanggang kolehiyo.
Una, para sa mga kaibigan at kaklase, salamat sa masayang samahan, paminsang-minsang away, araw-araw na asaran, patagong pangongopya, maaasahang sandalan kapag may problema, sapilitang panlilibre ng pamasahe o pagkain, at aminin na natin, lingguhang inuman o pamamasyal sa mall. Kahit sabihin ninyong lagi kayong magrereunion, hindi na kayo madalas na magkikita. Malamang sa FB, pero kaya ba nun higitan ang kwentuhan sa tambayan at tsisimisan sa fastfood? Kaya para sa di malilimutang alaala kasama ang inyong batchmates, palakpak naman diyan.
Para sa inyong mga guro naman, salamat po mga ma’am at sir sa pasensiya, sa oras na inyong binahagi, sa mga payo na inyong binigay, sa kaalaman na tuntungan upang tumuklas pa ng mga bagong aral sa buhay, sa lahat ng hirap, pawis, at friend request na inyong tinanggap, habambuhay po kayong pasasalamatan. Estudyante lamang ang tumatanda, pero ang guro hindi yan nagbabago sa puso ng bawat bata. Para sa aruga, dedikasyon, at tiyaga sa pagtuturo, palakpakan natin ang ating mga propesor.
At para naman sa ating pamilya, kay nanay at tatay, kay ate at kuya, kay lolo at lola, ang diploma ay alay po sa inyo. Lalo na sa ating butihing magulang. Para sa tiwala na kakayaning tapusin ang kolehiyo, para sa suporta mula umpisa hanggang sa pagpili ng isusuot kanina, para sa palagiang pangungulit este pangangamusta kung ano na ang lagay ng pag-aaral, para sa makatwirang pangangaral ng mga dapat unahin sa buhay, para sa pag-unawa kung may pagkukulang, para sa inspirasyon, sa presensiya, sa pagpapakita ng halimbawa kung paano ang bawat problema ay may karampatang solusyon, para sa pagpaparamdam na kami ang dahilan kung bakit kailangang bumangon araw-araw, para po sa inyo ang araw na ito. Ibigay natin ang pinakamalakas na palakpak na pwede nating iparinig sa ating mga magulang.
Ang edukasyon natin ay nagsimula bilang pangarap. Pangarap na simbolo rin ng pagmamahal. Pero hindi sapat na magmahal lamang. Dapat pinaglalaban ito. Sa inyong kaso, hindi ba’t pinagsikapan ninyong marating ang araw na ito pagkatapos ng mahigit isang dekadang pagbabasa, pagsusulat, pagpupuyat, paghahabol ng deadline, pag-apela na madugtungan ang deadline, pagkukumpleto ng requirements, pagkuha’t pagpasa sa mga eksam. Ibig sabihin, ang pangarap ay naging realidad dahil pinaghirapan ninyo itong isakatuparan. Mayroon kayong nilaan na sapat na oras, sobrang pagod at sakripisyo bago ninyo matamasa ang tagumpay ngayong araw na ito. Hindi ba’t mas makabuluhan at mas masaya ang tagumpay kung ito ay binunga ng inyong pagsisikap?
Kung hugot ang kuwento ng inyong buhay, pwede itong tawaging ‘nagmahal, nagsikap, nagtagumpay’
Iyan din ang paalala na nais kong bigyang diin sa araw na ito. Lahat ng biyaya na gusto nating makamit ay dapat ipaglaban. Hindi ito madaling gawin sa panahon na kung saan maraming bagay ay tila pwede makuha sa isang iglap, o instant kumbaga.
Research, search lang. Komunikasyon, realtime. Transportasyon, uber. Pagkain, ready to cook. Pelikula, streaming. Gamit, 3D printing.
Pero sa totoo lang, batay sa karanasan at obserbasyon na rin, ang kaligayahan sa buhay ay hindi instant na natatamasa. Huwag ipagkamali na ang bagong gadget o trending apps ang lulutas sa marami nating problema. Huwag ituring ang materyal na kasangkapan bilang panandang bato kung ano na ang narating o silbi ng isang indibidwal.
Dahil ang dominanteng diskurso ngayon ay pabor sa mabilisang resulta o proseso, ang gusto ng marami ay ganun din ang dapat mangyari sa ating buhay. Dapat instant may kotse na (kaya ayun instant din ang paglubog sa utang), dapat instant mayaman na (kaya ayun, biktima ng pyramid scam), dapat instant sikat at may pangalan na (kaya ayun viral ang scandal sa Internet).
Tanggihan natin ang pag-iisip na pumipigil sa ating makita ang mas masaklaw na mundo. Mahirap gawin pero tandaan hindi lahat ng trending tama. Hindi lahat ng instant ay kailangan. Hindi lahat ng yaman ay kaligayahan ang dinudulot.
May epekto rin ito kung paano natin inuunawa ang nangyayari sa pulitika ng ating bansa. Sa halip na masinop na ugatin at himay-himayin ang mga problema ng komunidad, nagkakasya sa mga instant o shortcut na solusyon. At dahil gusto ng marami ay may makitang instant na resulta, mag-ingat baka ang ibigay sa atin ng mga nasa pamunuan ay pagbabagong walang laman. Ay natokhang na buhay naman o!
Bilang kabataan, tiyak kong marami kayong gustong gawin, mga pangarap na tutuparin, mga tagumpay na aabutin. Gawin natin ito, pero huwag magmadali. Nasa atin ang lahat ng panahon upang makamit natin ang lahat ng ating minimithi sa buhay. Hindi kailangang makipag-unahan at tapakan ang iba. At habang ginugugol natin ang ating buhay sa layuning ito, huwag sana nating kalimutan na maglaan ng panahon, lakas at talino para sa bayan. Buksan ang mata sa realidad ng ating panahon. Pakinggan ang daing ng karaniwang tao. Mag-ambag sa kaginhawaan ng ating mga komunidad. Ang mali na ating nakagisnan ay huwag na nating ipasa sa susunod na salinlahi. Ang lahat ng mali na nangingibabaw ngayon, lahat yan ay pwede nating tuldukan. Nagmumukhang imposible kung ang iniisip kasi natin ay dapat instant alisin na ang bulok sa lipunan. Pero kung ang perspektiba ay pangmatagalan, kung malayo ang tanaw, walang krisis o problema ang hindi natin pwedeng pangibabawan.
Batch 2017, magsimula sa pangarap, balutin ito ng pagmamahal. Matiyagang kumilos, marubdob itong ipaglaban. Matuto mula sa mga kabiguan, bumangon nang may dignidad. Kasama ang iba, hindi nag-iisa. At pagkatapos, ialay ito para sa kapwa. Ito ang tunay na tagumpay na pwede nating ipagmalaki. Ito ang ating tugon, ang ating pasasalamat sa lahat ng tumulong na hubugin ang ating pagkatao bilang mga indibidwal na may talino’t malasakit sa kapwa.
Batch 2017, magmahal, magsumikap, magtagumpay!
Leave a Reply