Kapag Labor Day, may nakahandang biyaya ang pamahalaan para sa mga maliliit na manggagawa. Pagtatanggol sa kalikasan at kultura naman ang karaniwang tema kapag Indigenous People’s Day. At tuwing Araw ng Kababaihan, may pagdidiin sa kabuluhan ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa lipunan upang mabaka ang diskriminasyong nakabatay sa kasarian.
Pero ano dapat ang maging paksa kapag Araw ng Kabataan? Hindi lamang edad ang espesyal sa kabataan; mahalaga din ang pagiging bahagi niya ng iba’t ibang sektor at uri sa lipunan. Walang kabataang ang tanging pagkakakilanlan niya ay ang pagiging kabataan lamang. Halimbawa, maraming batang manggagawa, mayroon tayong mga IP youth, at malaking bilang ng kababaihan ay kabataan. Sa madaling salita, hindi hiwalay ang isyu ng komunidad sa partikular na usaping kasangkot ang kabataan. Ang pasanin ng bayan ay pasanin din ng kabataan.
Kung gayon, ang pagtataguyod sa interes ng kabataan ay pagkilos din upang umangat ang kapakanan ng lahat. Hindi pwedeng magtagumpay ang kabataan nang hindi niya napapawi ang mga mali sa paligid. Paano magdidiwang ang kabataan kung gapos sa kahirapan ang masa? Kaya sa minimum, kaisa ng kabataan ang mamamayang lumalaban para sa kanilang karapatan. Sa maksimum, handa ang kabataang tumindig para sa pagbabago. Pagbabago ng lipunan. Pagbabago ng lumang mundo.
Kaya hindi maiiwasang banggitin ang likas na radikalismong taglay ng kabataan tuwing Araw ng Kabataan. Hindi mapipigilang tukuyin muli ang dakilang misyon ng kabataan na maging aktibong ahente at boses ng rebolusyon. Mapanlaban ang diwa nito: Pag-asa, Pakikibaka, Pagbabago. Bilang pag-asa ng bayan, nakikibaka ang kabataan kasama ang bayan upang likhain ang isang bagong bukas. Ito ang dahilan kung bakit ang Araw ng Kabataan ay sadyang napakapulitikal.
Araw din ito ng pagkilala sa mga nauna sa atin; sa mga kabataan noon na nagturo sa atin kung paano lumaban – Sa henerasyon nina Bonifacio, Rizal, Aguinaldo, at Jacinto; sa mga lumaban noong Philippine-American War; sa mga kabataang martir ng World War II; sa mga humamon sa Batas Militar. Matayog ang kanilang pangarap para sa atin. Mangarap din tayo para sa susunod na henerasyon.
Bawat isa sa atin ay may bitbit na usapin: edukasyon para sa lahat, reproductive health, climate change, decent employment, volunteerism. Mainam kung may kumprehensibo din tayong tanaw sa ating sitwasyon upang kumprehensibo din ang ating pagkilos. Hindi lalaya ang Pilipinas kung lahat tayo ay nakapokus sa ating maliliit at hiwa-hiwalay na laban habang ang kaaway natin ay nagdudulot ng malawakang pinsala sa bayan.
Hindi rin tayo dapat malunod sa pagbaha ng impormasyon, at maanod ng iba’t ibang libangang pinagkakaloob sa atin ng modernong teknolohiya. Wala sa twitter trending topics ang katotohanan ng ating mga suliranin; wala sa social media timeline ang sagot sa kahirapan. Nasa offline na mundo ang kalutasan; sa ating sama-samang pagkilos napapanday ang mabisang sandata para sa pagbabago.
Patunayan natin na kaya nating maging inspirasyon para sa iba pang kabataan ng mundo tulad ng ipinakita ng mga kabataan ng maraming bansa sa Middle East. Gamit ang teknolohiya sa mobilisasyon, sila ay tumungo sa lansangan upang ipaglaban ang kanilang demokrasya.
Hindi nagtapos ang pakikilahok ng kabataan sa kasaysayan noong Edsa 1986. Kung tila mahirap ulitin ang kasaysayan, lumikha tayo ng bagong kasaysayan. Pero huwag sabihing tapos na ang panahong makisangkot. Hindi nalalaos ang pagiging makabayan.
Dapat tutulan natin ang pagmamaliit sa atin. Hindi tayo voting block. Hindi tayo consumer market. Hindi tayo audience profile. Hindi tayo mga kinder na ang kayang gawin lamang ay sumunod sa matatanda’t kumilos batay sa kagustuhan ng matatanda.
Maraming taguri sa bagong henerasyon: Post Edsa generation, digital natives, networked generation, Arroyo Babies, Strawberry Generation. The muggles who grew up with Harry Potter. Mamili na lang kayo. Pero ngayong Araw ng mga Kabataan, pwede bang gamitin natin itong pagkakataon upang pag-isipan, pag-usapan, pagdesisyunan kung ano ang direksiyon na ating tatahakin upang matiyak ang isang mas magandang kinabukasan para sa lahat.
Bilang beterano ng Edsa Dos, ako ay humihingi ng paumanhin at hinayaan naming mamuno si Gloria Arroyo ng halos isang dekada. Huwag ninyong tularan ang aming mga kahinaan.
One Comment