Talumpating binigkas sa De La Salle – College of St. Benilde, Hunyo 22, 2009.
May natatandaan akong pelikula ni Jestoni Alarcon at Charito Solis na ipinalabas sa takilya noong 1989. Grade 3 ako noon. Ang pamagat: Huwag Mong Buhayin ang Bangkay. Sa sobrang pagmamahal ng ina sa kanyang namatay na anak, lumapit siya sa itim na kapangyarihan upang buhayin ang bangkay. Ang nangyari: nabuhay nga ang anak pero isa na siyang zombie. Zombie na naghahasik ng lagim sa kanyang paligid.
Eto ang ginawa natin sa Con-Ass. Binuhay natin ang patay. Mag-ingat tayo sa bangkay na ating binuhay; tiyak itong magdadala ng kamalasan sa ating bansa.
Bakit ko sinabing tila parang zombie ang Con-Ass? Ilang beses kasing pinatay at binuhay ang Con-Ass. Una, binawi ni Rep. Luis Villafuerte, principal sponsor ng Con-Ass, ang kanyang lagda sa Con-ass. Sa kabila nito, sinulong pa rin ng mga PALAKA (Partido Lakas-Kampi) ang Con-Ass sa committee level. Pinagbotohan sa committee kung ihahapag na ba sa plenary ang Con-Ass kahit wala pang sapat na debate. Nagwalk-out ang minority; tinuloy ang botohan; pero natalo pa rin ang mga pro Con-Ass. Ito ang pangalawang kamatayan ng Con-Ass.
Pero pagkatapos ng isang lingo binuhay ulit nila ang Con-Ass. Nag-imbita kami ng mga respetadong iskolar tulad ni Fr. Joaquin Bernas upang magbigay ng liwanag kung ano ba ang tamang paraan para baguhin ang Konstitusyon. Mahigit tatlong oras kaming nakinig sa mga iskolar; lahat sila nagsasabing kailangang bumoto ng hiwalay ang dalawang kamara. Ibig sabihin hindi pwedeng lumipad ang Cha-Cha o Con-Ass ng walang partisipasyon ng Senado. Ilan sa mga miyembro ng Kongreso ay nagsalita sa committee hearing. Ang sabi nila estudyante raw sila ni Fr. Bernas; sila raw ay nag-aral noon sa Ateneo. Ilang minuto (uulitin ko, ilang minuto) pag-alis ni Fr. Bernas, nagbotohan ulit. Inaprub ang Con-Ass. Binuhay ulit ang Con-Ass. Parang hindi sila nakinig kina Fr. Bernas.
Hindi rito nagtatapos ang kuwento. Namatay ulit ang Con-Ass. Binalik ng Committee on Rules ang HR 1109 sa mother committee. Ang implikasyon nito ay hindi na malalagay sa adyenda ng plenary ang Con-Ass. Akala namin ito na ang katapusan ng buhay ng Con-Ass kasi malapit nang magtapos ang session ng Kongreso. Aba, bigla kaming nagulat dahil noong Hunyo 2, nagkaroon ng caucus ang majority at nagdesisyon sila na isusulong na nila ang pagboto sa Con-Ass sa plenary level. Ang bangkay ay muling binuhay.
Hapon ng Hunyo 2. Biglang dami ng mga pumasok sa Kongreso. Yung iba unang beses kong nakita sa loob ng Kamara. Tapos ang pagkain sa lounge ay sapat-sapat hanggang hatinggabi. Mukhang nakahanda silang magpuyatan para ipasa ang Con-Ass.
Natatawa kami sa minority habang nakikinig kami sa sponsorship speeches. Iba-iba kasi ang sinasabi ng mga sponsor. Bawat isa ay may kanya-kanyang bersiyon kung ano ang balak nilang gawin sa Con-Ass. Kahit sila hindi nagkakaisa sa interpretasyon kung ano ang tamang paraan upang matuloy ang Cha-Cha.
Napanood natin kung ano ang nangyari noong gabi ng Hunyo 2. Nanalo ang mga pro Con-Ass. Pero hindi natin nakita ang kanilang mga mukha dahil ang ipinasa ng Kongreso ay simpleng House Resolution lamang; ibig sabihin hindi kailangang tumayo ang bawat miyembro ng Kongreso upang ipaliwanag ang kanilang boto.
Ngayon, buhay ulit ang Con-Ass. Papatayin ito sa Senado. Bubuhayin kaya ito ng Supreme Court? Kung pagbabatayan ang opinyon ng publiko, mayorya ng ating mamamayan ay tutol sa Con-Ass at Cha-Cha. Kailangan nating wakasan, tuldukan na ang buhay ng Con-Ass. Paano?
Dapat daanin natin sa sindak ang mga miyembro ng Kongreso. Huwag nating payagang umabot pa sa Korte ang labanan. Ngayon pa lamang ay iparinig natin ang ating boses, ang ating matinding pagtutol sa Con-Ass. Ipakita natin sa Malakanyang ang ating malakas na oposisyon sa Con-Ass.
Nauuso ngayon ang virtual activism. Isa ako sa mga nagsusulong nito. Sige gamitin natin ang texting, blog, facebook, twitter at plurk para ikampanya ang pagbabasura ng Con-Ass. Paramihin ang bilang ng mga pumipirma sa ating mga online petition. Pero kilalanin natin ang limitasyon ng mga ito. Una, hindi lahat ng masa ay maabot nito. Pangalawa, hindi lahat ng pulitiko ay mahilig bumisita sa cyberspace. Yung marami hindi nagbabasa ng mga blog. Yung iba hindi talaga mahilig magbasa.
Hindi uubra na magpatali tayo sa mga cute na aksiyon; kailangang dambuhala, kailangang dumadagundong, kailangang rumaragasang mga pagkilos ang gawin natin para masindak ang mga miyembro ng Kongreso. Kailangan nilang maramdaman ang ating presensiya. Magplano ng mga lokal na pagkilos. Pumunta sa opisina ng mga mambabatas. Kausapin sila.
Nagawa na natin ito noon. Noong 1997 may balak ding Cha-Cha ang administrasyong Ramos. Sophomore ako noon sa kolehiyo. Malawak din ang pagtutol ng mamamayan sa Cha-Cha. Ano ang ginawa natin? Nagrali tayo sa Luneta. Pinuno natin ang Luneta. Pinarinig natin hanggang Malakanyang, hanggang Batasan, ang ating galit. Kailan tayo pupunta ng Luneta?
May mga hamon tayong kakaharapin. Una, seryosong balakid ang swine flu. Paano tayo magkakapit-bisig eh simpleng paghahawak lang ng kamay sa simbahan ay mukhang ingat na ingat tayong gawin. Paano tayo magpapalakas sa mga kampus kung palaging suspended ang mga klase?
Pangalawa, huwag nating maliitin ang pwedeng gawin ni Pangulong Arroyo. Kahit marami sa atin ay galit sa kanya, huwag nating kalimutang nagawa niyang manalo noong halalang 2004. Hindi siya mapatalsik sa Malakanyang sa kabila ng mga Hello Garci scandal, fertilizer scam, extrajudicial killing, at marami pang mga kaso.
Ito ay mga balakid pero hindi ibig sabihin imposible tayong magwagi. May hangganan din ang pasensiya ng ating mga kababayan. Kaya pa natin ilunsad ang mas malaki, mas malawak, mas epektibong porma ng People Power sa hinaharap. Sabi nga sa Koreanovelang Boys over Flowers, (we should keep on) Fighting!
Para sa mga nagdadalawang isip, eto ang ilang mga katanungan:
-Gusto ninyo bang tawaging Prime Minister si Gng. Arroyo sa June 30, 2010?
-Gusto ninyo bang maging Prime Minister for life si Gng. Arroyo? Tandaan natin, bata pa siya.
-Payag ba kayong alisin ang term limits para sa mga miyembro ng Kongreso?
-Hahayaan ba nating magmay-ari ang mga banyaga ng mga lupain at korporasyon sa ating bansa? Eh samantalang sa ibang bansa, kahit sa Estados Unidos at Europa, nagiging uso ulit ngayon ang konsepto ng economic nationalization.
May planong martsa ang mga pwersang anti Con-Ass sa June 30? Dadaan ito sa harap ng inyong kampus sa hapon. Sana sumama tayo sa pagkilos na ito. Isuot ang facemask, magdala ng alcohol, bitbit ang mga placard at streamer, sabay-sabay nating labanan ang Con-Ass ni Gloria.
Basahin din:
[…] Talumpating binigkas sa De La Salle – College of St. Benilde, Hunyo 22, 2009. Nalathala rin sa MongPalatino.com […]
Con-Ass: Huwag Buhayin ang Patay: Tinig.com
June 23rd, 2009
[…] Congress violated the House rules when it adopted HR 1109. This is a Zombie Resolution – ilang beses na itong namatay, binuhay, namatay at binuhay ulit. The principal author withdrew […]
Mong Palatino : Why oppose Con-Ass?
July 15th, 2009
[…] Techie Con-ass MV Princess of the Stars SONA 2007 Posted by admin on Thursday, July 23, 2009, at 5:21 pm. Filed […]
Mong Palatino : Sona 2001-2009
July 23rd, 2009
[…] tyranny of numbers, Congress can ignore public opinion and approve controversial measures like the Con-Ass in 2009. They are Shock And Awe bills or from the point of view of the ruling party: What We Are In […]
Mong Palatino » Blog Archive » House Bills and Resolutions Reloaded!
June 22nd, 2011