Introduksiyon sa aklat na ‘Strengthen the People’s Struggle against Imperialism and Reaction’ na binasa noong Pebrero 8, 2019, UP Diliman, Solair
Ang problema kay Jose Maria Sison ay naglatag siya ng mataas na pamantayan kung paano suriin ang pulitikal na kalagayan ng bansa. Pagkatapos mo siyang basahin, tatatak sa iyo ang kanyang kumprehensibo at matalas na gagap sa pulitika. Bilang mga aktibista, binabasa at inaalam natin ang sinasabi ng maraming tao, kabilang ang mga tinatawag nating intelektuwal at political analyst. Marami sa kanila ay may matalinong paghahabi ng mga pangyayari, armado ng samu’t saring datos, at interesante ang sinusulong na diskurso. Pero parang kulang ang mensahe, parang hindi natutumbok ang kabuuan at hindi nadidiin kung ano ang dapat gawin. Sa madaling salita, hindi sila tulad ni Jose Maria Sison na kung paano sa kanyang mga sulatin ay binabasag ang dominanteng naratibo at kasing halaga nito’y naghahain ng progresibong alternatibo.
Ang problema kay Jose Maria Sison ay pinakita niya na posible ang maging teorista nang hindi kailangang maging kumplikado. Sabi ng ilang kritiko, simplistiko ang mga pormulasyon ni Jose Maria Sison. Maaaring simple, oo; pero simplistiko, hindi. Dahil malalim ang hugot ng kanyang pag-iisip at nakabatay sa teorya ang kanyang inaabanteng pananaw. Pero ang artikulasyon ng mga punto ay madaling maunawaan kahit ng mga karaniwang mamababasa na hindi pamilyar sa wika ng akademya. Kaya masasabing mabisa ang kanyang paraan. Uso ngayon ang pagbabawas ng mga bagay na hindi natin kailangan (decluttering) na pinasikat ng tinatawag na #KonMari. Pero hindi si #KonMari kundi ang ehemplo ni #JoseMari ang pwede nating gabay. Na sa pagsusulat ay winawaksi ang sobra-sobrang mabulaklaking mga salita at iniiwasan ang mga pagsusuring lumilika ng kalituhan sa halip na makapaglinaw ng mga usapin. Sumulat upang magpukaw, makapag-organisa, at magpakilos. Sabi ni #KonMari, spark joy. Ayon naman kay #JoseMari, spark a revolution.
Ang problema kay Jose Maria Sison ay consistent ang kanyang tinuturo mula dekada sisenta hanggang sa kasalukuyan. Sabi ulit ng ilang kritiko, paulit-ulit na lang ang mga sinusulat ni Jose Maria Sison. Totoo, ang daloy ng kanyang mga pundamental na argumento ay hindi nagbago. Subalit ang esensiya naman ng mga bagay-bagay ay hindi rin naman nagbago. Ang sitwasyon natin noon ay totoo pa rin para sa kasalukuyan. Kahit naman yung ilang mga iskolar ay naglagay lang ng palamuti sa kanilang mga sinusulat at nilangkapan ng mga postmodernistang tingin pero ang laman naman ay ampaw. Madaling gawin ni Jose Maria Sison ang ginagawa ng mga pulitiko at iba pang apologist ng sistema na pabagu-bago at urung-sulong ang pag-unawa sa nangyayari sa bansa; pero kung ang mga aklat ni Jose Maria Sison ang batayan, mas pinili niyang tukuyin ang katotohanan at isiwalat ang kabulukan ng sistema. At hindi rin naman totoong paulit-ulit ang kanyang mga sinusulat. Nakaangkla ang kanyang argumento sa partikular at kongkretong kalagayan, sa umiinog at pumipihit na sitwasyon, sa mga posibilidad na pwedeng pabilisin o hulmahin ng mga taong lumalaban. Ang imperyalismong kanyang sinuri noong 1960s ay patuloy niyang kinukundena ngayon subalit nakatuon sa partikular na layuning pampulitika na magkaiba noon at ngayon. Maaaring noon, ang suri sa imperyalismo ay nasa balangkas kung paano magsilbi sa kampanyang rektipikasyon; at ngayon naman ay kung paano higit na palakasin (resurgence) ang kilusang masa.
Ang problema kay Jose Maria Sison ay hinahanap ang kanyang boses at interbensiyon bilang pantapat sa mga atake ni Rodrigo Duterte. Bukod sa dati niyang estudyante si Digong, humahataw ang kanyang mga banat at epektibong antidote ito sa mga lasong pinapakalat ng pangulo at ng Malakanyang. Kaya niyang hubaran ang mga pagpopostura’t kasinungalingan ng rehimen. Madali niyang nauugnay ang krisis ng kasalukuyan sa mga sumusulpot na iskandalo at kung paano dapat ito hamunin ng kilusang mapagpalaya.
Ang problema kay Jose Maria Sison ay nilinaw niya ang kawastuhan ng pakikibaka kahit sa panahong walang lantarang banta ng diktadurya sa bansa. Si Duterte, walang pagpapanggap na siya ay diktador, maka-Marcos, at kriminal. Pero ang kanyang sinundan ay nagpakilalang demokratiko at kumikilala sa karapatang pantao. Makatwiran pa ba ang pambansang demokratikong linya ng pakikibaka sa panahong may espasyo diumano ang mga progresibong pwersa sa paghubog ng demokrasya sa bansa? Sa librong ito na naglalaman ng mga artikulong sinulat noong 2014 at 2015, tinukoy ni Jose Maria Sison ang patuloy na pag-iral ng isang sistemang kontra-manggagawa, kontra-magsasaka, at kontra-maralita. Bilang tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle, inaral ni Jose Maria Sison ang relasyon ng mga bansa, ang mga kontradiksiyon sa sistema ng kapitalismo, at ang epekto nito sa pulitika ng bansa. Kaya mainam itong gabay upang higit na maunawaan ang nangyayari ngayon sa Venezuela, ang pivot to Asia ng Estados Unidos, ang pag-angat ng Tsina bilang superpower, ang dinaanang proseso ng usapang pangkapayapaan, ang buod ng kasaysayan ng mahabang pakikibaka sa bansa, at ang iba’t ibang manipestasyon ng krisis sa ekonomiya.
Ang problema kay Jose Maria Sison, ngayon higit kailanman, ang kanyang mga sulatin ay sandata ng mamamayan laban sa reaksyon at gabay sa pagpapatuloy ng rebolusyon sa bansa.
Ang problema kay Jose Maria Sison ay patuloy siyang kinamumuhian ng naghaharing uri. At ang librong ito, kasama ang iba pang inilulunsad sa araw na ito, ay patunay kung bakit hanggang sa kasalukuyan at kahit sa edad na 80, siya ay nananatiling isang haligi at mahalagang boses ng rebolusyon sa Pilipinas.
Leave a Reply