Mong Palatino

Blogging about the Philippines and the Asia-Pacific since 2004

About

@mongster is a Manila-based activist, former Philippine legislator, and blogger/analyst of Asia-Pacific affairs.

cauayan(Talumpating binigkas sa rehiyunal na kongreso ng College Editors Guild Cagayan Valley sa Isabela State University Cauayan noong Setyembre 10, 2015). Published by Bulatlat

Una sa lahat, salamat at andito kayo kahit may Aldub ngayon. Huwag gawing obvious ang pagsilip sa Aldub hashtag.

Pangalawa, salamat sa College Editors Guild para sa karangalan na maging keynote speaker. Saludo ako sa CEGP, matayog na sandigan ng kilusang kabataan sa bansa na patuloy ang paglaban hindi lamang para sa karapatang magpahayag kundi kasama rin ang demokratikong karapatan ng mamamayan.

Nagagalak akong makita kayo na aktibong kalahok sa pagtitipong ito. Ibig sabihin kasi may extra effort kayo na inilalaan para sa pag-aaral. Hindi naman lahat pinipiling maging bahagi ng student paper; hindi lahat nauunawaan ang halaga ng tinatawag natin sa akademya na extra curricular activity. Kung ako ang inyong tatanungin, at ako ay nagsasalita sa punto de bista ng isang guro, kasing halaga ng pormal na kurikulum o minsan nga higit na mabisang learning tool ang mga aktibidad sa labas ng klasrum. Kapag aktibo kayo sa mga ganitong samahan, lumalawak ang inyong network, nabubukas sa inyo ang maraming oportunidad, at nadadagdagan ang inyong praktikal na kaalaman sa maraming bagay.

Marahil ngayon ay napansin na ninyo ang inyong spesyal na status bilang mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa ating bansa, mataas ang drop-out rate mula kinder, elementary, at hayskul. Ang problema natin ay hindi lamang ang maikling high school system kundi ang mas pundamental na usapin na marami ang hindi nakakatapos ng hayskul. Alam yan ng DepEd pero tinuloy pa rin nito ang pagpapatupad ng programang K-12, isang reporma na maaaring magpalubha sa halip na resolbahin ang krisis sa edukasyon. Kung hindi K-12 ano ang alternatibo? Ano ang ating isusulong?

Bigla kong naalala ang 1987 Constitution dahil nakasaad dito na dapat libre ang hayskul. Sa 1973 Constitution, nakalagay dun na elementary lang ang libre. Panahon na siguro upang isakatuparan ang matagal nang sinisigaw ng mga kabataan na libreng edukasyon kahit sa kolehiyo. Imposible? Sundin ang nakasulat sa konstitusyon na dapat ang pinakamataas na gastusin ng pamahalaan ay nakalaan sa edukasyon. Ayusin muna ang mga pangunahing problema sa batayang edukasyon tapos pag-usapan natin kung paano hakbang-hakbang na ipapasok ang mga nilalaman ng K-12.

Sana bago matapos ang pagtitipong ito ay maaari na kayong makapagbigay ng inyong sariling kasagutan sa mga tanong na ito: Bakit ba tayo nag-aaral? Bakit ba tayo nagsusulat?

Tila simple, napakasimpleng mga tanong, hindi ba? Pero sa totoo, hindi. Sabi ng mga nakakatanda, kailangang mag-aral para magkaroon ng magandang kinabukasan. Susi raw ang edukasyon para makuha natin ang trabahong ating inaasam. Tama. Subalit hindi ba ito makitid na pananaw? Bakit natin ililimita ang misyon ng edukasyon sa paghahanda sa atin kung paano magtrabaho sa hinaharap? Wala namang problema kung tuntungan ang edukasyon upang maabot ang ating mga pangarap pero bakit kailangang nasa unahan ang mga indibidwal na mithiin? Mainam sana kung ang pokus ng lahat, kung ang tinataguyod ng mga paaralan ay hindi indibidwalismo o kompetisyon kundi panlipunang kagalingan din.

Iwan muna natin ang usaping ito at babalikan natin ito mamaya. Samantala, pag-usapan natin ang pagsusulat.

Mayroon akong pagtingin na nasa peligro ang batayang kasanayan sa pagsusulat. At ang banta ay nanggagaling sa popular na teknolohiya na ang tawag natin ay Internet. Oo, maraming positibo ang mababanggit patungkol sa Internet – mabilis na komunikasyon, instant na palitan ng impormasyon – at marami pa itong potensiyal na pwedeng magamit sa pag-aaral; subalit dapat din nating kilalanin na may epekto ito na hindi nakakabuti.

Maaaring sabihin na lahat naman ng disruptive technology ay may ganitong katangian tulad ng mga pagbabagong idinulot ng libro, makinilya, at TV noon. Tama ulit. Subalit nasa maagang yugto pa lang tayo ng Internet at kaugnay na teknolohiya sa tinatawag nilang Knowledge o Information Economy. Ibig sabihin, mahalaga na matukoy agad natin ang mga binabagong gawi at aktitud ng Internet sa ating pang araw-araw na buhay upang maagap din tayong makapag-adjust o makahanap ng karampatang aksiyon o reaksiyon.

Bilang mga millennial o henerasyong nagkaisip sa panahong halos mainstream na ang paggamit ng smartphone, maaaring hindi na kakaiba sa inyo ang paggamit ng Internet o paglahok sa social media. Dapat nating maunawaan na lahat ito ay naging popular sa nakalipas na dalawang dekada lamang. Subalit sa maikling panahong ito, nagbunsod na ito ng maraming pagbabago sa mundo ng tao. Wala tayong kakulangan ng mga babasahing pumupuri sa IT; ang kailangan natin ay mga kritikal na talakayan hinggil dito.

Mayroon akong mga mungkahing paksa kung paano natin ilulugar ang mga pagbabagong ito sa distribusyon at pagdebelop ng kaalaman sa lipunan:

– Ang Internet bilang search, email, blog, social media at app o kung paano umusbong, yumabong, at naging bonggang plataporma ang Internet sa mundo. Kaugnay nito, ang social media bilang gatekeeper ng impormasyon. At ang susunod na default technology: paggamit ng apps na gagabay sa ating bawat pagkilos;
– Pagbasa sa panahon ng realtime, instant info o kung magiging mas prangka tayo: may nagbabasa pa ba o simpleng tumitingin na lang ng mga visual?;
– Ang bilis o instant ay pinagkakamali bilang totoo;
– Malikhaing pagsulat gamit ang 140 characters. Malikhain ba ito? Pagsulat ba ito?;
– Kailan kulang at sobra ang impormasyon? Bakit trending samantalang kay bilis naman makalimutan?;
– Totoo bang may diversity ng opinyon sa ating timeline?;
– Self-surveillance bilang bagong privacy;
– Fact checking bilang expertise ng lahat kaysa pagsusuri sa lipunan. Gusto ba nating tumingin sa paligid o mas hangad nating makita ng iba? Paano ang social responsibility kung abala ang marami sa self-representation?

Habang pinag-uusapan natin ang Internet, huwag nating kalimutan na malaking bahagi pa rin ng bansa ang hindi online. Ang tawag nila dito ay digital divide o digital exclusion. Ang mahirap ay higit na nagiging marginalized dahil sa mga serbisyo at impormasyong pwede lamang makuha gamit ang laptop o smartphone.

Sa tingin ko’y pwede na nating pag-ugnayin ang dalawang tanong na nabanggit ko kanina: Bakit ba tayo nag-aaral? Bakit ba tayo nagsusulat? Sa panahon na may Internet, nagbago na rin ba ang mga dahilan kung bakit tayo nag-aaral at nagsusulat?

Eto ang aking pagmumuni-muni sa mga tanong na yan: Ang pag-aaral at pagsusulat ay dapat nakaangkla sa paghahanap at pagtatanggol sa katotohanan. Ang katotohanan ng lipunan, ang katotohanan ng pagkikibaka para sa pagbabago. Ang katotohanan na susi para paglingkuran ang masa, ang inaapi, ang mga walang boses sa lipunan. Nag-aaral at nagsusulat tayo para sa kanila, para sa iba, para sa bayan, para sa katotohanan. At ang pagpanig natin sa katotohanan ay sumasalamin sa tunay na layunin ng pag-aaral: hubugin ang indibidwal na magkaroong ng dunong at puso para sa kapwa.

Kaya ang pag-aaral at pagsusulat ay dapat nagbibigay liwanag sa mga usaping kasangkot ang lahat. Hindi pag-aaral na nakabatay lamang sa teksbuk. Hindi pagbubuo ng kaalaman ayon sa tinakdang kahulugan ng mga nasa awtoridad. Dapat mapangahas na sinusulat natin ang mga usaping may kongkretong pakinabang o silbi sa mamamayan.

Halimbawa:

– Plataporma hindi porma sa halalang 2016. People’s agenda hindi politicians’ agenda sa kampanya;
– Climate change bilang malupit na realidad sa bansa;
– Nagpapatuloy na pagkasira ng kalikasan. Sino ang dapat magbayad pinsala? Kailangan bang wasakin ang yamang likas sa ngalan ng kaunlaran?;
– Bakit pinapaslang ang mga lumad sa Mindanao? Bakit may militarisasyon sa mga plantasyon at ancestral domain?;
– Labor export bilang tanikalang bumihag sa maraming pamilyang Pilipino;
– Lumalalang kahirapan, lumalaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, tumitinding pagsasamantala sa kanayunan. Bakit mahirap ang magsasaka at mangingisda?

May pagkakataon tayong palalimin ang pag-unawa sa mga problemang ito sa nalalapit na APEC Summit sa Pilipinas. Ipakita natin na hindi ramdam ng marami ang sinasabi ng pamahalaan na pag-unlad ng ekonomiya. Itama natin ang makaisang panig na ulat hinggil diumano sa kaunlarang tinatamasa ng marami sa rehimen ng daang matuwid.

Bilang campus press, mahalaga ang inyong papel sa pagpukaw sa atensiyon ng inyong komunidad sa mga usaping hindi nababalita, mga isyung ayaw pag-usapan, mga solusyon na minamarkahang radikal o imposible. Ginagawa tayong tangang consumer ng TV, kontrolado ng malaking negosyo ang mga pahayagan, ang Internet naman ay binabaha tayo ng mga spam at iba pang walang katuturan na libangan.

Samantalang ang campus press, wala itong pananagutan sa anumang interes maliban sa magbigay ng tamang impormasyon sa madla. Nawa’y ang mga pahina ng inyong mga pahayagan ay magbigay ng inspirasyon sa marami na pumanig sa katotohanan. Aanhin ang balitang pwede namang i-google. Kaya dapat may dagdag imbestigasyon, may komprehensibong pag-aaral, may pagsisikap isulat ang mga istoryang kailanman ay ihindi ilalabas ng malaking media, may pagsagot sa mga tanong na kailanman ay hindi mababasa sa mainstream.

Ang kumpetisyon ninyo ay hindi dyaryo ng ibang paaralan sa Cagayan Valley kundi ang lahat ng dyaryo sa mundo, lalo na kung mayroon kayong website. Kaya sana tangkain ninyong isulat ang sikreto ng mga kurakot at mapang-api sa Cagayan Valley. Ano ang mukha ng kahirapan sa rehiyon? Saan ang logging at mining plantations? May mga biktima ba ng human trafficking? Bakit walang tren sa bahaging ito ng Luzon? Kailangan natin ng mga whistleblower na may kredibilidad at pwede itong gampanan ng campus press. Kailangan natin ng mga ulat na magpapaalala sa atin na tayo ay may matapang at mayamang kultura.

Maaari ninyong isagot na napakabata pa ng inyong mga edad upang gawin ito. Huwag kayong pabebe. Kung kaya ng mga teenager na magvideo at maging YouTube sensation, kayang-kaya ninyo rin maging investigative reporter. Matuto tayo sa aral ng kasaysayan: hindi hadlang ang edad upang magkaroon ng makabuluhang ambag para sa pagbabago.

Ngayong buwan ng Setyembre ay ginugunita natin hindi lang ang deklarasyon ng Martial Law noong 1972 kundi kung paano rin ito nilabanan ng maraming kabataan hanggang mapatalsik ang diktador. Kung kaya nila, kayang-kaya ninyo rin. Oo, wala ng martial law pero nagpapatuloy ang kahirapan, kawalan ng hustisya, at paglabag sa karapatan ng mamamayan. Sila, lumaban kahit walang cell phone at Internet. Kayo, tayo, walang dahilan upang maging tahimik at sumuko na lamang.

Maaari ninyong idagdag, lalaban tayo…sa tamang panahon. Hindi ngayon, kundi sa tamang panahon. Una, hindi kayo si Aldub o lola Nidora. Pangalawa, mali si lola. Ang paglaban ay laging nasa tamang panahon. Ang pag-ibig ay laging nasa tamang panahon. Walang maling panahon; ang mali ay nasa pag-iisip natin. Kung hindi tayo lalaban, magpapatuloy ang kasalukuyang kalakaran. Magpapatuloy ang karangyaan ng iilan habang mayorya ay gutom at walang pag-asa sa buhay. Ang maginhawang buhay, hindi hinihintay ang tamang panahon. Ipinaglalaban yan.

Leave a Reply