Rebyu sa aklat na ‘Sa Aking Pagkadestiyero/In My Exile’ ni Joi Barrios. Sinulat para sa Bulatlat
Bilang dating migrante, ramdam ko ang kakaibang tipo ng lungkot na pinapahiwatig ng mga linyang ito:
Dito, taglay ko ang pilat na nasa noo ng bawat dayo,
Markado ngunit hindi nakikita,
na parang may tagabulag
O ang pangungulilang kapareha ng pananabik sa manggang kinagisnan:
Kalabisan nga ba
ang manghinayang,
na sa dinami-dami ng manga
na mapagpipilian,
wala ni isang
naaamoy ang tamis,
disin sana, matikman man lang
kaht init at lagkit
ng tag-araw
sa bayang iniibig
Dagdag bigat sa isip ang panunumbat ng sarili sa pagiging malayo sa minamahal, lalo’t ang mapagpasyang laban ay sa bayang iniwanan. Maraming paraan upang itawid ang distansiyang namamagitan subalit sa huli ang agwat ay nananatili. Panandalian at mababaw ang anumang ugnay na hatid ng birtwal na komunikasyon kung kaya’t napakalahaga ang bawat salitang bibigkasin. Natatangi kung nagtataglay ng hangaring lagpas sa sarili ang kabuluhan.
Pamilyar ang mga tula ni Joi Barrios at ang unang tatagos ay mga salitang gumuguhit ang lalim at talas. Saka lamang maaalala ng mambabasang aktibista kung saang rali, porum, at parangal narinig ang tula. Tinanghal sa harap ng madla, binasa upang pumukaw ng ahitasyon, pinalabas sa social media upang maabot ang mas marami.
Ilan ang nakabatid na sinulat pala ang umaapoy na prosa sa kabilang dako ng mundo? Hindi lang husay sa pagsulat kundi ang masinop at marubdob na pagsubaybay sa nangyayari sa lipunan. May hugot sa balita, kumiling sa pulso ng masa, nakaangkla sa tindig ng paglaban. Tila naglaho ang distansiya ng makata sa isang iglap at sa bisa ng ilang linya.
Sa panahong naghasik ng lagim si Rodrigo Duterte, ang boses ng mga peministang makata tulad ni Joi Barrios ay nagpalakas ng loob ng marami. Tinapatan ang lason ng disimpormasyon sa pagsandig sa katotohanan at malikhaing paghabi ng katwiran ng palaban. Habang tumindi ang pasismo, sinabayan ito ng atake sa politika ng Kaliwa. Sa digmaan ng naratibo, ang radikal na panig ni Joi Barrios ay hindi maikakaila:
Malinaw sa amin ang katwiran ng himagsik
At kung ang dahilan ay hindi mo pa rin mabatid,
Hayaang ihiwalay tayo ng guhit
Sa ating pagtindig
At mayroon siyang babala sa mga mandurukot ng alaala na ang layon ay siraan ang Kaliwa:
Siyang namumuhunan sa alaala,
para sa ginhawa at pagtamasa
habang isinusugal ang buhay ng kapwa
na ipinipinta na kulay pula
ay walang ibang inilalantad
kundi ang sariling pagkasalat,
Huwag, huwag na kaming idamay, isama
sa huwad na alaala.
Kung may malisyosong paggamit ng alaala, pinakita rin sa mga tula kung paano ang alaala ay puhunan ng makata upang magpugay sa mga kaibigan, kasama, at mahal sa buhay. Salalayan din ito upang idugtong ang pakikisangkot noon at ngayon sa pamamagitan ng pagkilala sa iba’t ibang ambag ng mga kakilala sa kilusang mapagpalaya. Makapangyarihang sandata ang alaala sa kamay ng makatang ang puso ay para sa paglikha ng bagong kasaysayan. Marami-rami na ang lumisan, at ang ating pighati ay pinalubha ng pandemya, subalit ang mahalaga ay may nagpapatuloy ng pakikibaka. Ang temang ito ay palagiang binabalikan ng makata sa kanyang mga tulang nag-iiwan ng hamon sa kabataang mambabasa.
Tiyak lalawak pa ang bilang ng mambabasa dahil ang mga tula ay may salin sa wikang Ingles bukod sa nailagay na rin ang ilan sa internet. May adbantahe ang pagbasa ng tula sa Filipino at ang salin nito dahil nakukumpara ang pakahulugan sa sariling wika at ang katumbas nito sa Ingles. Sinasalamin pa rin nito ang talino ng makata dahil tumatak sa dalawang bersyon ang palabang mensahe tungkol sa katapangan, pagpanig, at pag-ibig sa kapwa.
Malayo man ay malapit din. Tahanan ang mundo, ang tanaw ay sa lupang sinilangan, ang tula ay para sa pangmatagalang laban.
Leave a Reply